Tanong
Gaano kakipot ang makipot na daan? Si Hesus lang ba ang tanging daan patungo sa langit?
Sagot
Binanggit ng Panginoong Hesus ang makipot na pintuan na tinatawag ding makipot na daan sa Mateo 7:13-14 at Lukas 13:23-24. Ikinumpara ni Hesus ang makipot na daan sa “maluwang na daan” na patungo sa kapahamakan (impiyerno) at sinabi na “marami” ang tumatahak sa daang iyon. Sa kabaliktaran, sinabi ni Hesus na “maliit ang pintuan at makipot ang daan na humahantong sa buhay” at “kakaunti lamang ang nakasusumpong niyon.” Ano ang eksaktong kahulugan ng pananalitang ito? Gaano karami ang “marami” at gaano kaunti ang “kakaunti?”
Una, dapat nating maintindihan na si Hesus ang pintuan na dapat pasukan ng lahat upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Walang ibang daan dahil Siya lamang “ang Daan, ang katotohanan at ang Buhay” (Juan 14:6). Ang Daan patungo sa buhay na walang hanggan ay iisa lamang – si Hesu Kristo. Sa diwang ito makipot ang daan dahil ito lamang ang tanging daan at kakaunti lamang ang dadaan dito kumpara sa mga hindi dadaan. Maraming tao ang magtatangka na maghanap ng ibang daan patungo sa Diyos. Susubukan nilang pumunta sa langit sa pamamagitan ng mga batas at alituntuntin na gawa ng tao, sa pamamagitan ng mga hidwang relihiyon at sa sariling gawa. Ito ang “marami” na tatahak sa maluwang na daan na hahantong sa walang hanggang kapahamakan, habang ang mga tupa naman ay makikinig sa tinig ng Mabuting Pastol at susunod sa Kanya sa makipot na daan patungo sa buhay na walang hanggan (Juan 10:7-11).
Habang kakaunti ang dadaan sa makipot na daan kumpara sa dadaan sa maluwang na daan, marami pa rin ang susunod sa Mabuting Pastol. Nakita ni Juan ang hindi mabilang na karamihan sa kanyang pangitain sa aklat ng Pahayag: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay; At nagsisigawan ng tinig na malakas, na nangagsasabi, ang pagliligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ” (Pahayag 7:9-10).
Hindi madali ang pagpasok sa makipot na pintuan. Ipinaliwanag itong malinaw ng Panginoong Hesus ng Kanyang sabihin sa kanyang mga tagasunod na dapat silang “magsikap” na pumasok doon. Ang salitang Griyego para sa salitang “magsikap” ay agonizomai, kung saan natin kinuha ang salitang “paghihirap.” Nangangahulugan ito na mahihirapan ang mga magnanais na pumasok sa makipot na pituan at daranas sila ng pagdurusa at uubusin nila ang kanilang lakas gaya ng isang mananakbo na nagsisikap na makaabot sa destinasyon at inuubos ang lakas upang matapos ang karera. Walang anumang mabubuting gawa ang makapagliligtas sa atin; ang kaligtasan ay sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kaloob na pananampalataya (Efeso 2:8-9). Walang sinuman ang makakapunta sa langit bilang bayad sa kanyang mga ginawa. Ngunit mahirap ang pagpasok sa makipot na pintuan dahil sa likas na pagmamataas ng tao, natural na pag-ibig sa kasalanan at dahil sa paglaban sa kanila ni Satanas at ng mundo na pansamantalang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kontrol na nakikipagbaka laban sa mga hinirang para sa walang hanggan.
Ang pangaral na magsikap na pumasok sa makipot na pintuan ay isang utos sa pagsisisi at pagpasok sa pintuan, hindi ang tumayo at tumingin doon at magreklamo kung bakit maliit at mahirap pumasok doon. Hindi tayo dapat magtanong kung bakit hindi doon pumapasok ang iba; at hindi tayo dapat magdahilan o magpaliban sa pagpasok. Hindi natin dapat pakialaman ang dami ng papasok o hindi papasok doon. Dapat tayong magsikap na magtungo at pumasok doon! Pagkatapos, sabihan din natin ang iba na pumasok doon bago maging huli ang lahat. English
Gaano kakipot ang makipot na daan? Si Hesus lang ba ang tanging daan patungo sa langit?