settings icon
share icon
Tanong

Baliw ba ang mga taong nagsasabing nakikipag-usap sila sa Diyos?

Sagot


Hindi kabaliwan, katawa-tawa, o hindi makatwiran kung ang isang tao ay nakikipag-usap sa ibang tao. Ang panalangin ay simpleng pakikipag-usap sa ating Lumikha. Ang Diyos ay espiritu, ngunit Siya rin ay isang Persona, at nangangahulugang Siya ay may personalidad, may damdamin, pagnanasa, at katalinuhan. Nasisiyahan Siya na makipag-ugnayan sa Kanyang nilikha, at kapag pinili nating hanapin Siya, ipinangako Niya na matatagpuan natin Siya (Jeremias 29:13). Ang Bibliya ay puno ng mga pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ng mga tao simula sa Halamanan ng Eden (Genesis 2:17). Nilikha ng Diyos ang tao para magsama sama, at ang pag-uusap ay isang malaking bahagi nito. Siya ay nalulugod sa atin at nais din Niya na tayo ay malugod sa Kanya (Awit 37:4, 23).

Ang Diyos mismo ay nag-aanyaya sa atin na tumawag sa Kanya, at nangako na Siya ay sasagot (Jeremias 29:12; Awit 50:15; Efeso 6:18; 1 Juan 5:14). Itinuro sa atin ni Jesus kung paano manalangin sa tinatawag na "Panalangin ng Panginoon" (Lukas 11:2-4). Ang sarili Niyang panalangin na nakatala sa Juan 17 ay isa ring magandang halimbawa ng taus-puso, at marubdob na panalangin sa pagitan ng Ama at ng Anak. Kung tayo ay naging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus, maaari tayong manalangin nang taimtim at malalaman natin na dinirinig tayo ng ating Ama (Juan 1:12).

Napakaraming pagkakataon na binanggit ang mga taong ganap na matino na nakikipag-usap sa Diyos. Ang ilan sa mga pinaka-kapansin-pansin ay sina Moises (Exodo 4:10), Elias (Santiago 5:17), David (2 Samuel 24:10), at Jesus (Mateo 11:24; Juan 17:1). Maraming magagaling na pinuno noong unang panahon ang umasa sa panalangin upang makagawa ng kanilang mga desisyon. Si George Washington, Abraham Lincoln, at karamihan sa mga nagtatag ng America ay lubos na naniniwala sa kapangyarihan ng panalangin. Ang mga dakilang siyentipiko tulad nina Isaac Newton, Louis Pasteur, Francis Bacon, George Washington Carver, at Galileo ay naniwala din sa panalangin. Wala sa mga taong ito ang maaaring matawag na "baliw."

Ang mga lumalakad na malapit sa Diyos ay naririnig din ang Kanyang tinig na nagsasalita sa kanila. Ang boses ng Diyos ay bihirang marinig. Siya ay nagsasalita sa puso ng isang tao na ganap na nakatuon sa Kanya (Gawa 8:29; 10:19; 2 Corinto 12:9). Siya ay nagsasalita sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu sa puso ng Kanyang mga anak upang gabayan, protektahan, at pasiglahin sila (Roma 8:14; Galacia 5:18). Sinabi ni Jesus, "Nakikilala ng aking mga tupa ang aking tinig" (Juan 10:27).

Kapag inilagay natin ang ating pananampalataya kay Jesu Cristo para sa ating kaligtasan, ang Banal na Espiritu ng Diyos ay darating upang manahan sa ating mga puso (1 Corinto 6:9). Tinutulungan niya tayong manalangin sa paraang sinasabi natin sa Diyos ang tunay na hangarin ng ating puso (Roma 8:26). Sa Juan 14:26, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo." Kadalasan, ang sagot ng Diyos sa ating mga panalangin ay matatagpuan na sa Kanyang Salita. Habang tayo ay nananalangin, ipinapaalala ng Banal na Espiritu ang Kanyang Salita, at nasa atin na ang sagot. Ang mga tao ay hindi kailanman naging kumpletong nilikha hanggang sa matuto silang makipag-usap sa kanilang Lumikha.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Baliw ba ang mga taong nagsasabing nakikipag-usap sila sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries