settings icon
share icon
Tanong

Bakit dapat tayong manalangin para sa kapayapaan ng Jerusalem?

Sagot


Sinasabi sa atin ng Diyos na ipanalangin ang kapayapaan ng Jerusalem sa Awit 122:6-9: “Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin: “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain. Pumayapa nawa ang banal na bayan, at ang palasyo mo ay maging tiwasay.” Alang-alang sa kasama at pamilya ko, sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.” Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos, ang aking dalangi'y umunlad kang lubos." Nangako ang Diyos ng pagpapala sa mga nagpapala sa Israel at sumpa sa mga sumusumpa sa kanya (Genesis 12:3), at dahil ang Jerusalem ay inilalarawan bilang sentro ng buhay ng mga Judio, ito ay nagpapahayag na ang mga nananalangin para sa kanyang kapayapaan at katiwasayan ay pagkakalooban ng kapayapaan sa kanilang sarili.

Ang pagdarasal para sa kapayapaan ng Jerusalem ay pinakaangkop para sa isang lungsod na ang pangalan ay literal na nangangahulugang "mapayapa" at kung saan ay ang tirahan ng Diyos ng kapayapaan. Matatagpuan din ang mga salitang “kapayapaan sa Israel” sa dulo ng Awit 125:5 at 128:6, na nagpapahiwatig na ito ay karaniwang basbas ng pagpapala kung magpapaalam. Dagdag pa rito, ang Jerusalem ang magiging tanawin ng pagbabalik ni Kristo (Mga Gawa 1:11; Zacarias 14:4), at sa panahong iyon Siya ay magtatatag ng permanenteng kapayapaan sa loob ng mga pader nito. Ang lahat ng mga Kristiyano ay dapat na sabik na naghihintay sa Kanyang pagbabalik at manalangin para sa panahon kung kailan ang Prinsipe ng Kapayapaan ay maghahari sa Jerusalem.

Sinabi rin ni Jesus na dapat tayong maging tagapagdala ng kapayapaan, at kasama dito ang pananalangin para sa kapayapaan. “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos” (Mateo 5:9). At inutusan tayong gawin ang lahat para mamuhay nang payapa kasama ng iba. “Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman” (Roma 12:18). Kaya, nais ng Diyos na hangarin natin ang kapayapaan sa lahat ng tao, at kasama diyan ang pagdarasal para sa kapayapaan ng Jerusalem, dahil sa mahalaga ang lugar nito sa Kanyang puso.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit dapat tayong manalangin para sa kapayapaan ng Jerusalem?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries