settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba na makipagkaibigan ang isang lalaki o babaeng may asawa sa isang lalaki o babae na walang asawa?

Sagot


Hindi ipinagbabawal sa Bibliya ang malapit na pakikipagkaibigan ng isang lalaki o babaeng may asawa sa isang lalaki o babae na walang asawa. Gayunman, bilang mga Kristiyano, may mga prinsipyo sa Bibliya na dapat nating isaalang-alang patungkol sa bagay na ito. Ang mga may asawa na ay dapat na magingat sa kanilang pakikipagkaibigan sa mga walang asawa dahil maaari silang matukso lalo na kung may problema sila sa kanilang relasyon sa kanilang asawa. Kung ang matalik na kaibigan ng isang lalaking may asawa ay isang babae, malamang na maibahagi niya rito ang kanyang problema sa kanyang asawa na maaaring magbunga sa hindi malusog na koneksyon sa emosyon. Totoo rin ito sa isang babaeng may asawa na may matalik na kaibigang lalaki na hindi niya asawa.

Marami sa mga may asawa na nagkaroon ng ibang karelasyon ay hindi sinadyang magkaroon ng romantikong relasyon sa ibang tao na hindi nila asawa. Maraming tao ang nagsasabi na hindi nila iyon ninais na mangyari: "Bigla na lang iyong nangyari." Ngunit ang bagay na iyon ay nangyayari kung naglalaro tayo ng apoy at inilalagay ang ating sarili sa mga sitwasyon na mahirap kontrolin. Kung nararamdaman natin na hindi napupunan ng ating asawa ang ating mga pangangailangan, madali tayong nahuhulog sa 'pag-ibig' sa isang tao na nagbibigay ng atensyon sa ating mga pangangailangan. Kung nadarama natin na hindi tayo napapansin o hindi napapahalagahan ang ating mga ginagawa ng ating asawa, dapat nating sabihin ang damdaming ito sa ating asawa at umiwas sa panganib na dala ng paghahanap ng kasiyahan sa iba.

Kahit na ang isang relasyon ay nakatatag sa pundasyong Kristiyano at kakaunti lamang ang problema hindi pa rin ligtas sa mga tukso ng pagkakaroon ng relasyon sa iba. Ito ang dahilan kung bakit sinabi sa Bibliya na hindi tayo dapat na manatili sa gitna ng sekwal na pagtukso at subuking labanan ang mga tukso. Sa halip tinuturuan tayo na tumakas sa mga tukso ng laman (2 Timoteo 2:22). Ang paglaban sa tukso ay tila napakahirap kung ang nasasangkot ay ang ating puso o pita ng laman. Sinasabi sa atin sa 1 Corinto 6:19 na dapat tayong lumayo mula sa mga kasalanang sekswal dahil mas madali ang tumakbo kaysa manatili at tangkaing labanan ito.

Ang mga lalaki at babaeng may asawa ay dapat na umiwas sa mga sitwasyon na makokompromiso ang kanilang sarili sa isang lalaki o babae may asawa man o wala. Kung makikita silang magkasama sa publiko, pagmumulan ito ng pangit na impresyon. Kung magkasama sila sa isang lugar na silang dalawa lamang, maaari silang mahulog sa tukso ng emosyonal o sekswal na ugnayan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na gawin ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos (1 Corinto 10:31), kaya nga ang pinakamainam na gawin ay makipagkita sa isang lalaki o babae na kasama ang asawa sa halip na makipagkita sa isang babae o lalaki ng nagiisa upang maiwasan ang mga kumplikasyon na dulot ng malapit na pakikipagkaibigan sa isang babae o lalaki na hindi mo asawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba na makipagkaibigan ang isang lalaki o babaeng may asawa sa isang lalaki o babae na walang asawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries