settings icon
share icon
Tanong

Bakit ginawang makipot ng Diyos ang daan sa kaligtasan?

Sagot


Ganito ang sinasabi ni Jesus sa Mateo 7: 13-14, “Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nagdaraan doon.” Ang mga talatang ito ay naguudyok sa marami upang magkaroon ng katanungan tungkol sa kabutihan ng Diyos. Kung tunay ngang nais ng Diyos na maligtas ang lahat, bakit hindi na lamang niya ginawang madali para sa sinuman ang daan upang maligtas? Bakit hindi na lamang niya hayaang lahat ay mapunta sa langit?

Kapag ating nabasa ang salitang "makipot," madalas na iniuugnay natin ito sa pagtatangi o natatanging pagpili. Sa ating pangunawa, tila ba sinusukat ng Diyos ang antas ng ating pagiging katanggap-tanggap at pumipili lamang Siya ng iilan upang makapasok sa Kanyang presensya. Gayun pa man, sinasabi rin ni Jesus sa mga naunang talata, sa kaparehong tagapakinig niya na, “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan" (Mateo 7:7-8). Binibigyang linaw ni Jesus sa mga talatang ito na ang daan patungo sa buhay na walang hanggan ay bukas para sa sinumang humahanap.

Gayunman, makipot ang daan patungo sa langit sapagkat may mga partikular itong kundisyon upang makapasok at iyon ay ang pananampalataya kay Jesu- Cristo; Siya lamang ang tanging daan (Juan 14:6). Ang "maluwang" na pintuan ay walang pinipili; pinahihintulutan nito ang mga pagsisikap ng tao, at ang mga paraan ng iba pang relihiyon sa mundo. Sinabi ni Jesus na ang "makipot" na pintuan ay patungo sa "mahirap" na daan, isang landas na magdadala sa atin tungo sa kahirapan at mahirap na pagpapasya. Sapagkat ang pagsunod kay Jesus ay nangangahulugang kailangan mong ipako ang iyong sarili (Galacia 2:20; 5:24; Roma 6:2), mamuhay sa pananampalataya (Roma 1:17; 2 Corinto 5:7; Hebreo 10:38), magtitiis sa mga pagsubok katulad ng pagtitiis ni Cristo (Santiago 1:2-3, 12; 1 Pedro1:6), at pamumuhay ng hiwalay sa sanlibutan (Santiago 1:27; Roma 12:1-2). Kaya nga, kapag tayo ay naharap sa pagpili, alinman sa makipot, baku-bako o patag na daan, ang pipiliin natin ay ang patag at daang madali. Dahil likas sa tao ang piliin kung ano ang magpapasaya at makakaaliw sa kanya. At kapag naharap na ang tao sa katotohanang kailangan nilang itakwil ang kanilang sarili, sila ay umiiwas (Juan 6:66). Hindi ni Jesus itinatago ang katotohanang maraming tao ang hindi nakahandang magbayad ng malaking halaga upang sundin Siya.

Ang totoo, ang Diyos ay nag aalok ng kaligtasan sa lahat ng tumatanggap (Juan 1:12; 3:16-18; Roma 10:9; 1 Juan 2:2). Subalit ito ay batay sa Kanyang paraan. Kailangang lumapit tayo sa kanya ayon sa paraang ibinigay niya. Dahil hindi tayo makagagawa ng ating sariling paraan batay sa sarili nating pagsisikap. Sapagkat kung ihahambing sa kanyang katuwiran, tayo at ang ating mabubuting gawa ay mistulang maruming basahan sa mata ng Diyos (Isaias 64:6; Roma 3:10). Hindi rin maaaring balewalain ng Diyos ang ating mga kasalanan. Oo, totoong Siya ay mahabagin ngunit Siya ay makatarungan, at ang hinihingi ng kanyang katarungan ay kabayaran ng kasalanan. Kaya't sa pamamagitan ng walang katumbas na halaga ang kanyang sarili ang naging pantubos (Isaias 53:5; 1Juan 3:1, 16; Awit 51:7). Kung walang pagbuhos ng dugo upang linisin ang ating mga kasalanan, tayo ay nananatiling may sala sa harap ng Diyos na ating tinatanggihan (Roma 1:20). Ang daan patungo sa Diyos ay nakapinid, dahil hinahadlangan ito ng kasalanan (Roma 5:12). Dahil diyan, walang sinuman ang karapat-dapat mabigyan ng isa pang pagkakataon. Tayong lahat ay karapat dapat mapunta sa maluwang na daan patungo sa kapahamakan." Subalit minamahal tayo ng Diyos kaya't nagbigay Siya ng daan patungo sa buhay na walang hanggan (Roma 5:6-8). Gayunman ay alam niya na sa makasarili, at tigmak ng kasalanang mundong ito, walang taong naghahangad lumapit sa Kanya ayon sa paraang nais Niya (Juan 6:44, 65; Roma 3:11; Jeremias 29:13). Sadyang pinagaganda ni Satanas ang daan patungo sa impiyerno sa pamamagitan ng mga tukso, makamundong atraksyon, at kompromisong moralidad. Hinahayaan ng mga tao na ang kanilang pamumuhay ay diktahan ng kanilang mga sariling pagnanasa at hangarin. Higit na pinili nila ang pansamantalang kaligayahan sa sanlibutan kaysa pagsasakripisyo ng sarili bilang tanda ng pagsunod kay Jesus (Marcos 8:34; Lucas 9:23; Mateo 10:37). Ang makipot na pintuan ay hindi nila pinapansin. Dahil pinili ng mga tao ang gumawa ng sarili nilang relihiyon at diyos. Kaya't ito ay hindi isang diskriminasyon kundi may pagkalungkot na ipinahayag ni Jesus na "makipot ang daan patungo sa buhay na walang hanggan at kakaunti ang makasusumpong nito."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit ginawang makipot ng Diyos ang daan sa kaligtasan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries