Tanong
Ano ang paraan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo gamit ang Masamang Balita / Magandang Balita?
Sagot
Maraming bagay sa ating buhay ang may kaakibat na magandang balita at masamang balita. Ang buong katotohanan ay pangkalahatang nagtataglay ng pareho. Ang pagbibigay-diin sa isang aspeto ng hindi pinapansin ang isa pang aspeto ay hindi buong katotohanan. Totoo rin ito sa Ebanghelyo ni Jesu Cristo.
Sa espiritwal na aspeto, ang masamang balita ay nagkasala tayong lahat at karapatdapat tayo sa impiyerno dahil sa ating mga kasalanan laban sa isang Banal na Diyos (Roma 3:23; 6:23). Hinadlangan tayo ng ating mga kasalanan sa Kanyang presensya at sa buhay na walang hanggan (Juan 3:15–20). Walang sinuman ang makalalapit sa kanyang sariling paraan sa presensya ng Diyos dahil “walang sinuman ang matuwid” (Roma 3:10). Ang ating pinakamagaling na pagsisikap bilang tao para bigyang kasiyahan ang Diyos “gaya sa maruming basahan” sa Kanyang harapan (Isaias 64:6). May ilang mga mangangaral sa kalsada at ebanghelista ang itinutuon ang mensahe sa aspetong ito tungkol sa katotohanan ng Diyos na maituturing na isang paraan ng pangangaral ng “masamang balita.”
Ang Mabuting Balita ay iniibig tayo ng Diyos (Juan 3:15–18). Nagnanais siya ng isang relasyon sa taong Kanyang nilikha at ipinahiwatig Niya ito sa atin sa maraming paraan gaya ng kalikasan (Roma 1:20), ng Bibliya (2 Timoteo 3:16), at ng pagdating ni Jesus sa anyong tao upang mabuhay na kasama ng tao (Juan 1:14). Tunay na iniibig tayo ng Diyos. Ninanais Niya na pagpalain tayo. Nais Niya na magkaroon ng relasyon sa atin at nais Niyang ituro sa atin ang Kanyang mga pamamaraan upang magampanan natin ang papel na ipinagkaloob Niya sa atin bilang Kanyang mga nilikha (Roma 8:29). Ang mga nagtuturo na binibigyang diin lamang ang mabuting balita ay iniiwan ang isang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos na pagliligtas na kinapapalooban ng pagsisisi (Mateo 3:2; Marcos 6:12) at pagpapasan ng ating mga krus sa pagsunod kay Jesus (Lucas 9:23).
Hangga’t hindi natin nauunawaan ang masamang balita, hindi natin tunay na mauunawaan ang mabuting balita. Hindi mo maiintindihan ang ginawa ng isang estranghero na biglang pumasok sa iyong bahay at humila sa iyo palabas, hangga’t hindi mo nalalaman na ang iyong bahay ay nasusunog na pala! Hangga’t hindi natin nauunawaan na tayo ay papunta sa impiyerno dahil sa ating mga kasalanan, hindi natin mauunawaan ang lahat ng mga ginawa ni Jesus para sa atin doon sa krus (2 Corinto 5:21). Kung hindi natin nauunawaan ang ating kawalan ng pag-asa, hindi natin kikilalanin ang dakilang pag-asa na iniaalok ni Jesus (Hebreo 6:19). Hangga’t hindi natin kinikilala na tayo ay makasalanan, hindi natin pahahalagahan ang ating Tagapagligtas.
Ang pinakamagandang paraan sa pagpapahayag ng Ebanghelyo ay iprisinta ang tinatawag ni Apostol Pablo na “buong layunin ng Diyos” (Gawa 20:27). Ang buong layunin ng Diyos ay kinapapalooban ng masamang balita tungkol sa ating likas na kalagayan bilang makasalanan at ng mabuting balita tungkol sa planong pagtubos sa atin ng Diyos. Hindi kailanman inalis ni Jesus ang parehong aspeto ng magdala Siya “sa lupa ng kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” (Lucas 2:14). Ang Kanyang kapayapaan ay maaaring makamtan ng lahat na magsisisi sa kanilang kasalanan matapos marinig ang “masamang balita” at buong galak na tumanggap sa “mabuting balita” na Siya ang panginoon ng lahat (Roma 10:8–9).
English
Ano ang paraan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo gamit ang Masamang Balita / Magandang Balita?