Tanong
Mas marami bang tao ang pupunta sa langit kaysa sa impiyerno?
Sagot
Ang katanungan kung mas maraming tao ang pupunta sa langit kaysa sa impiyerno ay malinaw na sinagot ng panginoong Hesus sa isang maikling pangungusap: “Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok. Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon” (Mateo 7:13-14).
Tanging ang mga naglagak lamang ng pananampalataya kay Hesus at nanampalataya sa Kanya bilang Panginoon ang binigyan ng karapatang maging mga anak ng Diyos (Juan 1:12). Ang kaloob na walang bayad na buhay na walang hanggan ay makakamtan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesus. Sinabi ni Hesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Ang kaligtasan ay hindi matatagpuan kay Muhamad, Buddha o ibang diyus diyusan na ginawa ng tao. Ang kaligtasan ay hindi para sa mga taong nagnanais ng madaling daan upang makapunta sa langit at nagpapatuloy sa masamang pamumuhay dito sa mundo. Yaon lamang mga ganap na nagtitiwala sa Kanya bilang Tagapagligtas ang ililigtas ni Kristo (Gawa 4:12).
Kaya, ano ang dalawang “pintuan” na tinutukoy sa Mateo 7:13-14? Ang mga ito ay ang pintuan sa dalawang magkaibang “daan.” Ang maluwang na pintuan ay patungo sa maluwang na daan. Ang makipot na daan naman ay patungo sa makipot na daan. Ang makipot na daan ang dinadaanan ng mga mananampalataya, at ang maluwang na daan ang dinadaanan ng mga hindi mananampalataya. Ang maluwang na daan ang madaling daan. Ito ay kaakit akit at nagaalok ng pansariling kasiyahan. Ito ay nagbibigay ng pahintulot sa lahat ng maibigan ng tao. Ito ang daan ng sanlibutan, na may kakaunting batas, kaunting bawal at kaunting kundisyon. Ipinapahintulot dito ang pamumuhay sa kasalanan at hindi pinagaaralan ang Salita ng Diyos at hindi sinusunod ang Kanyang pamantayan. Hindi dito nangangailangan ng espiritwal na buhay, walang moralidad, walang pagtatalaga at walang pagsasakripisyo. Ito ang madaling daan na inyong “nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanglibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway” (Efeso 2:2). Ito ang maluwang na daan na “tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan” (Kawikaan 14:12).
Ang mga mangangaral ng Ebanghelyo na nagtuturo na ang “lahat ng daan ay patungo sa langit” ay nangangaral ng ibang Ebanghelyo na salungat sa Ebanghelyong ipinangaral ni Kristo. Ang pintuan ng pagkamakasarili, pagkalulong sa sariling kasiyahan at pagtingin sa sarili na mas banal kaysa iba ay ang maluwang na daan na nagdadala sa tao sa impiyerno. Maraming tao ang ginugugol ang buhay sa pagsunod sa marami na tumatahak sa maluwang na daan at ginagawa at pinaniniwalaan ang pinaniniwalaan ng nakararami.
Ang makipot na daan ang mahirap na daan, ang daan na maraming kundisyon. Ito ang daan ng pagkilala na hindi mo maaaring iligtas ang iyong sarili at kailangan mong magtiwala kay Hesu Kristo na Siya lamang ang makapagliligtas sa iyo. Ito ang daan ng pagtanggi sa sarili at pagpasan sa iyong krus. Ang katotohanan na kakaunti lamang ang nakakatagpo ng daan ng Diyos ang nagpapahiwatig na kailangan itong hanapin ng buong katiyagaan. “At inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso” (Jeremias 29:13). Ang punto nito ay walang sinumang makakatagpo sa kaharian ng Diyos ng aksidente lamang. May nagtanong kay Hesus, “Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas? At sinabi niya sa kanila, “Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari” (Lukas 13:23-24).
Marami ang magsisikap na pumasok sa makipot na pintuan, ang daan patungo sa kaligtasan, ngunit hindi makakapasok doon. Hindi nila kayang magtiwala kay Kristo lamang. Hindi nila kayang magsuko ng kanilang sarili. Napakahirap para sa kanila na isuko ang sanlibutan. Ang daan ni Kristo ay ang daan ng krus at ang daan ng krus ay ang pagtanggi sa sarili. Sinabi ni Hesus, “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa araw araw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa't sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon” (Lukas 9:23-24).
Alam ni Hesus na higit na marami ang pipili sa maluwang na pintuan at maluwang na daan na patungo pagkawasak at impiyerno. Dahil dito, sinabi Niya na kaunti lamang ang papasok sa makipot na pintuan. Ayon sa Mateo 7:13-14 walang duda na higit na marami ang pupunta sa impiyerno kaysa sa langit sa panahong ito. Ang tanong para sa iyo ay, anong daan ang iyong tinatahak ngayon?
English
Mas marami bang tao ang pupunta sa langit kaysa sa impiyerno?