settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na manlalamig ang pag-ibig ng marami (Mateo 24:12)?

Sagot


Hinulaan ni Jesus na manlalamig ang pag-ibig ng marami bilang bahagi ng Kanyang sagot sa tanong ng mga alagad na, “Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?” Sa Mateo 24, sa Kanyang sermon sa bundok ng mga Olibo, inilarawan ni Jesus ang mga mangyayari bago maganap ang katapusan ng mundo at ang Kanyang muling pagparito. Sinabi Niya na magkakaroon ng mga bulaang Cristo (Mateo 24:5), mga digmaan (Mateo 24:6), mga labanan at mga natural na kalamidad (Mateo 24:7).

Nagbabala din si Jesus sa mga magaganap na paguusig sa mga mananampalataya na ang ilan ay mapapatunayang huwad na mga alagad na magtataksil sa isa’t isa (Mateo 24:9–10). Sinabi ni Jesus, “Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami” (Mateo 24:12). Kung ito man ay dahil sa nakakabulag na impluwensya ng mga huwad na mangangaral o dahil sa takot sa kamatayan o paguusig, ang sigasig ng maraming huwad na mananampalataya ay maglalaho. Ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa iglesya ay “manlalamig.” Ang mga tunay na Kristiyano, kahit na ang mga mahina ang pananampalataya ay magtitiis hanggang wakas (Mateo 24:13). Ang kanilang pag-ibig ay tunay na pag-ibig na bunga ng Banal na Espiritu (Galatia 5:22), at hindi ito mabibigo (1 Corinto 13:7). Hindi maaaring lumamig ang tunay na pag-ibig dahil pinapanatili ito ni Cristo na may kakayahan na ingatan tayo laban sa pagtalikod (Judas 1:24).

Gayunman, para sa mga taong hindi nagtataglay ng Espiritu, ang pag-ibig nila ay lalamig ng lalamig sa mga huling araw. Pinalawak ni Pablo ang ideyang ito sa 2 Timoteo 3:1–4 ng kanyang inilarawan ang mga huling araw. Ang pag-ibig ng mga taong iyon ay hindi mainit, hindi buhay na pag-ibig sa Diyos at s Kanyang katotohanan at sa Kanyang mga anak. Sa halip, ang kanilang pag-ibig ay pag-ibig sa sarili at sa salapi (talata 2). Inilarawan ni Pablo na ang kanilang pag-ibig sa Diyos, kay Cristo, at sa mga kapatiran ay pagpapanggap lamang, at walang katotohanan. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang ginagawa sa isang relihiyosong paraan dahil sa pag-ibig sa sarili at sa kanilang mga sariling kapakanan. Ang kanilang layunin ay papurihan at palakpakan ng mga tao o gamitin ang relihiyon para may mapakinabang para sa kanilang mga sarili. Wala silang ginagawa para sa kaluwalhatian ng Diyos, karangalan ni Cristo, o sa ikabubuti ng iba.

Pano tayo makatitiyak na ang ating pag-ibig kay Cristo ay hindi manlalamig? Magsimula tayo sa pagsusuri sa ating mga sarili para matiyak na tunay na tayo ay nasa pananampalataya (2 Corinto 13:5). Kung tunay tayong kay Cristo, maaari tayong magtiwala na nagtataglay tayo ng pag-ibig mula sa Espiritu na hindi manlalamig. Pagkatapos, gawin natin ang lahat ng ating makakaya para palaguin ang ating pag-ibig: “Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos” (Filipos 1:9–11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na manlalamig ang pag-ibig ng marami (Mateo 24:12)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries