settings icon
share icon
Tanong

Bakit nanunumbalik sa Diyos ang ilang tao sa huling bahagi ng kanilang buhay?

Sagot


Ang mensahe ng Ebanghelyo ay para sa lahat ng tao, sa mga bata at matanda, para sa mga lalaki at babae sa lahat ng lahi at kultura (Galacia 3:28). Ngunit karamihan ng nakakarinig sa mensahe ng Ebanghelyo ay hindi agad tumutugon dito. Maaring ang ilan ay nanunumbalik sa Diyos sa kanilang katandaan.

Sa pananaw ng tao, maaari tayong magpalagay ng maraming dahilan sa hindi nila agad pagtugon sa Ebanghelyo – maaaring ito ay dahil sa kanilang pamilya o trabaho, pagnanais na makapaglakbay, o sahil sa pakikilahok sa sa sports o pakikipagbarkada. May ilang nagaakala na balewala lang sa Diyos ang paghihintay sa kanila habang sila ay abala sa maraming bagay at ayos lang maghintay kung mayroon na silang panahon. Ang iba naman ay talagang sinasadya ng may pagmamayabang pa na talagang ayaw kumilala sa Diyos. May ilan naman na namumuhay ng komportable sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap. At ang iba ay kumbinsido na kaya nilang iligtas ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mabubuting gawa kaya ayaw nilang manumbalik, magsisi, at sumampalataya sa Diyos.

Itinuro ni Jesus ang tungkol sa isang talinghaga na nagpapakita ng iba’t ibang uri ng tao na tinawag sa iba’t ibang panahon ng kanilang buhay. Sa Mateo 20:1–16 umupa ang may-ari ng bukirin ng mga manggagawa para mag-ani sa bukid. May ilang nagsimula ng maaga at pumayag sa halaga ng kanilang upa. Napakarami ng aanihin kaya kinailangan na muling maghanap ang may-ari ng mga magtatrabaho habang lumilipas ang oras hanggang halos sa paglubog ng araw. Binayaran ng may-ari ang mga nagumpisang magtrabaho ng hapon ng parehong upa para sa mga nagsimula ng umaga. Ang talinghagang ito ay tumatalakay sa kapamahalaan ng Diyos na tumawag sa sinumang Kanyang maibigan sa anumang bahagi ng kanilang buhay. Tinatrato Niya ang mga nagtrabaho ng huli na kapareho ng Kanyang pagtrato sa mga nagtrabaho sa kanilang buong buhay.

Bago ang paglikha, kilala ng Diyos ang Kanyang mga tatawagin: “Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban” (Efeso 1:4–5). Alam ng Diyos ang tamang panahon para tawagin ang isang makasalanan sa pagsisisi at kaligtasan. Marami ang makakarinig sa panlabas na tawag ng Diyos dahil ang binhi ng Salita ng Diyos ay inihahasik sa lahat ng dako, ngunit hindi lahat ng binhi ay babagsak sa “matabang lupa” kung saan ito maaaring tumubo at mamunga (Mateo 13:1–23).

Bilang karagdagan sa pagkarinig sa panlabas na tawag ng Diyos, dapat na marinig ng indibidwal ang panloob na tawag ng Banal na Espiritu dahil ito ang umuusig sa atin sa ating mga kasalanan at nagbibigay sa atin ng kakayahan na ilagak ang ating pananampalataya kay Cristo (Juan 16:7–15). Ang isang halimbawa ng panloob na tawag na ito ay ang pagtawag kay Lydia: “Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip upang kanyang pakinggan ang ipinapangaral ni Pablo” (Gawa 16:14). Si Pablo ang ginamit sa panlabas na pagtawag, ngunit ang Banal na Espiritu ang nagsagawa ng panloob na pagtawag. Hangga’t hindi nagaganap ang panloob na tawag, hindi tayo makakatugon ng tama sa panlabas na pagtawag “Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal” (1 Corinto 2:14). Ang Diyos ang tumatawag sa atin sa Kanyang sarili; Siya ang nagpapasya kung sino ang Kanyang tatawagin at kung kailan Niya sila tatawagin. Perpekto ang Kanyang panahon.

Ang plano ng Diyos para sa atin ay nakatago hangga’t hindi Niya iyon inihahayag sa atin. Tanging sa paglingon lamang natin sa nakalipas makikita kung paanong ang Banal na Espiritu ay aktibong dinadala tayo sa yugto ng kaligtasan. Maaaring matandaan natin ang isang mahalagang sinabi ng isang Kristiyano na nagpaisip sa atin at nagpatigil sa nakalipas. O kaya naman ay nakilala natin ang mga tao na ang pamumuhay ay kinakitaan natin ng pag-ibig at kababaang loob ni Jesus. Maaaring nagbago ang ating buhay sa isang dramatikong paraan, at natagpuan natin ang sarili sa kaligtasan na hindi dahil sa ating pasya. Bagama’t tila hindi sinadya ang mga pangyayari sa ating pananaw, sa huli ay kinilala natin na wala sa atin ang isang napakahalagang bagay at nagumpisa tayo sa ating paghahanap sa Diyos at nagnais tayo na magkaroon ng relasyon sa Kanya. Para sa bawat mananampalataya, ang kuwento ng pagiging anak ng Diyos ay naiiba, ngunit ang karaniwang pangyayari ay binuhay tayo ng Banal na Espiritu sa pamamagitan pananampalataya sa Salita ng Diyos (Roma 10:17).

Alam ng Diyos ang ating mga puso at alam Niya kung paano tayo tutugon sa Kanyang tawag. Sa tamang panahon, binasag ng Diyos ang ating mga pader, at hindi natin natanggihan ang panloob na tawag ng Diyos. Ang mga tumatanggi sa panlabas na tawag ng Diyos ay nangangahulugan na hindi pa sila tinatawag ng Banal na Espiritu sa panloob (Roma 8:9).

Tinatawag tayo ng Diyos, ngunit minsan hindi tayo nakikinig. Tinatawag tayo ng Diyos ngunit minsan ay hindi natin iyon pinapansin. Tinatawag tayo ng Diyos ngunit minsan, umiiral ang ating pagmamataas. Para sa ilan, kailangan pang mangyari ang isang trahedya bago sila tumigil at pagisipan ang nagaganap sa kanilang buhay. Para sa iba, kailangan muna nilang maranasan na ibagsak sila ng Diyos bago nila maunawaan ang kanilang kalagayan sa harapan ng Diyos. Sa lahat ng mga dahilang ito, may mga tao na nagtatagal pa bago tuluyang manumbalik sa Diyos. Ang panganib sa pagpapaliban ay maaring maubos na ang panahon. Walang nakatitiyak sa mangyayari bukas (Lucas 12:20). Ang Diyos ay matiyaga, ngunit pagkatapos ng kamatayan, wala ng pangalawang pagkakataon para sa kaligtasan (Hebreo 9:27).

May respondibilidad ang mga Kristiyano na ipangaral ang Mabuting Balita ngunit ang Diyos ang nagdadala sa tao sa pagsisisi at sa pananampalataya kay Cristo Jesus. Kung may isang tao ka na ipinapanalangin ngayon maaaring sa loob ng maraming taon, dinggin mo ang salita ng Panginoon na “manalangin at huwag manghinawa” (Lucas 18:1). Pagtiwalaan mo ang panahon ng Diyos at ang kanilang pagbabalik loob.

Kung tinatanggihan mo ang pagtawag ng Diyos sa kaligtasan, naglalaro ka ng apoy. Ang panahon ng Diyos ay laging ngayon (2 Corinto 6:2). Ang pagtanggi sa tawag ng Diyos ay nagreresulta sa walang hanggang kapahamakan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit nanunumbalik sa Diyos ang ilang tao sa huling bahagi ng kanilang buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries