settings icon
share icon
Tanong

Paano ko malalaman na ako ay tunay na umiibig?

Sagot


Ang pag-ibig ay isang makapangyarihang emosyon. Malaki ang nagagawa nito sa ating buhay. Gumagawa tayo ng maraming kapasiyahan dahilan sa damdaming ito at nagpapakasal dahil nararamdaman natin na tayo ay "umiibig." Ito rin marahil ang dahilan kung bakit halos kalahati ng lahat ng bilang ng mga nagpakasal ay nauwi sa diborsyo. Ang Biblia ay nagtuturo sa atin na ang tunay na pag-ibig ay hindi tulad sa damdamin na dumarating at umaalis kundi ito'y isang pagpapasiya. Hindi dapat iibigin lamang ang mga umiibig sa atin; kundi dapat din nating ibigin ang mga taong napopoot sa atin, tulad ng pag-ibig ni Cristo sa mga taong hindi karapat-dapat ibigin (Lukas 6:35). "Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo. Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kanyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama. Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis." (1 Corinto 13: 4-7).

Maaring napakadaling "mahulog sa pag-ibig," subalit may ilang mga katanungan ang kailangang masagot bago magpasya kung ang nadarama nga ng isang tao ay tunay na pagibig. Una, ang tao ba na iyong iniibig ay isang mananampalataya? Ibinigay na ba niya ang kanyang buhay kay Cristo? Siya ba ay nagtitiwala kay Cristo lamang para sa kanyang kaligtasan? Kung iyong isinasaalang-alang na ibigay ang iyong puso at buhay sa isang tao, kailangan mo munang itanong sa iyong sarili kung handa ka ba na ibigin siya nang higit pa sa ibang tao at ituring ang inyong relasyon na pangalawa lamang sa iyong relasyon sa Dios? Ang Biblia ay nagsasabi na kapag ang dalawang tao ay nagpakasal, sila ay magiging isa ng laman (Genesis 2:24; Mateo 19:5).

Isang bagay na dapat ding isaalang-alang ay kung ang iyong napupusuan ay magiging mahusay na kapareha sa buhay. Ang Dios ba ang una at pinakamahalaga sa kanyang buhay? Maibibigay ba niya ang kanyang panahon at kakayahan upang pangalagaan ang inyong relasyon hanggang sa kayo ay magpakasal? Walang tiyak na sukatan upang malaman kung tayo nga ay totoong umiibig sa isang tao, subalit mahalaga na malaman kung tayo ba ay sumusunod lamang sa ating pakiramdam o sumusunod sa naisin ng Dios para sa ating buhay, Ang tunay na pagibig ay isang pagpapasya, hindi isang lukso ng damdamin lamang. Ang tunay na pagibig ayon sa Biblia ay ang pagibig sa isang tao sa lahat ng panahon, hindi lang kung kelan nadarama mong ikaw ay "umiibg."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko malalaman na ako ay tunay na umiibig?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries