Tanong
Ano ang maling doktrina?
Sagot
Ang doktrina ay "isang kalipunan ng ideya o paniniwala na itinuturo o pinaniniwalaang totoo." Tumutukoy ang Biblikal na doktrina sa mga katuruan na sang-ayon sa nahayag na Salita ng Diyos — ang Bibliya. Ang maling doktrina ay anumang ideya na nagdadagdag, nagbabawas, sumasalungat o nagpapawalang halaga sa mga doktrina na itinuturo ng Salita ng Diyos. Halimbawa, anumang katuruan na nagpapabulaan sa kapanganakan kay Jesus ng isang birhen ay isang maling doktrina, dahil sinasalungat nito ang malinaw na katuruan ng Kasulatan (Mateo 1:18).
Magmula pa noong unang siglo AD, nakapasok na ang mga maling doktrina sa iglesya, kaya't marami sa mga sulat sa Bagong Tipan ay isinulat upang talakayin ang mga maling katuruang iyon (Galacia 1:6–9; Colosas 2:20–23; Tito 1:10–11). Tinuruan ni Pablo ang kanyang disipulong si Timoteo na magbantay laban sa mga nagtuturo ng maling doktrina at gumugulo sa kawan ng Diyos: "Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging makadiyos, siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at masasamang hinala…" (1 Timoteo 6:3–4).
Bilang mga tagasunod ni Kristo, walang dahilan upang manatiling ignorante sa teolohiya dahil mayroon tayo ng "buong rebelasyon ng Diyos" (Gawa 20:27) na abot ng ating mga kamay— ang Bibliya na kumpleto na. Habang nagaaral tayo upang "maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos" (2 Timoteo 2:15), hindi tayo madaling madadaya ng mga magagandang pananalita at mga bulaang propeta. Kung alam natin ang Salita ng Diyos, "hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang" (Efeso 4:14).
Mahalagang banggitin ang pagkakaiba sa pagitan ng maling doktrina at hindi pagkakasundo sa mga katuruan sa loob ng mga denonimasyon. Iba ang pananaw ng iba't ibang kongregasyon sa mga hindi gaanong mahalagang isyu sa Kasulatan. Ang mga pagkakaibang ito ay hindi laging dahil sa maling doktrina ng kahit sino. Ang mga alituntunin sa iglesya, mga desisyon sa pamamahala sa iglesya, istilo ng pagsamba at iba pa ay laging bukas para sa diskusyon dahil hindi sila direktang tinalakay sa Kasulatan. Kahit na ang mga isyung tinalakay sa Kasulatan ay laging pinagdedebatehan ng mga magkakaparehong tapat na alagad ni Kristo. Ang pagkakaiba sa interpretasyon o pagsasanay ay hindi laging matutukoy bilang maling doktrina, o dapat maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa Katawan ni Kristo (1 Corinto 1:10).
Ang mga maling doktrina ay mga doktrina na sumasalungat sa mga pundasyong katuruan o mga katuruan na kinakailangan para sa kaligtasan. Ang mga sumusunod ang ilang halimbawa ng mga maling doktrina:
• Ang katuruan na walang impiyerno. Inilalarawan sa Bibliya ang impiyerno bilang isang tunay na luagr ng pagdurusa, ang destinasyon ng bawat isang kaluluwa na hindi sinilang na muli (Pahayag 20:15; 2 Tesalonica 1:8). Ang pagtanggi sa impiyerno ay direktang sumasalungat sa mga sariling pananalita ni Jesu Cristo (Mateo 10:28; 25:46) at isang maling doktrina.
• Ang ideya na "maraming daan patungo sa Diyos." Ang pilosopiyang ito ay naging popular kamakailan lamang at nagtatago sa likod ng huwad na pagkakaisa. Inaangkin ng maling doktrinang ito na dahil ang Diyos ay pag-ibig, tatanggapin Niya ang lahat ng pagsisikap sa relihiyon hangga't tapat na nagsasanay ang isang tao. Ang ganitong uri ng relatibismo na sumasalugat sa buong Bibliya ay mabisang pinawalang bisa ang pangangailangan para sa Anak ng Diyos na nagkatawang tao at ipinako sa krus para sa atin (Jeremias 12:17; Juan 3:15–18). Direktang sinasalungat din nito ang pananalita mismo ng Panginoong Jesus na Siya lamang ang daan patungo sa Diyos Ama (Juan 14:6).
• Anumang katuruan na binabago ang persona ni Jesu Cristo. Ang doktrina na tumatanggi sa pagkaDiyos ni Kristo, ang pagsilang sa kanya ng isang birhen, ang Kanyang banal na kalikasan, ang Kanyang aktwal na kamatayan, at ang pagtanggi sa muling pagkabuhay ng Kanyang katawan ay maling doktrina. Ang isang sekta o kultong grupo ay maaaring magpakilala bilang Kristiyano ngunit aktwal na nagtuturo ng maling doktrina. Maging ang mga pangunahing denominasyon ay nagsisimula ng tumalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagdedeklara na hindi na sila nanghahawak sa literal na interpretasyon ng Kasulatan o sa pagka-Diyos ni Kristo. Malinaw na sinasabi sa 1 Juan 4:1–3 na ang tumatanggi sa Biblikal na katuruan patungkol sa persona ni Kristo ay "anti-Kristo." Inilarawan ni Jesus ang mga bulaang mangangaral sa loob ng iglesya na "parang tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat" (Mateo 7:15).
• Ang katuruan na idinadagdag ang mga gawaing panrelihiyon sa natapos na gawain ni Kristo sa krus bilang kinakailangang sangkap para sa kaligtasan. Ang katuruang ito ay tila paggalang sa Diyos sa pamamagitan ng bibig at nagsasaysay na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ngunit ipinipilit na nakakapagligtas din ang mga ritwal sa kanilang relihiyon (gaya ng bawtismo sa tubig). May ilang mga grupo na may sinusunod na istilo ng gupit, pananamit, at pagkain. Binalaan tayo sa Roma 11:6 laban sa pagtatangka na ihalo ang gawa sa biyaya ng Diyos. Sinasabi sa Efeso 2:8–9 na naligtas tayo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya at wala tayong maidadagdag o maibabawas mula dito. Sinabi sa Galacia 1:6-9 na karapatdapat sumpain ang sinumang babago sa Mabuting Balita ng kaligtasan sa sa biyaya ng Diyos.
• Ang katuruan na ginagawang lisensya ang biyaya ng Diyos sa pagkakasala. Ipinapahiwatig ng maling doktrinang ito na ang tanging dapat gawin ng isang tao upang magkaroon ng tamang katayuan sa harap ng Diyos ay simpleng paniniwala sa mga katotohanan tungkol kay Jesus, manalangin ng isang panalangin ng pagtanggap sa isang yugto ng kanyang buhay, at mamuhay na gaya ng dati na may katiyakan ng kaligtasan hanggang sa huli. Tinalakay ni Pablo ang ganitong uri ng pagiisip sa Roma 6. Sinasabi sa 2 Cornto 5:17 na ang mga na kay Kristo ay mga "bagong nilalang." Ang pagbabagong ito, na ginagawa ng Diyos sa oras na sumampalataya ang tao kay Kristo ang bumabago sa panlabas na pamumuhay ng isang mananampalataya. Ang kumikilala at umiibig kay Kristo ay sumusunod sa Kanya (Lukas 6:46).
Patuloy na ginugulo at pinipilipit ni Satanas ang Salita ng Diyos mula pa sa hardin ng Eden (Genesis 3:1–4; Mateo 4:6). Sinusubukan ng mga huwad na tagapagturo na mga alipin ni Satanas na magkunwaring "mga alipin ng katuwiran" (2 Corinto11:15), ngunit makikilala sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga (Mateo 7:16). Ang isang charlatan o huwad na mangangaral na nagsusulong ng maling doktrina ay nagpapakita ng sensyales ng pagmamataas, pagiging ganid, at rebelyon (tingnan ang Judas 1:11) at laging nagsusulong at nakagagawa ng sekswal na imoralidad (2 Pedro 2:14; Pahayag 2:20).
Dapat na matanto natin kung gaano kadali nating maniwala sa mga maling katuruan kaya't dapat nating ugaliin ang katulad ng ginawa ng mga taga Berea sa Gawa 17:11: "sinaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya." Kung ginagawa nating layunin ang pagsunod sa halimbawa ng unang iglesya, malayo ang ating mararating sa pagiwas sa mga patibong ng maling doktrina. Sinasabi sa Gawa 2:42, "Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin." Ang ganitong debosyon ang magiingat at titiyak sa atin na tayo ay nasa daan na inihanda ni Jesus para sa atin.
English
Ano ang maling doktrina?