Tanong
Ano ang susi para marinig ang tinig ng Diyos?
Sagot
Karamihan sa mga tao ay gustong marinig ang tinig ng Diyos kapag sila ay nahaharap sa isang pagdedesisyon. Kung kakausapin lang sana sila ng Diyos at sasabihin sa kanila kung ano ang gagawin o kung aling direksyon ang tatahakin. Maraming tao ang mag-aangkin na narinig nila ang tinig ng Diyos, na nagsasabing, “Pinatnubayan ako ng Diyos na gawin ito,” ngunit sa katunayan ay ang sarili nilang mga kaisipan at mga hangarin ang umakay sa kanila sa isang partikular na direksyon.
Ang pangunahing paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa atin ngayon ay sa pamamagitan ng Kanyang inihayag, at nakasulat na Salita. Kapag gusto nating marinig ang tinig ng Diyos, ang Bibliya ang dapat nating tingnan. Karamihan sa kalooban ng Diyos para sa ating buhay ay nahayag na sa mga pahina nito, at hinihintay lamang ang ating pagsunod dito. Ang lahat ng Kasulatan ay kalooban ng Diyos, ngunit may ilang bahagi sa Kasulatan na partikular na gumagamit ng terminong kalooban ng Diyos, na maaaring maging kawili-wili lalo na sa isang taong gustong marinig ang tinig ng Diyos:
• 1 Tesalonica 5:18: “Magpasalamat kayo sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus”.
• 1 Tesalonica 4:3: “Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan”.
• 1 Pedro 2:12–15: “Magpasakop kayo sa bawat pamamahalang itinatag ng tao alang-alang sa Panginoon. Magpasakop kayo maging sa hari na siyang pinakamataas na pinuno. Magpasakop kayo maging sa mga gobernador na waring mga sugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng matuwid. Ito ay sapagkat ang kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga taong mangmang.”
Sinasabi din ng ibang mga talata ang tungkol sa tinig ng Diyos, kahit na hindi nila ginagamit ang pariralang kalooban ng Diyos. Ngunit, sa pagbasa pa lamang ng tatlong talata sa itaas, alam natin na ang isang Kristiyano ay dapat palaging magpasalamat sa bawat sitwasyon, umiwas sa seksuwal na imoralidad, at mamuhay ng isang huwarang buhay. Kung ang isang Kristiyano ay hindi sumusunod sa malinaw na mga utos na ito na tuwirang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng kinasihang Kasulatan, bakit siya dapat umasa na makakarinig ng higit pang impormasyon mula sa Diyos? Kung gusto mo ng karagdagang direksyon mula sa Diyos, sundin ang sinabi Niya sa iyo. Ang pusong handang makinig at sumunod ang susi para makarinig mula sa Diyos.
Ang pangunahing paraan para marinig ng isang Kristiyano ang tinig ng Diyos ay sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Kasulatan at pagkatapos ay pagsunod at paglalapat sa sinasabi ng Kasulatan. Ang mga tao ay madalas na umaasa sa “pangunguna ng Banal na Espiritu,” na binabanggit sa Roma 8:14. Sa konteksto, binabanggit ng talata ang pag-akay sa atin ng Espiritu mula sa makasalanang gawain tungo sa pagtitiwala sa ating kaugnayan sa Diyos bilang Ama. Ang Banal na Espiritu ay hindi kailanman sasalungat sa Kasulatan. Kung ang isang tao ay nag-iisip na magkaroon ng isang imoral relasyon, ang Espiritu ay hahantong lamang sa isang direksyon—tungo sa katapatan ng mag-asawa. Ang Espiritu ay magpapaalala ng isang talatang tulad ng 1 Tesalonica 4:3 para sa taong tinutukso. Kapag nangunguna ang Espiritu, hindi Siya nagbibigay ng “bagong” impormasyon gaya ng pagtatanim Niya sa ating mga puso ng katotohanang inihayag na ng Diyos sa Kasulatan at inilalapat ito sa ating sitwasyon. Kung sasabihin ng isang tao, "Sinabi sa akin ng Diyos" o "Ang Espiritu ang umakay sa akin na gawin ang ganito at ganoon," at ang pagkilos na ginawa ay salungat sa Kasulatan, makatitiyak tayong nagkakamali ang taong ito.
Maririnig din natin ang tinig ng Diyos habang nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng ibang tao. “Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay, ngunit sa dami ng mga tagapayo sila'y nagtatagumpay” (Kawikaan 15:22). Matutulungan tayo ng mahuhusay na tagapayo na makita ang isang sitwasyon nang may bagong pagtingin. Muli, ang Bibliya ay susi. Maaaring ilagay sa uri ng "mga tagapayo" ang pangangaral sa Bibliya at ang materyal na Kristiyanong makatotohanan sa Bibliya. Ang Salita ng Diyos ay ang kontrol. Kung ang isang grupo ng mga tagapayo ay nagpapayo sa isang tao na gumawa ng isang bagay na salungat sa Kasulatan, kung gayon lahat sila ay mali, anuman ang kanilang mga katibayan; subalit, kung tinutulungan ng mga tagapayo ang isang indibiduwal na maunawaan at isagawa ang Kasulatan, maaari silang makatulong. Ang mga makadiyos na tagapayo ay madalas na nakikita ang mga sitwasyon kung saan ang iba ay nabubulagan dito. Maaaring mapansin ng isang grupo ng mga tagapayo na ang taong naghahangad na marinig ang tinig ng Diyos tungkol sa isang partikular na plano ngunit ang katotohanan ay naghahanap ito ng pagsang-ayon ng kanyang personal na layunin.
Ang isa pang paraan para marinig ang tinig ng Diyos ay ang manalangin at humingi ng karunungan: “Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat” (Santiago 1:5). Kapag ang isang Kristiyano ay nahaharap sa mahihirap na kalagayan at kailangang makarinig mula sa Diyos, ang Kristiyano ay dapat humingi ng karunungan na ipinangako ng Diyos. Ang karunungan na ito sa huli ay magmumula sa Diyos, ngunit ito ay maaaring dumating sa pamamagitan ng salita ng isang kaibigan; sa pamamagitan ng sermon, artikulo, o aklat; o mula sa panloob na pahiwatig ng Banal na Espiritu. Muli, ang nakasulat na Salita ng Diyos ay ang pamantayan kung saan ang lahat ng iniisip, kilos, ideya, at damdamin ay dapat pagpasyahan.
Sa ngayon ang mga nagpapakilalang propeta at mga pagtataguyod ng “mga bagong paghahayag” mula sa Diyos, kadalasang napagkakamalan ng mga tao na tinig ng Diyos para sa kanilang sariling mga kaisipan o mga mungkahi ng ibang tao. Kung naririnig mo ang tinig ng Diyos, ang mensahe ay palaging naaayon sa Kasulatan. Dapat tayong lahat ay mag-ingat na huwag ipahayag nang mali ang Diyos. Sa halip na sabihing, “Sinabi sa akin ito ng Diyos,” ang mas mabuting paraan ay ang sabihing, “Sa palagay ko ay maaaring ito ang sinasabi ng Diyos—ano sa palagay mo”?
Madalas gustong marinig ng mga tao ang isang partikular na salita mula sa Diyos samantalang nagsalita na Siya sa pangkalahatang kahulugan. Halimbawa, maaaring pinag-iisipan ng isang tao ang pagpili kung dadalhin ba niya ang pamilya sa isang panandaliang paglalakbay sa misyon o sa isang bakasyon sa beach. Maaring ang isang tiyak na salita mula sa Diyos ay hindi kailangan. Ang talagang kailangan dito ay karunungan. Aling paglalakbay ang higit na kapaki-pakinabang sa pamilya? Aling paglalakbay ang higit na pakinabang sa kaharian ng Diyos? Makikinabang ang pamilya sa pagtatayo ng kaharian. Ang kaharian ay may benepisyo sa isang matatag na pamilya. Ang alinman sa isa ay maaaring maging isang mahusay na pagpipilian. Ang iba pang mga kadahilanan tulad ng gastos at ang kasalukuyang estado ng pamilya ay dapat isaalang-alang. (Ang mga bata ba ay makasarili at may karapatan kaya kailangan nilang makita kung paano nabubuhay ang ibang tao? Nakakaranas na ba ng matinding stress ang pamilya at kailangang lumayo at magpahinga? Maihahambing ba ang mga gastos? Kung hindi, alin ang kanilang kayang bayaran?) Kung sila pumunta sa dalampasigan, naghahanap ba sila ng mga pagkakataon na ibahagi ang kanilang pananampalataya at maging pampatibay-loob sa ibang mga mananampalataya. Kung pupunta sila sa paglalakbay sa misyon, naghahanap sila ng mga paraan upang bumuo ng mga bigkis sa isa't isa at magsaya sa kanilang sarili bilang isang pamilya. Ang parehong mga pagpipilian ay mabuti. Hindi matawag na likas na kasalanan. Sa huli, ang mag-asawa ay nagkasundo at buong pusong isinantabi ang kanilang mga sarili, nagtitiwala na, kung mali ang desisyon, kahit papaano ay ipapaliwanag sa kanila ng Diyos na dapat silang gumawa ng ibang bagay. Paano Niya ito gagawin? Malamang na hindi sa pamamagitan ng naririnig na boses kundi sa pamamagitan ng kumbinasyon ng mga pangyayari, payo mula sa ibang tao, pagsusuri sa kanilang mga priyoridad batay sa Salita ng Diyos, at kawalan ng panloob na kapayapaan mula sa Banal na Espiritu.
English
Ano ang susi para marinig ang tinig ng Diyos?