Tanong
Ang mga Kristiyano ba ay 'maliit na diyos'?
Sagot
May ilang sistema ng teolohiya, gaya ng Mormonismo, na nagtuturo ng hidwang katuruan na ang mga tao ay nagiging maliit na diyos. Itinuturo ng Romano Katolisismo ang tinatawag na pagpapaging diyos sa tao: "Ang bugtong na anak ng Diyos, ay nagnanais na maging kabahagi tayo ng kanyang pagkadiyos, kinuha ang ating kalikasan, upang siya, na ginawang tao, ay gawing diyos ang mga tao" (The Catechism of the Catholic Church, Ikalawang Edisyon, Seksyon 2, Kabanata 2, Artikulo 3, Saknong I, I:460), bagama't ang pakahulugan ng Katoliko ay nagiging kaisa ni Kristo ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng komunyon o eukaristiya kaya sila nagiging kaisa sa Kanyang pagkadiyos. Ang naging popular na terminolohiya ng kontrobersya ng "maliit na diyos" ay nagmula sa mga pastor at tagapagturo ng grupong Word of Faith. Ang pangunahing ideya sa likod ng kontrobersya ay aktwal na "diyos" ang tao (si Adan) ng likhain siya ng Diyos ayon sa Kanyang "wangis" (Genesis 1:27) hindi lamang sa pagkakaroon ng kaluluwa, kapamahalaan sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos sa mundo o sa kanyang relasyon sa iba, kundi sa pagiging kapareho ng Diyos mismo sa "uring espiritu." Itinuturing ng mga teologo ng Bibliya ang konseptong ito na isang maling akala at isang maling katuruan at tanda ng pagiging kulto ng isang grupo.
Ito ang pangunahing doktrina ng Word of Faith: kung hihingi tayo ng isang bagay sa Diyos sa pananampalataya, mapipilitan Siya na ibigay ang ating hinihingi. Bilang "maliliit na diyos" may kapangyarihan ang ating mga salita. Ang maling turong ito ay itinuturo ng ilang mangangaral sa telebisyon, at nag-ugat sa Pentecostalismo at naging pangkaraniwan na sa mga iglesyang Karismatiko. Maraming popular na katawagan ang kilusang Word of Faith gaya ng "name-it-claim-it" (pangalanan mo at angkinin mo), "Prosperity theology" (teolohiya ng kasaganaan), at "health and wealth gospel" (Ebanghelyo ng kalusugan at kayamanan).
Ang basehan para sa katuruang "maliit na diyos" ay makikita sa dalawang talata sa Kasulatan. Mababasa sa Awit 82:6, "Ang sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan." Inulit ni Jesus ang Awit na ito sa Juan 10:34, "Tumugon si Jesus, "Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, 'Sinabi ko, mga diyos kayo'?" Gayunman, kasama sa dalawang talatang ito ang paliwanag sa mismong konteksto na malinaw na hindi nagtuturo ng pagiging diyos ng tao. Sinundan ang Awit 82:6 ng isang babala, "ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay; katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay" (talatang 7). Ang tinutukoy sa mga talata ay mga taong namamatay na kumakatawan sa awtoridad ng Dios sa mundo – sa mga hari, hukom at mga mahistrado.
Ang Awit 82 ay isang babala sa mga walang katarungang mambabasa na itinuturing ang kanilang sarili na mga "diyos" (Awit 82:1) ngunit "walang nalalamang anuman" at "lumalakad sa kadiliman" (Awit 82:2). Ginamit ni Jesus ang siping ito bilang tugon sa mga nagaakusa sa Kanya ng pamumusong. Sa esensya, sinasabi ni Jesus, bakit sa tuwing tinatawag na mga diyos ang mga namamahala sa mundo, hindi ninyo sinasabing namumusong sila, "paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos?" (Juan 10:36).
Hindi kailanman sinusuportahan ng Kasulatan ang pagaangkin na nagiging mga diyos ang mga Kristiyano lalo na kung uunawain ang iba pang mga talata sa Bibliya. Nagiisa lamang ang Diyos (Isaias 37:16). Hindi tayo naging diyos, hindi tayo diyos ngayon, at hindi tayo kailanman magiging mga diyos. Si Jesus ang tunay na Diyos at tunay na Tao (isang kumbinasyon na tinatawag na hypostatic union). Kung tatanggapin ang teorya ng "maliit na diyos," magkakaroon ng mas mababang uri ng pagkadiyos si Kristo; naging "maliit na diyos" Siya para sa atin dahil naging tao Siya. Sinabi ni Juan, "Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin" (Juan 1:14), ngunit hindi ito nangangahulugan ng "mababang uri ng pagkadiyos" ni Cristo. Nagkaroon ng katawang tao at dugo ng tao si Jesus upang mamatay para sa ating mga kasalanan (Hebreo 2:14), ngunit nanatili ang Kanyang posisyon sa Trinidad. Nilikha tayo ng Diyos na may isang espiritu, ngunit ang ating espiritu ay walang katangian ng pagiging diyos na gaya ni Jesus.
English
Ang mga Kristiyano ba ay 'maliit na diyos'?