settings icon
share icon
Tanong

Bakit magpapadala ang Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang sa mga huling panahon?

Sagot


Malinaw ang sinasabi ng Bibliya na magpapadala ang Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang sa mga huling panahon: “at may lahat ng mapandayang kasamaan para sa mga napapahamak, sapagkat tumanggi silang ibigin ang katotohanan upang sila'y maligtas. At dahil dito'y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan, upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan” (2 Tesalonica 2:10-12). Sa simpleng salita, magpapadala ang Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang sa mga taong magpapasya na hindi maniniwala sa ebanghelyo ni Cristo. Ang mga nasisiyahan sa pagtuya at pagtanggi sa Kanya ay Kanyang isusumpa.

Desisyon ng tao kung tatanggap siya at maniniwala sa katotohanan na ipinapahayag sa Kasulatan. Ang pagtanggap sa katotohanan at sa iniaalok na pag-ibig ng Diyos ay ayon sa Kanyang mga Katuruan, “Sapagkat ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat” (1 Juan 5:3). Sa kabaliktaran, ang pagkaalam sa katotohanan at pagkatapos ay hindi ito sundin ay pagharap sa poot ng Diyos: “Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kalikuan at kasamaan ng mga tao, na sa pamamagitan ng kanilang kasamaan ay pinipigil ang katotohanan” (Roma 1:18). Sa diretsahang pananalita, wala ng mas mapanganib pang kundisyon para sa tao kaysa sa malaman ang katotohanan at tumangging sundin ito. Ang paggawa nito ay pagpapatigas sa puso at pagtiyak sa paghatol ng Diyos.

Kung nalalaman ng isang tao ang katotohanan at tumatangging sundin ito, siya ay mapapailalim sa kasinungalingan at anumang hindi katotohanan na kayang isipin ng tao. “Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim. Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal” (Roma 1:21-22). Nagpatuloy si Pablo sa mga sumusunod na talata para ilarawan ang pagiisip at paguugali ng mga taong ayaw maniwala sa Diyos (tingnan ang Roma 1:29-31). Nagreresulta ito sa kahangalan at pagmamataas ng tao sa mga bagay ng Diyos, “At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat” (Roma 1:28). At dahil din dito, “hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinasang-ayunan pa ang gumagawa ng mga iyon” (Roma 1:32).

Malinaw na sinabi ni Isaias: “Ang kumakatay ng baka ay gaya ng pumapatay ng tao; ang nag-aalay ng kordero ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso; ang nag-aalay ng butil na handog ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy; ang naghahandog ng kamanyang bilang pinakaalaala ay gaya ng pumupuri sa isang diyus-diyosan. Pinili ng mga ito ang kanilang sariling mga lakad, at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam. Pipili rin ako ng kapighatian para sa kanila, at dadalhan ko sila ng kanilang takot; sapagkat nang ako'y tumawag, walang sumagot, nang ako'y magsalita ay hindi sila nakinig; kundi sila'y gumawa sa aking paningin ng kasamaan, at pinili ang hindi ko kinaluluguran” (Isaias 66:3-4).

Kung nalalaman ng mga tao ang katotohanan at tumatangging tanggapin ito at nagpapatuloy sila sa kasalanan, “mahahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan” (2 Tesalonica 2:12).

“Ang Diyos ay pag-ibig” (1 Juan 4:16). Hindi siya isang malupit na halimaw na sinasadya at natutuwa sa pagdadala sa tao sa walang hanggang pagdurusa. Pero masugid at puno ng pag-ibig Niyang ipinoproklama ang ebanghelyo nI Cristo, “hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi” (2 Pedro 3:9).

Sa buong Kasulatan, hinihimok ng Diyos ang mga tao na tanggapin ang katotohanan. Ngunit sa tuwing tinatanggihan nila Siya at ang Kanyang mensahe, saka lamang at sa panahong iyon lamang Niya pinatitigas ang kanilang mga puso at ibinibigay Niya sila sa kanilang nadimlang isip para maglunoy sa kanilang kasamaan para sa kanilang walang hanggang parusa. Ito ang sinasabi ng Panginoon sa sinumang nagdesisyong tanggihan ang katotohanan: “Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito: “Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy, hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa, kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan” (Jeremias 14:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit magpapadala ang Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang sa mga huling panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries