settings icon
share icon
Tanong

Magkakaroon ba ng malawakang paghihimagsik / pagtalikod sa Diyos sa pagwawakas ng mga huling panahon?

Sagot


Ipinapahiwatig sa Bibliya na magkakaroon ng malawakang pagtalikod / paghihimagsik sa Diyos sa pagwawakas ng mga panahon. Ang “malawakang pagtalikod sa Diyos” ay binanggit sa 2 Tesalonica 2:3. Ang pagtalikod ay isang rebelyon o tahasang pagtanggi sa mga katotohanan ng Diyos. Makakabilang sa mga tanda sa mga huling panahon ang mawalakang pagtanggi sa kapahayagan ng Diyos, isang panghuling “pagtalikod” ng isang dati ng makasalanang mundo.

Ang dahilan ng pagsulat ni Pablo sa mga taga Tesalonica ay para ituwid ang mga maling paniniwala na narinig ng mga mananampalataya sa mga bulaang mangangaral tungkol sa mga mangyayari sa huling panahon. Kabilang sa mga kasinungalingan ay ang katuruan na “dumating na ang araw ng Panginoon” (2 Tesalonica 2:2). Natakot ang mga Kristiyano sa Tesalonica na dumating na si Cristo, hindi sila nakasama sa pagdagit (rapture), at sila ay nabubuhay na sa panahon ng kapighatian. Ipinaliwanag ni Pablo ang tungkol sa pagdagit (rapture) sa kanyang unang sulat (1 Tesalonica 4:16–17). Tiniyak ni Pablo sa kanila sa kanyang ikalawang sulat na salungat sa kanilang narinig, at sa kabila ng kanilang mga tinitiis na paguusig, hindi pa dumating ang “araw ni Cristo.”

Sa 2 Tesalonica 2:3, nilinaw ni Pablo na ang araw ng Panginoon ay isang panahon ng paghatol sa buong mundo (Isaias 13:6; Obadias 1:15), at hindi magaganap hangga’t hindi nagaganap ang dalawang bagay: Una, kailangang maganap muna ang malawakang pagtalikod o dakilang paghihimagsik. Ikalawa, mahahayag muna ang “lalaking suwail” na tinatawag ding “anak ng kapahamakan,” na kilala rin bilang Antikristo. Kung ipakilala na ng taong ito ang kanyang sarili, tunay na dumating na nga ang huling panahon. Maraming haka-haka tungkol sa pagkakakilanlan ng lalaking suwail na ito mula sa pasimula ng unang siglo at kabilang sa mga ito sina Caligula, Gaius Caesar, Mohamad, Napoleon, at ilang papa ng Romano Katoliko. Ngunit wala sinuman sa kanila ang tinutukoy ni Pablo na Antikristo.

Ang suwail na ito ayon sa 2 Tesalonica 2:4 ay ang taong “itataas ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.” Malinaw na hindi pa ito nangyari; walang sinuman mula noong panahon ni Pablo ang umupo sa templo at nagpakilalang Diyos. Dalawang libong taon na ang nakalipas mula ng isulat ni Pablo ang kanyang sulat sa mga taga Tesalonica at hindi pa naganap ang “araw ng Panginoon.” Tinitiyak sa atin ni Pablo na hindi pa ito darating hangga’t hindi nagaganap ang malawakang pagtalikod / rebelyon laban sa Diyos.

Ang salitang Griyegong isinalin sa salitang “rebelyon” o “pagtalikod” sa talata 3 ay apostasia. Ito ay tumutukoy sa pangkalahatang pagtalikod at pagtataksil sa tunay na Diyos, sa Bibliya at sa pananampalatayang Kristiyano. Sa bawat panahon ay may mga tumatalikod pero ang pagtalikod sa Diyos na magaganap sa mga huling panahon ay mawalakan at pangbuong mundo. Ang buong planeta ay magrerebelde laban sa Diyos at sa Kanyang Cristo. Ang bawat lumalaban ay nangangailangan ng isang tagapanguna at sa pangbuong mundong paglaban na ito sa Diyos, lilitaw ang Antikristo. Naniniwala kami na magaganap ito pagkatapos na dagitin ang lahat ng mananampalataya mula sa lupa para dalhin sa langit.

Binalaan ni Jesus ang mga alagad patungkol sa mga huling araw sa Mateo 24:10–12: “at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami.” Ito ang mga katangian ng malawakang pagtalikod sa mga huling panahon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Magkakaroon ba ng malawakang paghihimagsik / pagtalikod sa Diyos sa pagwawakas ng mga huling panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries