settings icon
share icon
Tanong

Bakit pinadalhan ng Diyos si Haring Saul ng masamang espiritu upang pahirapan?

Sagot


“Samantala, ang Espiritu ni Yahweh ay umalis na kay Saul at sa pahintulot ni Yahweh, isang masamang espiritu naman ang nagpahirap kay Saul” (1 Samuel 16:14). Binanggit din ang tungkol dito sa 1 Samuel 16:15-16, 23; 18:10, at 19:9. Ipinadala ng Diyos ang isang “masamang espiritu” upang pahirapan si Saul. Tahasang sinuway ni Saul ang Diyos sa dalawang okasyon (1 Samuel 13:1-14; 15:1-35). Kaya’t inalis ng Diyos ang Kanyang Espiritu mula kay Saul at hinayaan siya na pahirapan ng masamang espiritu. Malamang na laging nagnanais si Satanas at ang mga demonyo na na atakehin si Saul, at ngayon ay hinayaan na sila ng Diyos na gawin ito.

Dadalhin tayo nito sa isang katanungang may kaugnayan sa nangyari kay Saul – pinadadalhan ba ng Diyos ang mga tao ngayon ng masamang espiritu upang pahirapan sila? May mga halimbawa ng mga indibidwal sa Bagong Tipan na ibinigay ng DIyos kay Satanas para sa kaparusahan. Hinayaan ng Diyos si Ananias at Safira na mapuno ng espiritu ng kasinungalingan para sa kaparusahan bilang babala at halimbawa sa unang Iglesya (Gawa 5:1-11). May isang lalaki sa Iglesya sa Corinto na nagkakasala ng pangangalunya at iniutos ng Diyos sa mga lider ng Iglesya sa pamamagitan ni Pablo na “ibigay siya kay Satanas” upang puksain ang kanyang makasalanang katawan at ng maligtas ang kanyang kaluluwa (1 Corinto 5:1-5). Dinala ng Espiritu si Hesus sa ilang upang tuksuhin at subukin ng Diyablo (Mateo 4:1-11). Hinayaan din ng Diyos ang isang mensahero ni Satanas na pahirapan si Apostol Pablo upang turuan siyang magtiwala sa Kanyang biyaya at huwag magmayabang dahil sa karamihan ng espiritwal na katotohanan na ibinigay sa kanya ng Diyos (2 Corinto 12:7).

Kung hahayaan ng Diyos na pahirapan ng masamang espiritu ang mga tao ngayon, ginagawa Niya ito para sa Kanyang kaluwalhatian at sa ating ikabubuti (Roma 8:28). Bagamat masama ang mga demonyo, nasa ilalim sila ng kapamahalaan ng Diyos. Gaya ng nangyari kay Job, ang tanging ginagawa ni Satanas at ng kanyang mga kampon ay ang mga bagay na ipinahintulot lamang sa kanila ng Diyos (Job 1:12; 2:6). Hindi sila gumagawa ng anumang bagay ng hiwalay sa Diyos at sa Kanyang perpektong layunin at kalooban. Kung naghihinala ang isang mananampalataya na pinahihirapan siya ng pwersa ng kasamaan, ang unang dapat gawin ay magsisi sa anumang kasalanan na kanyang nalalaman. Pagkatapos ay humingi siya ng karunungan kung ano ang kanyang matututunan sa sitwasyon. Sa huli dapat tayong magpasakop sa anumang sitwasyon na pinahintulutan ng Diyos na mangyari sa ating buhay na nagtitiwala na ang resulta niyon ay pagpapatatag ng ating pananampalataya at pagbibigay luwalhati sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit pinadalhan ng Diyos si Haring Saul ng masamang espiritu upang pahirapan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries