Tanong
Ang Diyos ba ay malupit?
Sagot
May mga ateista (hindi naniniwalang may Diyos) at agnostiko (nagdududa kung mayroong Diyos) na nagsasabi na ang Diyos na ipinapakilala ng Biblia ay malupit. Ang pagtawag nila sa Diyos bilang isang malupit o mabangis na Diyos ay ibinatay nila sa damdaming moral ng tao. Sa ating pagkaunawa, ang salitang malupit o mabagsik ay nangangahulugang, "manhid, walang habag, walang pakialam, at natutuwa na may nagdurusa at nasasaktan." Ang katanungan ngayon ay, malupit ba ang Diyos? Kung sasagutin ng may pagsang-ayon ang tanong na ito, nangangahulugan lamang na tayo ay naniniwalang ang Diyos ay wala man lang pakialam sa mga nahihirapan at nagdurusa o kaya'y natutuwa pa siyang pagmasdan ang nagdurusang nilikha niya.
Ang mga mga ateista at agnostiko na nagsasabing malupit ang Diyos ay kailangang maglatag ng maraming ebidensya hinggil sa kanilang paniniwalang ito. Dahil hindi lang nila inaangking alam nila ang ang ginagawa ng Diyos; kundi ipinapahayag din nila na pawang alam nila ang mga dahilan o saloobin kung bakit ginagawa ng Diyos ang mga ganoong bagay. Dahil sa kanilang paniniwalang ito ay sinasabi nila na tila ba batid nila ang pagiisip ng Diyos kaya't nasasabi nilang Siya ay walang pakialam o sadista at iyan anila ang patunay na ang Diyos ay malupit. Ngunit ang totoo, ang mga mapagalinlangan ay walang kakayahang ipakita--at imposibleng malaman nila ang kalooban o isipan ng Diyos. "Ang sabi ni Yahweh, "Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan. Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan" (Isaias 55:8-9).
Walang pagaalinlangang masasabi natin na pinahihintulutan ng Diyos ang mga pagdurusa. Ngunit ang kabutihan Niya ay hindi natin dapat batikusin dahil lamang sa kanyang ginawa na sa tingin natin ay kalupitan. Yamang hindi natin maaaring sabihing batid natin ang tunay niyang dahilan sa bawat kaganapan, may ilang mga dahilan ang Diyos kung bakit hinahayaan niyang maganap ang isang bagay na tila kalupitan para sa atin. Narito ang ilang kadahilanan ayon sa Biblia:
1. Upang igawad ang makatarungang parusa: Kung ang parusa ay matuwid, masasabi ba nating ito ay malupit? Hindi nauunawaan ng mga tumutuligsa na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nababawasan kahit na Siya ay nagpaparusa. Kayang magparusa ng Diyos sa mga masasamang tao upang ingatan yaong mga umiibig sa Kanya. Magiging kalupitan kung hahayaan lamang ng Diyos ang masasama na gawin ang msamang bagay sa kanilang kapwa. Ito ay pagpapakita ng kawalan ng interes at pagpapahalaga sa mga inosente. Nang lunurin ng Diyos ang mga kawal ng Paraon sa dagat na pula, nais lamang niyang parusahan ang Paraon sa paghihimagsik nito laban sa Kanya at sa kabilang banda ay upang protektahan Niya ang kanyang bayan mula sa tiyak na pagkalipol (Exodo 14). Ang maling gawi na walang katapat na parusa ay patuloy na magbubunga ng mas higit na pagkakamali, at sa halip na maging pakinabang ay nagiging sanhi ito ng pagkasira ng isang tao. Nang iutos ng Diyos na lipulin ng Israel ang buong bayan ng kanyang mga kaaway, kabilang na ang mga babae at mga bata, Alam ng Diyos na kapag hinayaan niyang mabuhay ang mga iyon ay magpapatuloy ang henerasyong masama at sumasamba sa diyus-diyusan--kabilang na ang pag aalay ng sanggol sa altar ng mga huwad na diyos.
2. Para sa higit na ikabubuti: Minsan ay para sa higit na kabutihan natin kung bakit tayo nahihirapan at nagdurusa. Sinasabi sa Biblia na ang mga kahirapan at pagsubok ang nagpapatibay sa atin bilang mga Kristiyano, kaya't marapat lang na, "Magalak tayo" (Santiago1:2) kapag nakakaranas tayo ng pagsubok. Pinahihintulutan ito ng Diyos para sa ating ikabubuti, upang tayo ay maging dalisay kagaya ng ginto. Tiningnan ni Pablo ang kanyang naranasang mga pagdurusa, ang mga hagupit, pagbato, pagkawasak ng barko, pagkagutom, pagkauhaw, ginaw, at pagkabilanggo--na paraan ng Diyos upang tiyakin sa kanya na siya ay may kahinaan, at sa gayon ay lagi niyang maalala na ang kapangyarihan ng Diyos ang magbibigay sa kanya ng lakas upang hindi siya matuksong umasa sa kanyang sariling kakayahan (2 Corinto 2:8-10; 4:7-12). Sa mga hindi mananampalataya, ang katarungan ng Diyos ay naipapatupad tuwing nagdaranas sila ng pagdurusa at kahirapan. Ipinapakita Niya ang kanyang habag sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay babala tungkol sa kahihinatnan ng kanilang kasalanan. At kapag sa kanilang paghihimagsik ay nakaranas sila ng sakuna o kalamidad, iyon ay hindi kalupitan kundi makatarungang parusa. Ang totoo, ang habag at pagtitimpi ng Diyos at hindi ang kalupitan ang dahilan kung bakit hinahayaan niyang maghimagsik ang tao at lumaban sa kanya.
3. Upang luwalhatiin ang kanyang Sarili: Naluluwalhati ang Diyos tuwing ipinapakita niya ang mga katangiang kanyang taglay. Lahat tayo ay sumasang-ayon na napakaganda sa pakiramdam na masaksihan ang kanyang pag-ibig at habag. Subalit dahil ang bawat katangiang taglay Niya ay banal at ganap, kahit ang pagpapakita niya ng kanyang poot ay nagbibigay ng luwalhati sa kanya. At iyon ang pinakalayunin niya--ang Kanyang kaluwalhatian at hindi ang sa atin. Hindi maaabot ng limitadong kaisipan ng tao ang Diyos kaya't madalas ay wala tayong magawa kundi magtanong sa Kanya.
Ang lahat ng ito ay karapat-dapat, katanggap tanggap at marangal na dahilan ng mga kirot at pagdurusa. Salungat sa paniniwala ng mga eskeptiko o mga mapagalinlangan, may magandang dahilan ang Diyos upang pahintulutan ang kasamaan at pagdurusa sa mundong ito. Binigyan niya tayo ng pribilehiyong malaman ang mga dahilan, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay mauunawaan natin kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan at mga pagdurusa. Ang pagtitiwala sa Diyos sa kabila ng hindi natin nauunawaang mga pangyayari ay hindi nangangahulugang bulag ang ating pananampalataya bagkus, ito ay pagtitiwala sa Kanya lalo na kung may mga bagay tayong hindi maintindihan dahil nakikita natin ang kanyang katapatan sa kanyang mga ginagawa.
Kung babasahin natin ng maingat ang Biblia, ang makikita natin ay hindi ang Diyos na malupit o walang pakialam kundi, isang Diyos na kumikilos ayon sa kanyang pagmamahal sa atin. Isang halimbawa nito ay ang aklat ni Job. Madalas ay sinasabi ng iba na ang nangyari sa buhay ni Job ay isang malinaw na halimbawa ng kalupitan at pagiging sadista ng Diyos laban sa taong walang kasalanan. Mababasa sa aklat na si Job ay inosente para magdusa kaya naman, ang pangyayaring ito ay ginagamit ng mga ateista ng sangayon sa kanilang paniniwala. Ngunit isang pagsalungat sa mababaw na kahulugan ng aklat kung sasabihin natin na ang pangyayaring ito kay Job ay patunay na ang Diyos ay malupit at sadista.
Noong panahon ng mga patriyarka (ninuno ng mga Judio), pangkaraniwan na sa malapit na silangan ang paniniwalang pinagpapala ng Diyos ang matuwid at pinarurusahan ang masama. Ngunit kung pag aaralan natin, ang aklat ni Job ay isang argumento o polemyang tutol sa teolohiyang ito. Ipinapakita ng kwento na kailangang mabago ang pananaw ng tao sa Diyos. Kailangan nating maunawaan na ang pagdurusa ay ginagamit ng Diyos hindi lang upang magparusa kundi, ginagamit din niya ito upang ilayo tayo sa mga makamundong bagay na madaling makaakit sa atin. Idagdag pa natin na ang aklat ni Job ay maglalapit sa mga tao sa pagkaunawa tungkol sa ginawang pagtubos ng Diyos. Kung patuloy na iisipin ng sangkatauhan na hindi maaaring pahintulutan ng Diyos na magdusa at mahirapan ang walang kasalanan, nakakaligtaan natin ang plano ng Diyos upang tubusin ang sanlibutan. Sapagkat ipinahintulot ng Diyos na magdusa ang taong walang sala (Jesu-Cristo) upang madala niya sa kaligtasan ang lahat ng sa Kanya. Kaya't ang aklat ni Job sa kabuuan ay isa palang napakahalagang ambag sa kasaysayan ng pagtubos.
Bilang pagbubuod, ang mga nagdududa ay kinakailangang magpakita ng malawak at sapat na patunay na ang mga ginagawa ng Diyos ay isang kalupitan. Sapagkat kung titingnan natin ayon sa konteksto, ang mga talatang tila nagsasaad na malupit ang Diyos ay hindi naman ganun ang kahulugan. Ang totoo, makikita natin na ang bawat ginagawa ng Diyos ay laging naaayon sa kanyang Banal at perpektong katangian.
English
Ang Diyos ba ay malupit?