Tanong
Malapit na bang dumating si Jesus?
Sagot
Ang salitang “malapit na” ay isang salitang marami ang kahulugan. Kung naghahanda ka ng pagkain, ang ibig sabihin ng malapit na ay handa na ito maaaring sa loob ng limang minuto. Kung naghihintay ka sa pagsilang ng isang sanggol, ang salitang malapit na ay maaaring mangahulugan ng panahong hanggang siyam na buwan. Kaya kung itatanong natin, “malapit na bang dumating si Jesus?” dapat nating alamin ang ibig sabihin ng salitang “malapit na.”
Sinabi mismo ni Jesus na malapit na Siyang dumating: “Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako'y malapit nang dumating’” (Pahayag 22:20). At pagkatapos, idinagdag ni Juan ang mga salitang ito: “Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!” Isinulat ni Juan ang kanyang aklat halos dalawang libong taon na ang nakalilipas na nagtutulak sa maraming tao para magtanong kung ano ang ibig sabihin ni Jesus ng kanyang sabihin na “malapit na” ang Kanyang muling pagparito.
Ang salitang Griyegong tachu, na isinalin sa salitang “malapit na” o “mabilis,” ay nangangahulugang “hindi maaantala” o “hindi mahuhuli.” Hindi ito nangangahulugang “agad-agad.” Ang parehong salita ay ginamit sa iba pang lugar sa Bagong Tipan, pero kapuna-puna na ginamit ito ni Jesus ng madalas sa aklat ng Pahayag (Pahayag 2:16; 3:11; 11:14; 22:7, 12, at 20). Tila ang kahulugan ay itinakda na ang mga magaganap na maghahanda sa kanyang muling pagparito ng hindi maaantala. Ang lahat ay umuusad ayon sa panahong itinakda ng Diyos.
Muling tiniyak ni Pedro na hindi nagmamadali ang Diyos sa pagtupad sa mga inihulang magaganap sa hinaharap. Perpekto ang panahon ng Diyos: “Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan” (2 Pedro 3:9). Sa liwanag nito, mauunawaan natin na “malapit ng dumating si Jesus” at natutupad ang mga plano ng Diyos at Kanya lamang hindi pa lubos na ginaganap ang mga iyon para bigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga hinirang na maranasan ang kaligtasan (Roma 8:29; Efeso 1:5)—isang kinakailangang pagpapaliban.
Itinuturo ng Bibliya na malapit na ang muling pagparito ni Jesus para sa Kanyang iglesya na nangangahulugan na maaring maganap ang pagdagit sa mga mananampalataya anumang sandali mula ngayon. Tila naniwala ang mga apostol na magbabalik si Jesus sa kanilang kapanahunan. Lagi nilang binabanggit ang salitang “mga huling araw” (1 Pedro 1:20; 1 Corinto 10:11; Hebreo 1:2) at hinimok ang mga mananampalataya na maghanda. Gayundin naman, mapapansin na nais ng Panginoong Jesus na maniwala tayo na muli Siyang paparito sa atin ding sariling kapanahunan dahil lagi Niyang hinihimok ang Kanyang mga tagasunod na “maghanda” (Lukas 12:40; 21:34–36; Markos 13:33). Dahil walang sinuman ang makakaalam o makakahula sa eksaktong taon, araw at oras ng kanyang muling pagparito (tingnan ang Mateo 24:36), dapat tayong mamuhay sa pag-asa na maaari Siyang dumating anumang sandali mula ngayon. Tila ito ang binibigyang-diin ni Jesus sa hindi Niya pagpapaalam sa atin ng eksaktong taon, araw, at oras ng kanyang pagbabalik. Nais niya na ang bawat henerasyon ay mabuhay ng may malinaw na kaalaman na maaaring biglang magpakita ang Panginoon at magbibigay sulit tayo sa Kanya sa Kanyang pagdating (Lukas 12:38). Sa tanong na, “Malapit na bang dumating si Jesus?” ang sagot namin ay, “Oo, at hindi maaantala ang Kanyang pagdating.”
English
Malapit na bang dumating si Jesus?