Tanong
Ano ang ‘marka ng halimaw’ (666)?
Sagot
Ang mga pangunahing talata kung saan binabanggit ang ‘marka ng halimaw’ ay ang Pahayag 13:15-18. Ang ibang mga talata ay matatagpuan din sa Pahayag 14:9, 11, 15:2, 19:20, at 20:4. Ang marka ay magsisilbing tatak para sa mga tagasunod ng antikristo at ng bulaang propeta (ang tagapagsalita ng antikristo). Ang bulaang propeta (ang pangalawang halimaw) ang siyang magtutulak sa mga tao upang magpatatak. Ang tatak ay literal na ilalagay sa kamay o sa noo at hindi lamang isang simpleng kard na dinadala ng isang tao.
Ang mga makabagong imbensyon ngayon katulad ng mga microchip o maliliit na gadget na ipinapasok sa katawan ng tao upang kumuha ng mga impormasyon na maaaring gamitin sa medisina ang lumikha ng mas masidhing interes sa marka ng halimaw na tinutukoy sa Pahayag kabanata 13. Maaaring ang mga chip na ito na ating nakikita sa teknolohiya sa panahon ngayon ay kumakatawan sa mga pasimulang estado ng mga bagay na maaaring gamitin bilang pantatak ng halimaw. Mahalagang maunawaan na ang mga chip na itinatanim sa tao sa larangan ng medisina ay hindi ang marka ng halimaw. Ang marka ng halimaw ay isang bagay na ibinibigay lamang sa mga sasamba sa antikristo. Ang pagkakaroon ng medikal na microchip o chip para sa mga pinansyal na transakyon sa kanang kamay o sa noo ay hindi marka ng halimaw. Ang marka ng halimaw ay ang pagkakakilanlan sa huling panahon ng antikristo upang makabili o makapagbenta at ito'y ibibigay lamang sa mga taong sasamba sa antikristo.
Maraming mga tagapagpaliwanag ng aklat ng Pahayag ang nagkakaiba-iba sa eksaktong kalikasan ng marka ng halimaw. Maliban sa microchip na itinatanim, kabilang sa iba pang espekulasyon ay ang ID kard, microchip at barcode na itina-tattoo sa balat, o isang simpleng marka upang makilala bilang tapat na tagasunod ng antikristo. Ang huling pananaw ang pinakahuli sa mga espekulasyon dahil hindi ito nagdagdag ng anumang impormasyon sa kung ano ang ibinigay sa atin ng Bibliya. Sa ibang salita, ang alinman sa mga pananaw na ito ay posible, gayunman, ang lahat ng mga ito ay pawang haka-haka lamang. Hindi tayo dapat magaksaya ng maraming oras sa pagpapalagay sa mga eksaktong detalye
Ang kahulugan ng 666 ay isa ding misteryo. May mga nagpapanukala na may koneksyon ito sa June 6, 2006 o 06/06/06. Gayunman sa Pahayag kabanata 13, ang bilang na 666 ay nagpapakilala sa isang tao hindi sa isang petsa sa kalendaryo. Sinasabi sa atin ng Pahayag 13:18, "Dito'y may karunungan. Ang may pagkaunawa ay bilangin ang bilang ng hayop; sapagka't siyang bilang ng isang tao: at ang kaniyang bilang ay Anim na raan at anim na pu't anim." Gayon pa man, ang numerong 666 ay magpapakilala kung sino ang antikristo. Sa loob ng maraming siglo, maraming tagapagpaliwanag ng Bibliya ang nagtangka na kilalanin ang mga indibidwal na maaaring siyang 666. Ngunit wala isa man sa kanila ang tumama. Ito ang dahilan kung bakit ayon sa Pahayag 13:18 kailangan ang talino upang makilala ang taong ito. Sa oras na mahayag ang antikristo (2 Tesalonica 2:3-4), magiging maliwanag kung sino siya at kung paanong ipinapakilala siya ng numerong 666.
English
Ano ang ‘marka ng halimaw’ (666)?