Tanong
Ano ang kahalagahan ng matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem?
Sagot
Ang pagpunta ni Hesus sa Jerusalem sa araw ng linggo ng Paskuwa, ang linggo bago ang pagkapako sa Kanya sa krus, ang tinatawag na matagumpay na pagpasok sa Jerusalem (Juan 12:1, 12). Isa ang matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem sa mga pangyayari sa buhay ni Hesus na naisulat sa apat na Ebanghelyo (Mateo 21:1-17; Marcos 11:1-11; Lukas 19:29-40; Juan 12:12-19). Dahil naisulat ito sa apat na Ebanghelyo, malinaw na ipinapahiwatig sa atin na mahalaga ang pangyayaring ito hindi lamang para sa mga mananampalataya noong panahon ni Hesus, kundi maging sa lahat ng Kristiyano sa buong kasaysayan. Nagdiriwang tayo ng Paskuwa upang gunitain ang makasaysayang pangyayaring ito.
Nang araw na iyon, sumakay si Hesus sa isang hiniram na batang asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Inilatag ng mga disipulo ang kanilang mga balabal sa likod ng asno kung saan sasakay si Hesus at lumabas ang maraming tao upang salubungin Siya habang inilatag nila sa Kanyang daraanan ang kanilang mga balabal at mga pinutol na sanga ng palma. Nagsigawan at nagpuri ang mga tao sa Kanya na nagsasabi ng, “Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon” habang papunta Siya sa templo, kung saan Siya nagturo, nagpagaling, at nagpalayas ng mga nagsisipagpalit ng salapi na ginawang “yungib ng tulisan” ang templo (Marcos 11:17).
Layunin ni Hesus na ipaalam sa publiko na Siya ang Mesiyas at ang Hari ng Israel bilang katuparan ng propesiya sa Matandang Tipan, ang dahilan ng Kanyang pagpasok sa Israel sakay ng isang asno. Sinabi ni Mateo na ang Hari na dumarating sakay ng isang bisiro ng asno, ang katuparan ng Zacarias 9:9, “Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka, Oh anak na babae ng Jerusalem: narito, ang iyong hari ay naparirito sa iyo; siya'y ganap at may pagliligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae.” Pumasok si Hesus sa bayan na tulad sa isang matagumpay na Hari at tinatawag ng mga tao na ganoon nga ng araw na iyon. Bukas ang mga kalsada ng Jerusalem, ang bayan para sa Kanya, at tulad ng isang hari, pumasok Siya sa Kanyang kaharian, hindi kaharian na panandalian lamang kundi espiritwal na kaharian. Tinanggap Niya ang pagsamba at papuri sapagkat Siya lamang ang nararapat para dito. Hindi na Niya sinasabi sa Kanyang mga disipulo na ilihim ang patungkol sa Kanya (Mateo 12:16, 16:20), kundi sumigaw sila ng mga papuri at pagsamba ng hayagan. Isang pagpapakita ng paggalang sa Kataas-taasan (makikita sa 2 Hari 9:13) ang paglalatag ng balabal sa daraanan. Hayagang ipinakita ni Hesus sa mga tao na Siya ang kanilang Hari at ang Mesiyas na kanilang hinihintay.
Sa kasamaang palad nagpupuri sila, hindi dahil kinikilala nila si Hesus bilang kanilang Tagapagligtas mula sa kasalanan. Malugod nilang tinanggap si Hesus sa paghahangad nila ng isang Tagapagligtas na mamumuno sa kanila sa pag-aaklas laban sa bansang Roma. Kahit na marami pa rin ang hindi naniniwala kay Kristo bilang Tagapagligtas, marami pa rin ang umasa na maaari Siyang maging isang panlupang Tagapagligtas. Sila ang mga tumawag sa Kanya ng “Hari” kasabay ng marami nilang “Hosana,” at kumilala sa Kanya bilang Anak ni David na naparito sa ngalan ng Panginoon. Ngunit ng mabigo ang kanilang inaasahan, nang tumanggi Siya na pangunahan ang malaking paghihimagsik laban sa mga Romano, agad nilang tinalikuran si Hesus. Sa loob lamang ng ilang araw, mapapalitan ang kanilang mga “Hosana” ng mga sigaw na “Ipako Siya!” (Lukas 23:20-21). Sa maikling panahon, silang mga pumuri sa Kanya na parang isang bayani ang magtatakwil at mang-iiwan sa Kanya sa huli.
Isang pagkakasalungatan ang pangyayaring ito, at naglalaman ng aral na magagamit ng mga mananampalataya. Ito ang kuwento ng isang Hari na naparito bilang isang mapagpakumbabang lingkod na nakasakay sa isang asno, hindi sa isang kabayo, hindi nakasuot ng mamahaling balabal kundi ng damit ng isang aba at hamak. Dumating si Hesus hindi upang manakop gamit ang lakas tulad ng mga hari sa lupa, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig, biyaya, habag, at ng Sarili Niyang alay para sa mga tao. Hindi kaharian ng mga hukbo at karangyaan ang sa Kanya, kundi kababaan at paglilingkod. Puso at isip ang Kanyang sinasakop, hindi mga bansa. Kapayapaang mula sa Diyos ang Kanyang mensahe at hindi pansamantalang kapayapaan lamang. Kung si Hesus ay matagumpay na pumasok sa ating mga puso, naghahari Siya rito sa kapayapaan at pag-ibig. Bilang Kanyang mga tagasunod, ipinapakita natin ang ganitong mga katangian at makikilala ng mundo ang tunay na Hari na nananahan at matagumpay na naghahari sa atin.
English
Ano ang kahalagahan ng matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem?