Tanong
Ano ang mga putong/korona na maaaring matanggap ng mga mananampalataya sa langit?
Sagot
May limang (5) makalangit na putong na binanggit sa Bagong Tipan na ipagkakaloob sa mga mananampalataya. Ang mga ito ay ang putong na walang pagkasira, putong ng kagalakan, putong ng katuwiran, putong ng kaluwalhatian at putong ng buhay. Ang salitang Griyego para sa “putong” o “korona” ay stephanos (ang pinagmulan ng pangalan ng martir na si Esteban) na nangangahulugan na “sagisag ng kamahalan, isang gantimpala sa pampublikong palakasan o isang simbolo ng karangalan sa pangkalahatan.” Ang putong o korona ay ginagamit sa sinaunang plakasang Griyego; kung saan ang isang korona o kuwintas na yari sa dahon ay inilalagay sa ulo o leeg bilang gantimpala sa pagwawagi sa isang paligsahang pampalakasan. Ang karangalang ito ay ginagamit na paglalarawan sa Bagong Tipan para sa mga gantimpala sa langit na ipagkakaloob ng Diyos sa mga tapat na mananampalataya. Ipinaliwanag sa 1 Corinto 9:24-25 kung paano ipagkakaloob ang mga putong na ito.
1) Ang putong na walang pagkasira – (1 Corinto 9:24-25) “Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. Lahat ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon.” Ang lahat ng bagay sa mundong ito ay nasisira at panandalian lamang. Hinimok tayo ni Hesus na huwag magimpok ng kayamanan sa lupa kung saan “may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw” (Mateo 6:19). Ang paghahambing na ito ay katulad ng sinasabi ni Pablo tungkol sa koronang dahon na iginagawad sa isang atleta na madaling natutuyo at nabubulok. Ngunit hindi gaya nito ang makalangit na putong o korona; may naghihintay para sa mga nagtitiis ng may katapatan na isang gantimpala sa langit na “isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos” (1 Pedro 1:3-5).
2) Ang putong ng kagalakan – (1 Tesalonica 2:19) “Sapagka't ano ang aming pagasa, o katuwaan, o putong, na ipinagmamapuri? Hindi baga kayo rin sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagparito?” Sinabi sa atin ni Apostol Pablo sa Filipos 4:4, “Magalak kayong lagi sa Panginoon” para sa saganang pagpapala na ibinuhos sa atin ng mapagpalang Diyos. Bilang mga Kristiyano, mas marami tayong dapat ipagpasalamat sa buhay na ito ng higit sa mga hindi mananampalataya. Sinabi sa atin ni Lukas na may malaking kagalakan na ngayon pa lang sa langit dahil sa atin (Lukas 15:7). Ang putong ng kagalakan ang ating magiging gantimpala doon kung saan, “papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na” (Pahayag 21:4).
3) Ang putong ng katuwiran – (2 Timoteo 4:8) “Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.” Makakamtan natin ang putong na ito sa pamamagitan ng katuwiran ni Kristo. Kung wala ang katuwiran ni Kristo sa atin, hindi natin makakamtan ang putong na ito. Dahil ito ay katuwirang ipinagkaloob sa atin, hindi ito nakakamit sa pamamagitan ng lakas at pandaraya na gaya ng koronang panlupa. Ito ay putong na pangwalang hanggan na ipinangako sa lahat ng umiibig sa Diyos at naghihintay ng may buong pananabik sa Kanyang muling pagparito. Sa pagdaan natin sa panghihina ng loob, paguusig, pagdurusa at maging kamatayan, nakatitiyak tao sa mga gantimpala sa atin sa pamamagitan ni Kristo sa walang hanggan (Filipos 3:20). Ang koronang ito ay para sa mga hindi umaasa sa kanilang sariling katuwiran. Ang sariling katuwiran ay nagdadala lamang ng pagmamataas at ng hindi pananabik na makasama ang Panginoon.
4) Ang putong ng kaluwalhatian – (1 Pedro 5:4) “At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.” Ang salitang “maluwalhati” ay isang kaakit akit na salita na tumutukoy sa mismong kalikasan ng Diyos at ng Kanyang mga gawa. Kaakibat nito ang Kanyang dakilang karangalan at kaningningan. Matatandaan na habang binabato si Esteban, nakuha pa niyang tumingala sa langit kung saan nakita Niya ang kaluwalhatian ng Diyos (Gawa 7:55-56). Ang salitang ito ay nangangahulugan din ng kung sino ang Diyos (Isaias 42:8; 48:11; Galacia 1:5). Ang mga mananampalataya ay labis na pinagpala na makapasok sa kaharian ng Diyos at tumanggap ng koronang ito ng kaluwalhatian at maging katulad sila ni Hesus sa Kanyang kalikasan. Gaya ng sinabi ni Pablo, “Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw” (Roma 8:18).
5) Ang putong ng buhay – (Pahayag 2:10) “Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magtitiis kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.” Ang koronang ito ay para sa lahat na mananampalataya na sinuong ang mga paguusig para kay Hesus hanggang kamatayan. Sa Kasulatan, ang “buhay” ay laging ginagamit upang ipakita ang isang tamang relasyon sa Diyos. Sinabi ni Hesus, “Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap” (Juan 10:10). Gaya ng hangin, pagkain at tubig na napakahalaga para sa pisikal na buhay, si Hesus ay napakahalaga din para sa espiritwal na buhay. Siya lamang ang nagbibigay ng “tubig ng buhay.” Siya rin ang “tinapay ng buhay” (Juan 4:10; 6:35). Ang ating buhay sa lupa ay magwawakas ngunit may kahanga-hangang pangako ang Diyos para sa lahat ng lalapit sa Kanya sa pamamagitan ni Hesus: “at ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan” (1 Juan 2:25).
Sinabi ni Santiago na ang koronang ito ng buhay ay para sa lahat ng umiibig sa Diyos (Santiago 1:12). Ang tanong, paano natin ipinakikita ang ating pag-ibig sa Diyos? Sinagot ni Apostol Juan ang katanungang ito: “Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ang tumutupad ng kanyang mga utos. Hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos” (1 John 5:3-4). Bilang Kanyang mga anak, dapat nating sundin ang Kanyang mga utos at buong katapatang sumunod sa Kanya. Kaya habang nagtitiis tayo sa gitna ng hindi maiiwasang mga pagsubok, sakit, sama ng loob at mga kahirapan, habang tayo’y nabubuhay – nawa ay lagi tayong mapatuloy sa ating paglago sa ating pananampalataya at “masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya” (Hebreo 12:2) at tatanggap tayo ng putong ng buhay na naghihintay sa atin sa langit.
English
Ano ang mga putong/korona na maaaring matanggap ng mga mananampalataya sa langit?