settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahalagahan ng “matataas na dako” sa Bibliya?

Sagot


Ang matataas na dako ay simpleng mga lugar ng pagsamba na nasa mataas na lugar o mataas na altar sa mababang lugar gaya ng kapatagan. Ang matataas na dako ay orihinal na nakatalaga para sa pagsamba sa mga diyus diyusan (Bilang 33:52; Levitico 26:30) lalo na para sa mga diyus diyusan ng mga Moabita (Isaias 16:12). Ang mga altar na ito ay laging may sunugan ng handog at mga sagradong bagay gaya ng haliging bato o poste na may iba’t ibang hugis na may koneksyon sa diyus diyusang sinasamba (halimbawa: hayop, konstelasyon ng mga bituin, mga diyosa at mga diyus diyusan ng kasaganaan).

Ang mga Israelita na laging tumatalikod sa Diyos ay sumamba kay Moloc at nagtayo ng mga altar sa matataas na dako para kay Baal (Jeremias 32:35). Bagamat itinayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem, nagtayo din siya ng altar sa matataas na lugar para sa pagsamba sa mga diyus diyusan ng kanyang mga asawang taga ibang bansa. Ang mga matataas na dakong ito ay nasa labas ng Jerusalem at sumamba siyang kasama ng kanyang mga asawa na siyang naging dahilan ng pagkahati ng kanyang kaharian (1 Hari 11:11). Naghahandog na noon ang mga Israelita sa mga diyus diyusan ng mga pagano sa matataas na dakong ito bago itinayo ang templo, at nakigaya sa kanila si Solomon. Pagkatapos na magpakita sa kanya ang Panginoon sa isang panaginip sa Gabaon, nagbalik ang hari sa Jerusalem at naghandog ng mga handog na susunugin; gayunman, nagpatuloy siya sa pagsamba sa mga diyus diyusan sa matataas na dako.

Hindi lahat ng matataas na dako ay nakatalaga para sa pagsamba sa mga diyus diyusan. Malaki ang kanilang ginampanan sa pagsamba ng mga Israelita at ang pinakaunang banggit sa Bibliya tungkol sa isang lugar ng pagsamba ay tinawag kalaunan na isang “mataas na dako.” Ito ay matatagpuan sa Genesis 12:6-8 kung saan itinayo ni Abraham ang isang altar para sa Panginoon sa lugar ng Siquem at Hebron. Nagtayo din si Abraham ng isang altar sa rehiyon ng Moria at humandang ihandog ang kanyang anak na si Isaac doon (Genesis 22:1-2). Ang lugar na ito ay tradisyonal na pinaniniwalaang ang mataas na lugar kung saan itinayo ang templo ng Jerusalem. Nagtayo din si Jacob ng isang haliging bato para sa Panginoon sa lugar ng Betel (Genesis 28:18-19), samantalang kinatagpo naman ng Diyos si Moises sa Bundok ng Sinai (Exodo19:1-3).

Nagtayo si Josue ng haliging bato pagkatapos nilang tumawid sa ilog Jordan (Josue 4:20) at itinuring ito na isang mataas na dako dahil umakyat ang mga Israelita mula sa Jordan patungo sa isang mataas na lugar. Regular na binibisita ni Propeta Samuel ang matataas na dako (1 Samuel 7:16). Ang matataas na dako bilang mga lugar ng pagsamba ng mga Cananeo (Hukom 3:19) ay nagpatuloy hanggang sa panahon ni Propeta Elias (1 Hari 18:16-40). Pinangalanan lamang ng Diyos ang isang mataaas na dako kung saan Niya ipinahintulot ang paghahandog sa Kanya at ito ay ang templo sa Jerusalem (2 Cronica 3:1). Iniutos ng Diyos na wasakin ang iba pang matataas na dako. Giniba ang mga ito ni Haring Josias sa Aklat ng 2 Hari 22-23.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahalagahan ng “matataas na dako” sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries