Tanong
Ano ang ibig sabihin ng panalangin na, 'masunod ang Iyong kalooban'?
Sagot
Ang “masunod ang Iyong kalooban” ay isa sa mga kahilingan sa Panalangin ng Panginoon. Sa isang bahagi, itinuro ni Hesus sa Kanyang mga alagad na manalangin ng ganito, “Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang Iyong pangalan. Dumating nawa ang Iyong kaharian. Masunod nawa ang Iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit” (Mateo 6:9-10). Si Jesus mismo ay nagsumamo na mangyari ang kalooban ng Diyos sa Halamanan ng Getsemani. Bago ang Kanyang pagkakapako sa krus, nanalangin Siya, “Ama ko, kung maaari po, ilayo Ninyo sa Akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Ninyo ang mangyari” (Mateo 26:39). Nakatuon si Jesus na makitang natupad ang kalooban ng Diyos, at ang panalanging “masunod ang Iyong kalooban” ay isang tema ng Kanyang buhay.
Sa pinakasimpleng paraan, ang manalangin na “masunod ang Iyong kalooban,” ay hilingin sa Diyos na gawin Niya ang Kanyang nais. Siyempre, nananalangin tayo sa Diyos na nagsabing, “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon nga ng liwanag (Genesis 1:3), kaya alam natin na ang Kanyang pasya ayon sa Kaniyang walang hanggang kapamahalaan ay matutupad ipagdasal man natin ito o hindi. Ngunit may isa pang aspeto ng kalooban ng Diyos na tinatawag nating Kanyang "ipinahayag" na kalooban. Ito ang “kalooban” ng Diyos na ipinahayag Niya sa atin ngunit hindi Niya tayo pinipilit. Halimbawa, kalooban ng Diyos na sabihin natin ang katotohanan ng may pag-ibig (Efeso 4:15) at hindi dapat mangalunya (1 Corinto 6:18) o huwag maglasing (Efeso 5:18). Kapag nananalangin tayo na “masunod ang Iyong kalooban,” hinihiling natin sa Diyos na dagdagan ang katuwiran sa mundo, upang mas maraming tao ang lumapit para magsisi, at palaganapin ang kaharian ng Kanyang Anak.
Kapag nananalangin tayo na, “masunod ang iyong kalooban,” kinikilala natin ang karapatan ng Diyos na mamahala. Hindi tayo nananalangin na, “masunod ang aking kalooban;” sa hallip nananalangin tayo, “masunod ang Iyong kalooban.” Ang paghiling na mangyari ang kalooban ng Diyos ay isang pagpapakita ng ating pagtitiwala na alam Niya kung ano ang pinakamabuti. Ito ay isang pahayag ng pagpapasakop sa mga paraan ng Diyos at sa Kanyang mga plano. Hinihiling natin na ang ating kalooban ay umayon sa Kanya.
Ang Panalangin ng Panginoon ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagkilala natin sa Diyos bilang Ama sa langit. Pagkatapos, si Jesus ay nagpakita ng modelo ng paghiling na nagpakita ng tatlong pakiusap sa Ama: 1) Na gawing banal ng Diyos ang Kanyang pangalan; sa madaling salita, gaya ng sinabi ng isang manunulat, na ang Diyos ay kikilos sa paraang nagpapakita ng Kanyang kabanalan at kaluwalhatian (The Prayer That Turns the World Upside Down: The Lord’s Prayer as a Manifesto for Revolution, p. 61). 2) Na dadalhin ng Diyos ang Kanyang kaharian sa lupa; ibig sabihin an,g pangangaral ng ebanghelyo ay magpapabago sa mga makasalanan para maging mga banal na lumalakad sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu at aalisin ng Diyos ang mundo ng kasamaan at lilikha ng bagong langit at bagong lupa kung saan ang Diyos ay titira kasama ng Kanyang mga anak at doon ay wala nang sumpa at wala nang kamatayan (tingnan ang Pahayag 21–22). 3) Na ang kalooban ng Diyos ay gagawin “sa lupa gaya ng sa langit” (Mateo 6:10). Sa langit, ginagawa ng mga anghel ang kalooban ng Diyos, ng may kagalakan, at agad-agad—napakaganda ng mundong ito kung ang mga tao ay kumilos nang gayon!
Bilang paglilinaw, ang panalangin na "masunod ang iyong kalooban" ay hindi isang walang aksyong panalangin ng pagpapabaya. Ang panalangin ni Jesus sa Getsemani ay hindi basta-basta o pagwawalang bahala; Inihayag Niya ang laman ng Kanyang puso sa harap ng Ama at inihayag ang Kanyang pinakananais na “masunod ang kalooban ng Diyos.” Ang panalangin na, “masunod ang iyong kalooban,” ay kumikilala na ang Diyos ay higit ang kaalaman kaysa sa atin at tayo ay nagtitiwala na ang Kanyang paraan ang pinakamabuti. Ito ay isang pangako na aktibong magtatrabaho upang isulong ang katuparan ng kalooban ng Diyos.
Sinasabi sa Roma 12:1–2, “Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.” Ang pag-unawa kung sino ang Diyos ay pagsuko ng ating sarili sa Kanya at pagpapaubaya sa Kanya na baguhin tayo. Kapag mas kilala natin ang Diyos, mas madaling maaayon ang ating mga panalangin sa Kanyang kalooban at maaari tayong tunay na manalangin na "masunod ang iyong kalooban.” Makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at “hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban at dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo” (1 Juan 5:14–15).
Sa pamamagitan ng pananampalataya, alam natin na ang pananalangin na “masunod ang iyong kalooban” ang pinakamabuting bagay na maaari nating hilingin. “Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen” (Efeso 3:20–21).
English
Ano ang ibig sabihin ng panalangin na, 'masunod ang Iyong kalooban'?