Tanong
Mayroon bang maiiwang mananampalataya sa lupa sa pagdagit (rapture)?
Sagot
May mga mananampalataya na naniniwala na yaon lamang mga tapat na mananampalataya ang makakasama sa pagdagit (rapture) habang ang mga hindi tapat na mananampalataya ay maiiwan sa lupa upang dumaan sa kapighatian. Ang problema, hindi sinasang-ayunan ng Kasulatan ang konseptong ito. Itinuturo ng mga sitas sa Bibliya na naglalarawan sa pagdagit o rapture (1 Corinto 15:50–57; 1 Tesalonica 4:13–18) na ang pagdagit ay para sa lahat ng tunay na mananampalataya, malago man o hindi, tapat o hindi tapat. Sinasabi sa atin ng mga talatang gaya ng Roma 8:1 at 1 Tesalonica 5:9 na hindi ibubuhos ng Diyos ang Kanyang poot sa mga tunay na Kristiyano. Walang ebidensya sa Bibliya na may maiiwang tunay na mananampalataya sa pagdagit (rapture). Ang bawat isang mananampalataya ay dadalhin sa langit sa araw ng pagdagit (rapture).
May mga ginagamit ang talinghaga ng sampung dalaga sa Mateo 25:1–13 bilang pangsuporta na may maiiwanang mananampalataya sa lupa sa pagdagit (rapture). Gayunman, ang limang dalaga na hindi nagbaon ng langis para sa kanilang ilawan ay hindi simbolo para sa mga maiiwang mananampalataya kundi sa halip, sila ay larawan ng mga hindi mananampalataya na hindi makakasama sa pagdagit. Ang susing talata ay ang talata 12 kung saan sinabi ng lalaking ikakasal sa mga maiiwan, “Sinasabi Ko sa inyo, hindi Ko kayo nakikilala.” Nakikilala ni Hesus yaong mga nananalig sa Kanya, naghihintay man sila ng tapat o hindi. Ang pangunahing elemento sa talinghaga ay ang langis sa mga ilawan – ang langis bilang simbolo ng Banal na Espiritu. Ang mga pinananahanan ng Banal na Espiritu sa kanilang mga puso ay makakasama sa pagdagit dahil tunay silang mga Kristiyano. Ang mga nagpapahayag lamang ng pananampalataya kay Hesus ngunit hindi nagtataglay ng Banal na Espiritu ay maiiwan dito sa lupa at dadaan sa kapighatian.
Ang aral para sa atin ay maging handa sa tuwina dahil darating si Hesus para sa Kanyang mga hinirang na gaya sa isang “magnanakaw” (1 Tesalonica 5:4)—biglaan, hindi inaasahan at hindi ipinapaalam. Tanging yaon lamang nagtataglay ng langis (Banal na Espiritu) sa kanilang ilawan (puso) ang dadagitin. Ang iba na hindi nagtataglay ng Espiritu Santo, anuman ang kanilang kapahayagan ng pananampalataya ay maiiwan. Kilala ni Hesus kung sino ang sa Kanya, at sa oras na tatawagin Niya sila, sila ay tutugon. Kanyang sasabihin sa iba “hindi Ko kayo nakikilala.” Ngayon na ang araw ng kaligtasan (2 Corinto 6:2). Ang mga hindi pa nakakakilala kay Kristo ay hindi dapat magpaliban kahit isang segundo. Kailangan na nilang manampalataya ngayon!
English
Mayroon bang maiiwang mananampalataya sa lupa sa pagdagit (rapture)?