Tanong
Maaari ba nating makita at makilala ang ating mga kaibigan at ka-pamilya sa langit?
Sagot
Marami ang nagsasabi na ang una nilang nais gawin kung sila ay sumakabilang buhay na ay hanapin at makita ang kanilang mga kaibigan at mga mahal sa buhay na nauna na sa kanila. Sa kabilang buhay, lubhang mahaba ang panahon upang hanapin, kilalanin at makasama ang ating mga kaibigan at kapamilya. Subalit, hindi ito ang pangunahing layunin at gawain natin sa langit. Ang lahat ng ating panahon ay ating gugugulin sa pagsamba sa Dios at sa paghanga sa kagandahan ng langit. Ang muli nating pakikipagkita sa ating mga mahal sa buhay kung sila ay nasa langit ay maaaring puno ng pagpapatotoo sa biyaya at kaluwalhatian ng Dios sa ating buhay maging ng Kanyang kamangha-manghang pag-ibig, at makapangyarihang mga gawa. Mas lalo tayong magagalak dahil maaari tayong magpuri at sumamba sa Panginoon kasama ang ibang pang mananampalataya, lalo na't kasama rin natin ang ating mga mahal sa buhay noong tayo ay nasa lupa pa.
May sinasabi ba ang Biblia na makikilala natin ang mga tao sa kabilang buhay? Nakilala ni Haring Saul si Propeta Samuel noong tinawag ito ng mangkukulam sa Endor mula sa mga patay upang kausapin ni Saul (1 Samuel 28: 8-17). Noong namatay ang lalaking sanggol na anak ni David, sinabi niya, "susunod ako sa kanya sapagkat hindi na siya makababalik sa akin" (2 Samuel 12:23). Ipinahahayag ni David ang kanyang paniniwala na na makikilala niya ang kanyang anak sa langit kahit namatay ito noong sanggol pa lamang. Sa Lukas 16: 19-31, si Abraham, Lazarus at ang mayaman ay nagkakila-kilala sa kabilang buhay. Noong magbagong anyo si Hesus, nakilala ng mga alagad na si Pedro, Juan at Santiago sina Moses at Elias (Mateo 17: 3-4). Sa mga nabanggit na halimbawa, ang Bibliya ay nagpapahiwatig na makikilala pa rin natin ang isa't isa pagkatapos ng kamatayan.
Ang Bibliya ay nagpapahayag na kapag tayo ay dumating na sa langit, tayo ay "matutulad sa kanya (Hesus) at makikita natin siya sa Kanyang likas na kalagayan" (1 Juan 3:2). Kung ang ating katawang panlupa ay tulad ng katawan ng unang taong si Adan, ang katawang panlangit naman natin ay matutulad sa nabuhay na mag-uling katawan ni Kristo (1 Corinto 15:47) "Kung paanong tayo'y katulad ng taong nagmula sa lupa, darating ang araw na matutulad din tayo sa nanggaling sa langit. Sapagkat itong katawang nabubulok ay dapat mapalitan ng di nabubulok at ang katawang namamatay ng di namamatay" (1 Corinto 15:19, 53). Marami ang nakakilala kay Jesus pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli (Juan 20:16, 20: 21:12; 1 Corinto 15: 4-7). Kung si hesus ay nakilala sa katawang panlangit, tayo rin naman ay magkakakilanlan sa ating katawang panlangit. Ang makita natin ang ating mga mahal sa buhay ay isang dakilang katangian ng buhay sa langit, subalit ang langit ay higit na patungkol sa Dios at hindi patungkol sa atin. Isang kagalakan na makasamang muli ang ating mga mahal sa buhay at makasama silang sumamba sa Dios magpakailanman, ngunit higit na kagalakan ang makasama natin ang lumikha at nagligtas sa atin sa walang hanggang kaparusahan - ang ating Panginoong Hesu Kristo.
English
Maaari ba nating makita at makilala ang ating mga kaibigan at ka-pamilya sa langit?