settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan ng Mapait sa Pahayag?

Sagot


Ang “Wormwood” o Mapait ay pangalan ng isang bituin sa Pahayag 8:10-11: “Nang patunugin ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at tumama sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. Ang pangalan ng bituin ay “Mapait.” Kaya pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay nang makainom ng tubig na iyon.” Ito ang ikatlo sa mga trumpeta ng hatol na inilarawan sa Pahayag. Ang pitong trumpeta ay ang mga hatol ng ikapitong tatak (Pahayag 8:1-5). Ang unang trumpeta ang sanhi ng pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at apoy na bumagsak at sumira sa lahat ng halaman sa mundo (Pahayag 8:7). Ang ikalawang trumpeta naman ang sanhi ng tila isang meteor o kometa mula sa kalawakan na bumagsak sa dagat at naging dahilan ng pagkamatay ng ikatlong bahagi ng nabubuhay sa dagat (Pahayag 8:8-9). Ang ikatlong trumpeta ay katulad ng ikalawa maliban sa ang naapektuhan nito ay ang mga lawa at ilog at tubig tabang sa halip na mga dagat at tubig alat (Pahayag 8:10-11). Ito ang magiging sanhi ng pagpait ng ikatlong bahagi ng tubig tabang sa mundo at maraming tao ang nangamatay dahil sa pag-inom nito.

Ang salitang ingles na “wormwood” o mapait na halaman sa Tagalog ay binanggit dito lamang sa Bagong Tipan pero lumabas ito ng walong beses sa Lumang Tipan, sa bawat pagkakataon ay may kaugnayan sa mapait, lason, at kamatayan. Maaaring hindi sinasabi sa talatang ito sa Pahayag na ang bituin na babagsak sa mundo ay aktwal na tatawaging “wormwood” o mapait ng mga taong naninirahan sa mundo. Sa halip, ang wormwood ay isang kilalang mapait na halaman sa panahon ng Bibliya kaya ang pagpangalan sa bituin bilang Mapait o wormwood ay nagpapahiwatig na ang epekto nito ay pinapapait ang mga tubig tabang sa mundo anupat hindi na ito maaaring inumin. Hindi lamang simpleng magiging mapait ang tubig kundi ito ay literal na makakalason. Kung wala ng tubig na maiinom ang ikatlong bahagi ng populasyon ng mundo, madaling maunawaan kung gaano kalaki ang magaganap na kaguluhan at pagkatakot na mamamayani sa mga tao. Mabubuhay lamang ang tao ng dalawang araw ng walang tubig at ang mga naninirahan sa mga apektadong lugar ay magiging desperado anupa’t aktwal na iinumin pa rin nila ang tubig na naging lason dahilan para mamatay ang libu-libo kundi man milyong tao.

Hindi pa nagaganap ang hulang ito sa huling pitong taon ng panahong ito na kilala rin sa tawag na ikapitumpong linggo sa aklat ni Daniel. Ito ay isa lamang sa mga natural na kalamidad na dala ng pitong trumpeta na magluluklok ng mabilis sa Antikristo sa kapangyarihan sa buong mundo (tingnan ang Pahayag 13). Dahil ang ikatlong bahagi ng mundo ay nawasak ng mga trumpetang ito ng hatol, ito ay isa lamang bahagi ng mga hatol na mula Diyos. Hindi pa Niya ipinapadama ang Kanyang buong galit.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan ng Mapait sa Pahayag?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries