Tanong
Ang lahat ba ng nangangaral ng Ebanghelyo ng pagyaman / kasaganaan ay mga mandaraya o mga bulaang guro?
Sagot
Bago tayo makakapagbigay ng seryosong atensyon sa tanong na ito, dapat muna nating bigyan ng kahulugan ang salitang "mangangaral ng kasaganaan / pagyaman." Iba-iba ang pamamaraan ng iba't ibang ministeryo sa pangangaral ng Ebanghelyo. Halimbawa, ang mga organisasyon na namimigay ng tulong gaya ng pagkain ay kinakatagpo ang pisikal na pangangailangan ng mga mahihirap at sinasabing si Jesus ang dahilan ng kanilang ginagawa. May ilan na maaaring ituring ang pamamaraang ito na isang pangangaral ng ebanghelyo ng kasaganaan dahil maraming mahihirap ang ipinapantay ang Kristiyanismo sa kasaganaan ng mga bansa sa Kanluran. Maaari silang tumugon sa mensahe ng Ebanghelyo habang ang kanilang tunay na motibo ay para sila yumaman o makatakas sa kahirapan. Gayunman, para sa mga nakararaming Kristiyanong organisasyon na tumutulong sa mahihirap, isang bahagi lamang ng kanilang pagmiministeryo sa kabuuan ng tao ang pagkatagpo sa pisikal na pangangailangan ng tao. Isa itong paraan upang magkaroon ang mga Kristiyano ng karapatan ma magsalita para sa espiritwal na pangangailangan ng mga taong nagdurusa. Ngunit sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagyaman / kasaganaan, ipinapakilala si Jesus na tulad sa isang tiket para sa perpektong kalusugan at materyal na kasaganaan. Inaalisan ang tunay na Ebanghelyo ng pagtutuon nito sa walang hanggan at binabago bilang isang kasangkapan upang maranasan ng lahat ng tao ang pinakamagandang buhay sa kasalukuyan. Ito ang mensahe na ating tatalakayin sa artikulong ito.
Sa Lumang Tipan, maraming sinasabi ang Diyos patungkol sa Kanyang mga pagpapala tulad ng kayamanan, karangalan at panglupang kalusugan sa Kanyang mga lingkod (halimbawa ang Genesis 12:2; Levitico 26:3–12; Deuteronomio 7:11–15; 30:8–9; 1 Hari 3:11–14). Ang materyal na mga pagpapala ay bahagi ng Tipan ni Moises at Tipan ng Diyos para sa bansang Israel. Gayunman, ang pinagtutuunan ng pansin sa Bagong Tipan ay hindi ang mga panglupa kundi mga panlangit na mga gantimpala.
Hindi lahat ng mangangaral na nagtuturo ng kagalakan ng pagpapala ay nangangaral ng "ebanghelyo ng pagyaman / kasaganaan." Ipinangako ng Diyos ang pagpapala sa mga naglilingkod sa Kanya ng tapat at sumusunod sa Kanyang mga utos (Awit 107:9; Malakias 3:10–11; Markos 10:29–30). Ngunit ang isang mangangaral na ipinapakilala ang Diyos bilang isang kasangkapan upang makamtan ang mga kayamanang panlupa ay isang bulaang mangangaral. Ipinapakilala ng katuruang ito ang makapangyarihang Diyos na katulad sa isang masayahing Santa Klaws na ang pangunahing layunin ay pasaganain ang mga tao at tuparin ang kanilang mga pangarap sa buhay. Sa pangangaral ng mga mangangaral ng ebanghelyo ng pagyaman o prosperity Gospel, ang tao ang tunay na bida hindi ang Diyos.
Ginagamit ng mga mangangaral ng Prosperity gospel ang mga salitang gaya ng pananampalataya, positibong pagpapahayag, o biswalisasyon (visualization) upang "pawalan" ang kasaganaan na nasa Diyos. Kadalasan, hinihimok ng mga mangangaral na ito ang kanilang mga tagasunod na "magtanim sa ministeryong ito" na ipinapangako ang masaganang balik ng kanilang puhunan. Ang Ebanghelyo ay nagiging katulad ng pamumuhunan na madaling makapagpayaman (get-rich quick schemes), habang ang mga ministro naman ay patuloy na yumayaman ng higit sa kanilang mga tagapakinig. Palaging ibinibigay ang isang imbitasyon para tanggapin si Kristo sa pagtatapos ng isang gawain na nakabase lamang sa pagpapala at positibong pagiisip ang mensahe. Sa kabila ng mga napakaraming pagtugon sa mga imbitasyon, maiisip ng isang tao: "ang mga tao bang ito ay sumusuko sa Jesus ng Bibliya o tumutugon sa panawagan ng mangangaral dahil sa mga pangako ng pagunlad at pagyaman?"
Ang paglipat mula sa katotohanan patungo sa kasinungalingan ay maaaring sobrang mapandaya, at may ilang maayos na mangangaral ang napaglalangan ng katuruang ito. Dapat tayong maging maingat sa paghusga sa buong mensahe ng isang mangangaral sa isa o dalawang sermon lamang. Gayunman, kung tahasang ang pangangaral tungkol sa pagyaman ang nangingibabaw sa buong mensahe ng isang mangangaral, isa lamang itong pagtatangka na gawing tunog espiritwal ang kasakiman at materyalismo. May mabigat na pananalita ang Efeso 5:5 para sa mga taong sakim: "Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan." Habang dapat tayong dumulog sa Diyos para sabihin ang ating mga pangangailangan at umasa sa kanyang mga pagpapala (Filipos 4:19), binalaan tayo ni Jesus na hindi tayo dapat magimpok ng kayamanan dito sa lupa. Sa halip, dapat tayong magimpok ng kayamanan sa langit (Lukas 12:33).
Ang hindi balanseng pagtutuon ng mga mangangaral ng prosperity Gospel ng sobrang pansin sa mga panlupang kayamanan ay direktang sinasalungat ng maraming mga talata sa Bibliya na nagbababala sa atin laban sa paghahangad ng kayamanan (Kawikaan 28:22; 2 Timoteo 3:2; Hebreo 13:5). Direktang tinatalakay sa 1 Timoteo 6:8–10 ang katuruang ito: "Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo'y may pagkain at pananamit. Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian." Kung ang panlupang kayamanan ang ating pinagtutuunan ng pansin, hindi tayo sumusunod sa mga katuruan ng Kasulatan.
Kung ang paghahangad sa kayamanan ang nangingibabaw sa mensahe ng isang mangangaral, maaaring isa siya sa mga tinutukoy sa mga babala sa Kasulatan. Ang mga sumusunod ang ilan sa mga pangkaraniwang katangian ng mga mangangaral ng prosperity gospel:
• Ang buod ng kanyang mensahe ay laging nais ng Diyos na pagpalain ang lahat ng tao.
• Napakakonti, kung mayroon man ng pagbanggit tungkol sa mga turo ni Jesus sa pagtanggi sa sarili, pagpapasan ng krus at pagpipigil sa laman (Lukas 9:23; Mateo 10:38, 16:24).
• Halos lahat ng kanilang katuruan ay nakatuon sa pagbibigay ng kasiyahan sa makalamang pagnanasa sa halip na sa pagbabagong buhay at espiritwal na paglago (Roma 8:29).
• Laging ipinapantay ang pananampalataya sa pagiisip ng positibo patungkol sa sarili at sa mga sitwasyon sa buhay at ipiniprisinta bilang isang kasangkapan kung paano makakamtan ang pagpapalang pinansyal.
• Ang mga katuruan ay kinakikitaan ng kawalan ng pangangailangan para sa pagdurusa sa buhay ng isang mananampalataya (2 Timoteo 2:12; 3:12; Roma 8:17; Filipos 1:29).
• Napakaliit ng ginagawang pagkakaiba sa pagitan ng mga anak ng Diyos at ng mga hindi mananampalataya sa postibong mga pangako sa mensahe (Malakias 3:16–18; Roma 9:15–16).
• Bihirang sinusubukan ang pangangaral ng anumang uri ng totoong pagtuturo ng Bibliya na hindi sumusuporta sa mensahe ng pagiging positibo at mga pagpapala (1 Corinto 3:1–3).
• Hindi siya gumagamit ng mga talata na sumasalungat sa kanyang positibong pagtalakay sa mensahe (2 Timoteo 4:3).
• Kadalasang ang personal na kayamanan ng mangangaral ay higit sa karaniwang uri ng pamumuhay ng kanyang kongregasyon (Awit 49:16–17).
• Ang tanging katangian ng Diyos na binabanggit ay pag-ibig at pagiging mapagbigay. Kakaunting atensyon ang ibinibigay sa Kanyang ibang mga katangian gaya ng kabanalan, katarungan at katuwiran.
• Hindi binabanggit ang alinman sa kasalanan at darating na paghuhukom (Roma 2:5; 1 Pedro 4:5).
• Ang tanging mga kasalanan na tinatalakay ng mahaba ay ang pagiging negatibo, kahirapan, at kabiguan ng tao na magtiwala sa kanyang sarili (1 Corinto 6:9–10; Filipos 3:3).
• Binibigyang diin ang kapatawaran ngunit napakakonti ng paliwanag tungkol sa pagsisisi na napakahalaga para kay Jesus at sa kanyang mga alagad (Mateo 4:17; Markos 6:12; Gawa 2:38).
• Laging binabanggit ang panalangin ng pananampalataya bilang kasangkapan kung paanong walang magagawa ang Diyos kundi pagpalain ang tao.
May napaka-mapanlinlang na paglipat sa loob ng Kristiyanismo mula sa tunay na Ebanghelyo patungo sa isang bersyon ng Ebanghelyo na hindi kikilalanin ng mga apostol. Nagiging ignorante ang mga tao sa Bibliya at ito ang dahilan kung bakit sila madaling nadadaya ng mga mangangaral na nagkukunwaring nalalaman ang Kasulatan ngunit pinipilipit ito upang maging katanggap-tanggap sa mga tao. Nakakaakit ng maraming tagapakinig ang mga mangangaral na ito gaya noong magpakain si Jesus ng libu-libo (Mateo 14:21), magpagaling ng mga may sakit (Markos 1:34), at gumawa ng mga himala (Juan 6:2). Ngunit ng magsimulang magturo si Jesus ng mabibigat na katotohanan ng Ebanghelyo, "marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya" (Juan 6:66). Hindi naging dahilan ang kumukupas na popularidad ni Jesus sa Kanyang pagpapababaw sa mensahe ng Ebanghelyo. Nagpatuloy Siya sa pagtuturo ng katotohanan gustuhin man o hindi ng mga tao (Juan 8:29) ang Kanyang mensahe. Gayundin naman, nilinis ni Pablo ang kanyang sarili sa harap ng mga taga-Efeso sa pamamagitan ng mga pananalitang ito: "Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, wala akong pananagutan kung mapahamak ang sinuman sa inyo" (Gawa 20:26–27). Kung susundan ng mga mangangaral ang modelo ni Jesus at ni Pablo, makakasiguro sila na hindi masusunog sa araw ng paghuhukom ang kanilang mga gawa (1 Corinto 3:12–15).
English
Ang lahat ba ng nangangaral ng Ebanghelyo ng pagyaman / kasaganaan ay mga mandaraya o mga bulaang guro?