settings icon
share icon
Tanong

Paano tayo mamumuhay sa liwanag ng ikalawang pagparito ni Kristo?

Sagot


Naniniwala kami na ang ikalawang pagparito ni Kristo ay nalalapit na at ito ay maaaring maganap anumang sandali. Kami, kasama si apostol Pablo ay nakatanaw sa "ating inaasahan---ang dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo" (Tito 2:13). Nalalaman namin na maaring bumalik ang Panginoon anumang oras ngayon at dahil dito ang iba ay natutukso na itigil na ang anumang ginagawa nila sa buhay at "maghintay" na lamang sa Kanyang pagdating.


Gayunman, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng kaalaman na darating si Hesus anumang oras at sa kaalaman na darating na Siya ngayon. Sinabi ni Hesus, "Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam" (Mateo 24:36). Ang araw at oras ng kanyang muling pagparito ay hindi inihayag ng Diyos kaninuman, kaya hanggat hindi Niya tayo tinatawag, dapat tayong magpatuloy ng paglilingkod sa Kanya. Sa talinghaga ni Hesus tungkol sa talento, ang hari na nagtungo sa malayong lupain ay nagbilin sa Kanyang mga alipin, "Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating" (Lukas 19:13 KJV).

Ang ikalawang pagparito ni Kristo ay laging ginagamit sa Bibliya na pampukaw sa damdamin ng mananampalataya upang gumawa at maglingkod hindi upang tumigil sa paggawa. Sa 1 Corinto 15:58, winakasan ni Pablo ang kanyang pagtuturo tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng mga pananalitang ito: "Kaya nga, mga kapatid kong minamahal,” kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon. Sa 1 Tesalonica 5:6, nilagom ni Pablo ang kanyang katuruan tungkol sa pagbabalik ni Hesus sa mga pananalitang ito: "Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil." Ang umurong at tumigil sa paggawa ay hindi kalooban ni Hesus habang tayo ay naghihintay sa Kanya. Sa halip, gagawa tayo sa abot ng ating makakaya. "Dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa" (Juan 9:4).

Ang mga apostol ay nabuhay at naglingkod na nalalaman na maaaring dumating si Hesus anumang oras. Paano kung sila'y tumigil sa kanilang pangangaral at "naghintay" na lamang? Sila ay susuway sa utos ni Kristo na "Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal" (Markos 16:15), at ang ebanghelyo ay hindi kakalat sa buong mundo. Naunawaan ng mga apostol na kailangan nilang gumawa ng gawain ng Diyos dahil anumang oras ay maaaring magbalik si Hesus. Namuhay sila ng buong katapatan at kasipagan, na tila ang bawat araw na dumaraan sa kanilang buhay ay huling araw na nila sa mundo. Dapat din naman nating ituring na ang bawat araw ng ating mga buhay ay isang regalo mula sa Diyos at dapat nating gamitin ang bawat araw ng ating buhay upang paglingkuran at parangalan Siya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano tayo mamumuhay sa liwanag ng ikalawang pagparito ni Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries