settings icon
share icon
Tanong

Paano nalaman ng mga tao na mayroong Diyos bago nagkaroon ng Bibliya?

Sagot


Kahit na hindi nalaman ng maraming tao ang tungkol sa nasulat na Salita ng Diyos, hindi naman sila walang kakayahan upang tanggapin at malaman ang mga bagay tungkol sa Diyos. Sa katotohanan, maraming mga lugar sa mundo ngayon na walang Bibliya, ngunit maaaring makilala o malaman ng mga tao roon ang tungkol sa Diyos. Ang isyu dito ay ang kapahayagan ng Diyos - ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang gustong ipaalam sa tao ng tungkol sa Kanyang sarili. Habang hindi laging mababasa ng tao ang Bibliya sa maraming kadahilanan, laging may paraan ang Diyos upang maipakilala ang Kanyang sarili sa tao. May dalawang kategorya ng kapahayagan - ang pangkalahatang kapahayagan at ang espesyal na kapahayagan.

Ang pangkalahatang kapahayagan ay ang paraan ng pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili sa lahat ng tao sa buong sanlibutan sa lahat ng panahon. Ito ang kaparaanan ng Diyos upang ipaalam sa tao na Siya ay totoo at Siya ang dahilan at pinanggalingan ng lahat ng mga bagay. Dahil umiiral ang mga bagay, at tiyak na mayroon silang pinagmulan, tiyak din na mayroong Diyos. Sinasabi sa Roma 1:20, “Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya. Kaya't wala na silang maidadahilan.” Nakikita ng lahat ng tao saanman sa mundo ang lahat ng nilikha ng Diyos at dahil dito alam nila na mayroong Diyos. Ipinaliwanag sa Awit 19:1-4, na ipinahahayag ng sangnilikha ang tungkol sa Diyos sa isang wika na nauunawaan ng lahat, “walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay, at wala ring naririnig na kahit na anong ingay” (v. 3). Ang kapahayagan ng Diyos sa pamamagitan ng kalikasan ay napakalinaw. Walang sinuman ang maaaring idahilan ang kanilang kamangmangan. Wala ng alibi para sa mga hindi naniniwala sa Diyos, at wala ring dahilan para sa mga nagdududa kung mayroon nga bang Diyos.

Ang isa pang aspeto ng pangkalahatang kapahayagan - na ipinahayag ng Diyos sa lahat ng tao - ay ang pagkakaroon ng tao ng budhi o konsensya. Ang kapahayagang ito ay panloob. “Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila” (Roma 1:19). Dahil nagtataglay ang lahat ng tao ng imateryal na sangkap - alam nila na mayroong Diyos. Ang dalawang aspetong ito ng kapahayagan ng Diyos ay inilarawan sa maraming mga kuwento ng maraming mga misyonero na nagmisyon sa mga tribu na hindi nakahawak ng Bibliya o nakarinig man ng tungkol kay Hesu Kristo. Ngunit ng ipahayag sa mga tribung ito ang plano ng kaligtasan, alam nila na mayroong Diyos dahil nakikita nila ang ebidensya sa kalikasan at alam nila ang pangangailangan nila ng Tagapagligtas dahil inuusig sila ng kanilang konsensya tungkol sa kasalanan at sa kanilang pangangailangan sa Diyos.

Bukod sa pangkalahatang kapahayagan, may espesyal na kapahayagan na ginagamit ang Diyos upang ipahayag sa tao ang tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang kalooban. Hindi dumating ang espesyal na kapahayagan sa lahat ng tao kundi sa mga partikular na tao lamang sa mga partikular na panahon. Ang halimbawa ng espesyal na kapahayagan sa Kasulatan ay ang palabunutan (Gawa 1:21-26, tingnan din ang Kawikaan 16:33), ang Urim at Tumim (isang espesyal na uri ng kasuutan na ginagamit ng Punong Saserdote sa pagalam sa kalooban ng Diyos (tingnan ang Exodo 28:30; Bilang 27;21; Deuteronomio 33:8; 1 Samuel 28:6 at Ezra 2:63), mga panaginip at pangitain (Genesis 20:3,6; Genesis 31:11-13,24; Joel 2:28), pagpapakita ng Anghel ng Panginoon (Genesis 16:7-14; Exodo 3:2; 2 Samuel 24:16; Zacarias 1:12), at ang ministeryo ng mga propeta (2 Samuel 23:2; Zacarias 1:1). Ang mga reperensyang ito ay hindi kumpletong listahan ngunit nagsisilbing magandang halimbawa ng espesyal na kapahayagan.

Ang Bibliya gaya ng ating nalalaman, ay isa ring uri ng espesyal na kapahayagan ng Diyos. Gayunman, natatangi ito sa lahat dahil ito ang nagpapawalang bisa sa iba pang uri ng espesyal na kapahayagan sa kasalukuyan. Maging si apostol Pedro at Juan na nakasaksi sa pakikipagusap ni Moises at Elias sa bundok kung saan nagbagong anyo si Hesus (Mateo 17; Lukas 9), ay nagsabi na ang espesyal na karanasang ito ay hindi nakahihigit “sa ipinahayag ng mga propeta” (2 Pedro 1:19). Ito ay sa dahilang sa Bibliya nakasulat ang lahat ng impormasyon na nais ng Diyos na malaman natin tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang plano at layunin. Sa katotohanan, nagtataglay ang Bibliya ng lahat ng dapat nating malaman upang magkaroon tayo ng relasyon sa Diyos.

Kaya bago nagkaroon ng Bibliya, gumamit ang Diyos ng maraming kaparaanan upang ipakilala ang Kanyang sarili at ipaalam ang Kanyang kalooban sa sangkatauhan. Kahanga-hangang isipin na hindi lamang gumamit ang Diyos ng isa kundi ng maraming kaparaanan. Dapat tayong magpasalamat na ibinigay Niya sa atin ang Kanyang nasulat na Salita at iningatan ito para sa ating kapakinabangan. Hindi natin kailangang umasa lamang sa iba upang sabihin sa atin kung ano ang sinasabi ng Diyos sa atin; maaari nating pagaralan at malaman kung ano ang sinasabi Niya sa atin sa pamamagitan ng Bibliya.

Ang pinakamalinaw na espesyal na kapahayagan ng Diyos sa atin ay ang Kanyang Anak na si Hesu Kristo (Juan 1:14; Hebreo 1:3). Nang magkatawang tao ang Panginoong Hesus at manirahan sa mundo kasama ng mga tao at ipasulat ang Kanyang mga salita sa Bibliya sa pamamagitan ng mga apostol, wala ng dahilan pa upang sabihin ng tao na walang paraan upang hindi niya malaman ang mga bagay tungkol sa Diyos. Nang mamatay si Hesus sa krus para sa ating mga kasalanan, wala ng karapatan ang sinuman na magsabi na hindi Siya inibig ng Diyos (1 Juan 4:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano nalaman ng mga tao na mayroong Diyos bago nagkaroon ng Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries