Tanong
Paano inilarawan ng Bibliya ang maluwalhating katawan na ating tataglayin sa langit?
Sagot
Habang hindi detalyadong inilalarawan ng Bibliya ang maluwalhating katawan na ating tataglayin sa langit, alam natin na iyon ay magiging katulad ng katawan ni Jesus noong Siya ay nabuhay na mag-uli. Ang ating katawang lupa ay inilarawan sa 1 Corinto15:42–53 na nabubulok, walang karangalan at mahina dahil sa kasalanan. Ang ating maluwalhating katawan ay hindi mabubulok, marangal at makapangyarihan. Ang ating magiging mga bagong katawan ay hindi magiging natural na katawan na nabubulok at namamatay; mabubuhay tayo sa tagumpay laban sa “kasalanan at kamatayan,” na pinagtagumpayan ni Jesus para sa atin (1 Corinto 15:57).
Bilang mga katawang hindi nabubulok, hindi na sila dadanas ng kamatayan o makakaramdam ng init at lamig o magugutom at mauuhaw. Ang ating mga bagong katawan ay puno ng karangalan, at hindi na magdaranas ng kahihiyan dahil sa kasalanan. Noong magkasala sina Adan at Eba, ang una nilang naranasan ay kahihiyan dahil sa kanilang kahubaran (Genesis 3:6–7). Bagama’t hindi inilalarawan ng Bibliya ang maluwalhating katawan na hubad sa halip ay nasusuutan ng puting damit (Pahayag 3:4–5, 18), sila ay magiging sakdal at walang bahid ng kasalanan. Sa maraming kaparaanan, ang ating katawang panlupa ay mahina. Hindi lamang tayo sakop ng mga natural na batas ng kalikasan gaya ng gravity, oras at espasyo, pinahina din tayo ng kasalanan at ng mga tukso nito. Ang ating maluwalhating katawan ay bibigyan ng kapangyarihan ng Espiritu na Siyang may-ari sa atin, at mawawala na ang ating mga kahinaan.
Gaya ng kung paanong ang ating mga katawang panlupa ay naaangkop sa buhay dito sa mundo, ang ating mga binuhay na mag-uling katawan ay magiging angkop para sa buhay sa walang hanggan. Ang katawang maluwalhati ay may katangiang solido at nahihipo (Lucas 24:39). Maaari pa rin tayong kumain, pero hindi dahil tayo ay nagugutom o nagnanais ng makalamang pagnanasa (Lucas 24:41–43). At gaya nina Moises at Elias, maaari tayong maligo sa kaluwalhatian ng ating Manlilikha sa pakikisama sa Kanyang minamahal na Anak (Mateo 17:2–3; Filipos 3:10). Ang katawang ating mamanahin ay magiging gaya sa orihinal na plano ng Dityos sa halip na gaya ng kasalukuyang katawan na ating tinatahanan ngayon. Maglalaho na ang mga sakit at kahinaan ng ating makasalanang laman; sa halip tayo ay luluwalhatiing kasama ni Cristo at ang kaluwalhatiang iyon ay makakamtan ng ating mga katawan na ating tataglayin sa hinaharap.
English
Paano inilarawan ng Bibliya ang maluwalhating katawan na ating tataglayin sa langit?