Tanong
Bakit napakarami ng mga relihiyon? Ang lahat ba ng relihiyon ay patungo sa Diyos?
Sagot
Walang duda na ang pagkakaroon ng napakaraming relihiyon at ang pagaangkin nilang lahat na sila ay patungo sa Diyos ang nagbibigay kalituhan sa marami na tapat na naghahanap ng katotohanan tungkol sa Diyos. Ang kadalasang kinahahantungan ng tao dahil sa pagkakaroon ng napakaraming relihiyon ay kabiguan na makita ang tunay na katotohanan. O kaya naman, dahil sa napakaraming relihyon, maraming tao ang yumayakap sa unibersalismo, isang katuruan na nagaangkin na ang lahat ng relihiyon ay sa Diyos at patungo sa langit. Gayundin naman, may mga nagdududa na ginagamit ang pagkakaroon ng napakaraming relihiyon bilang ebidensya na hindi kailanman malalaman ng tao ang katotohanan o kaya nama'y wala naman talagang Diyos.
Naglalaman ang Roma 1:19-21 ng Biblikal na paliwanag kung bakit napakarami ng relihiyon sa mundo. Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay malinaw na nakikita at nalalaman ng bawat tao dahil ipinakikilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha. Ngunit sa halip na tanggapin ang katotohanan tungkol sa Diyos at magpasakop sa Kanya, tinanggihan ng tao ang Diyos at gumawa siya ng sariling kaparaanan upang maunawaan ang Diyos. Ngunit nagdulot ito hindi ng pagkaunawa sa Diyos kundi ng kahangalan ng pagiisip. Sa mga talatang ito natin makikita ang basehan ng pagkakaroon ng napakaraming relihiyon.
Maraming tao ang ayaw maniwala sa Diyos na humihingi ng katwiran at moralidad, kaya nagimbento sila ng Diyos na walang itinatadhanang mga batas. Maraming tao ang ayaw maniwala sa Diyos na nagsasabi na imposible para sa tao na makarating sa langit sa pamamagitan ng kanilang sariling gawa. Kaya gumawa sila ng sariling Diyos na tumatanggap ng tao sa langit kung susunod sila sa kanyang mga itinadhanang hakbang, mga alituntunin at mga batas sa pamamagitan ng kanilang sariling kakahayan. Maraming tao ang ayaw magkipagrelasyon sa Diyos na may ganap na kapamahalaan at kapangyarihan. Kaya gumawa sila ng sariling diyos na tulad sa isang mistikal na kapangyarihan na walang personalidad at walang kapamahalaan na maaring pasunurin ng tao ayon sa kanyang sariling kagustuhan.
Ang pagkakaroon ng napakaraming relihiyon ay hindi isang argumento laban sa pagkakaroon ng Diyos o isang argumento na ang mga katotohanan tungkol sa Diyos ay hindi maliwanag. Sa halip, ang pagkakaroon ng napakaraming relihiyon ay isang demonstrasyon ng pagtanggi ng sangkatauhan sa nagiisang tunay na Diyos. Pinalitan ng sangkatauhan ang Diyos ng mga diyus diyusan na ayon sa kanilang sariling pagpapalagay. Ito ay isang mapanganib na gawain. Ang pagnanais na gumawa ng Diyos ayon sa ating kagustuhan ay nag-ugat sa ating makasalanang kalikasan - isang kalikasan na sa huli ay tiyak na "magaani ng kaparusahan" (Galatia 6:7-8).
Ang lahat ba ng relihiyon ay tutungo sa Diyos? Talaga namang totoo din ito. Ngunit ang lahat ng relihiyon maliban sa isa ay tutungo sa Diyos upang hatulan ng kaparusahan. Tanging isa lamang - ang tunay na Kristiyanismo - ang tutungo sa kapatawaran at buhay na walang hanggan. Kahit na ano pang relihiyon ang sapian at paniwalaan, ang bawat tao ay haharap sa Diyos pagkatapos ng kamatayan (Hebreo 9:27). Ang lahat ng relihiyon ay tutungo sa Diyos ngunit isa lamang ang tatanggapin ng Diyos sapagkat sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Hesu Kristo makakaharap ang tao sa Diyos ng may pagtitiwala na hindi siya tatanggihan at parurusahan ng Diyos. Ang desisyon na yakapin ang katotohanan tungkol sa Diyos ay napakahalaga sa isang simpleng kadahilanan: Ang walang hanggan ay napakatagal na panahon upang magkamali. Kaya nga napakahalaga ang tamang pagiisip patungkol sa Diyos.
English
Bakit napakarami ng mga relihiyon? Ang lahat ba ng relihiyon ay patungo sa Diyos?