settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Walong Marangal na Daan (Noble Eightfold Path)?

Sagot


Ang Walong Marangal na Daan (Noble Eightfold Path) ang pundasyon ng moralidad ng Budismo. Isinasaad sa Walong Marangal na Daan ang mga saloobin at mga gawi na sinisikap na ipamuhay ng mga Buddhists upang magampanan ang Apat na Marangal na Katotohanan (Four Noble Truths). Ang walong konseptong ito ay nakapaloob sa tatlong pangunahing kategorya: Karunungan, Paguugali at Konsentrasyon. Ayon sa Apat na Marangal na Katotohanan (Four Noble Truths), ang buhay ay pagdurusa na ang dahilan ay mga pagnanasa para sa mga panandaliang bagay at dahil ang lahat ay panandallian lamang—kahit na ang saril—ang tanging paraan upang lumaya sa pagdurusa ay paglaya sa lahat ng pagnanasa. Ayon sa Budismo, magagawa ito sa pamamagitan ng pagtahak sa Walong Marangal na Daan.

Bagama't tinatawag na "daan," ang walong sangkap nito ay hindi sinusunod sa kahit anong kaayusan. Sa halip, dapat silang sundin ng magkakasabay upang makalaya sa lahat ng pagnanasa at makamtan ang Nirvana. Laging inilalarawan ang Walong Marangal na Daan at ang Budismo mismo bilang isang gulong na may walong rayos, katulad sa isang manibela ng barko. Ang mga sangkap ng Walong Marangal na Daan ay ang tamang pananaw, tamang motibo, tamang pananalita, tamang paguugali, tamang hanapbuhay, tamang pagsisikap, tamang kamalayan at tamang pagninila-nilay.

Ang mga sangkap ng tamang pananaw at tamang motibo ay tumutukoy sa karunungan na isang aspeto ng Walong Marangal na Daan.

Ang tamang pananaw ay paniniwala sa Apat na Mrarangal na Katotohanan: na ang buhay ay pagdurusa; ang pagdurusa ay dahil sa paghahangad sa mga panandaliang bagay; ang lahat ng bagay ay panandalian; at tanging sa pagsunod sa Walong Marangal na Daan lamang matatakasan ang lahat ng pagnanasa. Kasama din dito ang kaalaman sa mga konseptong gaya ng patuloy na pagsilang at pagkamatay (reincarnation) at batas ng karma. Sa Bibliya, totoo na dapat na maniwala at magpasakop ang isang tao sa isang partikular na katotohanan upang maranasan ang kaligtasan (Juan 8:32). Ngunit hindi sumasang-ayon ang Bibliya na aktibong may ambag ang anumang partikular na karunungan sa kaligtasan ng isang tao (Efeso 2:8; 1 Corinto 3:19).

Ang "tamang motibo" ay tumutukoy sa kahandaan na magbago para sa ikabubuti. Ayon sa Apat na Marangal na Katotohanan at Walong Marangal na Daan, ang isang taong may tamang motbio ay nakatalaga sa mga katuruan ng Budismo at naghahangad na ikumpara dito ang kanyang saloobin at mga gawa. Sa Bibliya, sinasabihan ang mga mananampalataya na ikumpara ang kanilang pananampalataya at mga gawa sa pamantayan ni Kristo (2 Corinto 13:5; Roma 13:14; Juan 15:14). Gayunman, kinikilala din sa Bibliya na hindi laging ang ating hinahangad sa kaibuturan ng ating puso ang laging dapat nating nasain (Jeremias 17:9). Walang sagot ang Budismo kung paano babaguhin ng isang tao ang kanyang hangarin upang makasumpong ng kaliwanagan (tingnan ang 2 Corinto 10:12).

Ang mga sangkap ng tamang pananalita, tamang paguugali at tamang pagkakakitaan ay tumutukoy sa mga etikal na aspeto ng Walong Marangal na Daan.

Ang "tamang pananalita" ay tumutukoy sa paggamit ng mga salita ng may katapatan, paggalang at layunin. Nangangahulugan ito na dapat na iwasan ng tao ang tsismis, pagsisinungaling, o mapangabuso at masamang pananalita. Ang tamang pananalita ay inilalapat sa tamang panulat na gaya sa tamang pagsasalita. Ang isang kapuna-punang epekto ng konseptong ito ay ang pagiwas sa pagtalakay sa ilang espiritwal o metapisikal na paksa. Ayon sa Budismo, may ilang katanungan patungkol sa realidad na hindi mahalaga o walang kaugnayan sa pagganap ng isang tao sa Walong Marangal na Daan kaya ang pagtalakay sa mga iyon ay maituturing na hindi "tamang pananalita." Sa Bibliya, sinasabihan tayo na pigilan ang ating dila (Kawikaan 10:19) at iwasan ang mga walang kabuluhang pagtatalo (1 Timoteo 6:4).

Kabilang sa "tamang paguugali" ang pagiwas sa mga masasamang gawain gaya ng pagpatay, pagnanakaw, pangangalunya, at marami pang iba. Ang pangkalahatang prinsipyo na gumagabay sa tao sa kung ano ang tama at mali ay kung ang isang gawain ay nakakasakit sa kapwa. Binibigyang diin ng Bibliya ang isang mapanghamong pananaw sa dapat na paguugali ng isang mananampalataya (Mateo 7:12; 1 Corinto 9:27), at pinagsasama ang paguugali at gawi sa pagtalakay sa moralidad at etika (Mateo 5:21–22, 27–28). Ang pamantayan ng Bibliya patungkol sa tama at mali ay hindi kung nakakasakit ba ang isang gawain sa kapwa tao kundi kung ang isang gawain ay sumasalungat sa banal na kalikasan ng Diyos.

Ang "tamang pagkakakitaan" ay katulad ng tamang paguugali ngunit partikular itong nakatuon sa paghahanapbuhay ng isang tao. Ayon sa prinsipyong ito, hindi dapat na nandadaya, nagsisinungaling o nakikilahok ang isang tao sa isang negosyo na nakakasakit o nagiging sanhi ng pangaabuso sa kapwa tao. Kasama sa alituntuning ito ang pagpatay sa hayop, pagbebenta ng karne at paggawa o pagbebenta ng mga armas. Ayon sa Bibliya, dapat na ipasakop ng isang tao ang lahat na bahagi ng kanyang buhay maging ang kanyang hanapbuhay sa pamantayang moral at etikal ng Bibliya (Awit 44:21; Roma 2:16; 2 Corinto 4:2). Inaasahan din ng Diyos na magiging nabuting katiwala tayo ng kalikasan (Levitico 19:25; 25:2–5, Habakuk 2:8, 17). Gayunman, hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang paggamit sa mga hayop (Markos 7:19; Genesis 1:28) maging ang pagkakaroon ng armas para ipagtanggol ang sarili (Lukas 22:36).

Ang mga sangkap ng tamang pagsisikap, tamang kamalayan at tamang pagninila-nilay ay kinikilala din bilang aspeto ng konsentrasyon ng Walong Marangal na Daan.

Kinakailangan sa "tamang pagsisikap" ang diwa ng pagtitiyaga at pagiingat sa paglalapat ng iba pang mga aspeto ng Walong Marangal na Daan. Ipinapahiwatig nito ang pagnanais na iwasan ang mga negatibong pagiisip at negatibong emosyon gaya ng pagkagalit. Muli, lumilikha ito ng problema dahil likas sa tao na maging tamad at makasarili. Walang iniaalok ang Budismo na kahit anong partikular na paraan upang baguhin ang isang tao na walang interes na baguhin ang kanyang sarili. Sinasabi sa Bibliya ang kahandaan at kakayahan ng Diyos na bumago ng puso ng tao kahit na lumalaban tayo sa Kanyang kalooban (2 Tesalonica 3:13; 1 Corinto 6:11).

Ang "tamang kamalayan" ay kapareho ng tamang pagsisikap ngunit mas nakatuon sa panloob na kaisipan at pilosopikal na aspeto. Hinihikayat ng Budismo ang pagkakaroon ng mataas na antas ng kamalayan sa sarili na may espesyal na atensyon sa pagtugon ng tao sa kanyang karanasan at kapaligiran. Ang uring ito ng kamalayan ay nakasentro sa pangkasalukuyan at may kakaunting pansin sa nakaraan o hinaharap. Sa Bibliya, sinasabihan din tayo na bantayan ang ating pagiisip at maging maingat kung paano nakakaapekto ang ating kapaligiran sa ating espiritwal na buhay (1 Corinto 15:33; 6:12).

Ang "tamang pagninilay-nilay" ang pinakasentrong pagsasanay ng Budismo at kinapapalooban ito ng paghinga, pagkanta at iba pang pamamaraan upang maituon ang isip sa kawalan. Ang layunin ng istilong ito ng meditasyon ay ang ganap na pagpapalaya sa isip sa lahat ng bagay maliban sa pinagtutuunan ng konsentrasyon. Ang pinakaultimong ekspresyon ng anyong ito ng meditasyon ay ang Samadhi kung kailan dumadaan ang tao sa iba't ibang antas ng pagninilay hanggang maabot ang isang estado ng kawalang malay at kawalan ng pakiramdam. Inilalarawan nito ang isa pang pagsalungat sa katuruan ng Bibliya. Pinupuri ng Bibliya ang konsepto ng meditasyon at repleksyon (Awit 1:2; 119:15) ngunit hindi nito hinihimok ang tao na "mawala sa sarili." Sa halip, ang layunin ng Kristiyanong meditasyon ay pagtutuon ng pansin sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang biblikal na meditasyon ay pagpuno sa isipan ng mga nahayag na Salita ng Diyos.

Sa pagbubuod, may ilang punto ng pagkakasundo sa pagitan ng Biblikal na Kristiyanismo at sa Walong Marangal na Daan ng Budismo. Gayunman, ang maraming pagkakaiba ay napakalaki at hindi kayang pagkasunduin. Ayon sa Walong Marangal na Daan, ang isang taong hindi kayang tulungan ang sarili na ganapin ang Walong Marangal na Daan ay simpleng hindi kayang sumunod sa Daan. Ang kanyang tanging pagpipilian ay umasa na kusang magbago ang kanyang mga pagnanasa, intensyon, at mga gawi. Ipinapaliwanag ng Bibliya na hindi maaaring pagtiwalaan ng tao ang kanyang puso upang naisin ang mabuti sa kanyang sariling kakayahan (Jeremias 17:9; Roma 3:10–12; 7:18–24), ngunit ang puso ng sinuman ay maaaring magbago sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon kay Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Walong Marangal na Daan (Noble Eightfold Path)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries