Tanong
Paano ko mauunawaan ang Aklat ng Pahayag?
Sagot
Ang susi sa pagunawa ng Bibliya, lalo na sa aklat ng Pahayag ay ang pagkakaroon ng hindi pabagu-bagong hermeneutics. Ang Hermeneutics ay ang pagaaral sa mga prinsipyo ng pag-unawa ng Bibliya. Sa madaling salita, ito ay ang tamang pagpapaliwanag sa mga Kasulatan. Ang isang normal na hermeneutics o normal na interpretasyon ng Kasulatan ay nangangahulugan na kung ang may akda ng isang talata o kabanata ay hindi gumagamit ng mabulaklak na pananalita o figurative language, kailangang unawain ang talatang iyon sa normal na paraan. Hindi tayo dapat maghanap ng ibang kahulugan kung ang mga salita o parirala ay normal na mauunawaan ang kahulugan. Gayundin naman, hindi natin dapat na gawing espiritwal ang isang bahagi ng kasulatan sa pamamagitan ng paglalagay ng kahulugan sa mga salita o parirala kung malinaw na nais ng sumulat, sa gabay ng Espirtu Santo, na unawain ang kanyang sinabi sa literal na kaparaanan.
Ang isang halimbawa ay ang pagpapakahulugan sa Pahayag 20. Marami ang nagbibigay ng iba't ibang pakahulugan sa isang libong taon na binabanggit sa kabanatang ito ng Pahayag. Ngunit ang salitang ginamit para sa salitang isanlibong taon ay hindi nagpapahiwatig ng ano pa mang ibang kahulugan maliban sa literal na kahulugan ng panahong tinukoy sa talata - ang isanlibong taon.
Ang isang simpleng balangkas ng Aklat ng Pahayag ay matatagpuan sa Pahayag 1:19. Sa unang kabanata, ang nabuhay na maluwalhating Kristo ay nangusap kay Juan. Sinabihan ni Hesus si Juan na "Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating." Ang mga bagay na nakita na ni Juan ay kanyang itinala sa unang kabanata. Ang mga bagay sa kasalukuyan (sa panahon ni Juan) ay itinala sa kabanata 2-3 (Mga sulat sa Iglesya). Ang mga bagay naman na darating (mga mangyayari sa hinaharap ay itinala ni Juan sa Kabanata 4-22.
Sa pangkalahatan, ang kabanata 4-18 ng Pahayag ay tumutukoy sa paghatol ng Diyos sa mga tao sa mundo. Ang mga hatol na ito ay hindi para sa iglesya (1 Tesalonica 5:2, 9). Bago magsimula ang paghatol, ang iglesya ay aalisin sa mundo sa isang pangyayari na tinatawag na rapture o pagdagit sa mga mananampalataya (1 Tesalonica 4:13-18; 1 Corinto 15:51-52). Ang mga kabanata 4-18 naman ay naglalarawan sa panahon ng ‘kahirapan ni Jacob’ o ‘paghihirap ng Israel’ (Jeremias 30:7; Daniel 9:12, 12:1). Ito rin ay panahon kung kailan hahatulan ng Diyos ang mga hindi mananampalataya dahil sa kanilang paglaban sa Kanya.
Ang kabanata 19 ay naglalarawan sa pagbabalik ni Kristo kasama ang iglesya, ang kasintahan ni Kristo. Tatalunin Niya ang halimaw at ang bulaang propeta at itatapon sa lawang apoy ng nagliliyab na asupre. Sa kabanata 20, igagapos ni Kristo si Satanas at itatapon sa balong walang hangganan ang lalim. Pagkatapos, itatatag ni Hesus ang Kanyang kaharian sa lupa at Siya'y maghahari sa loob ng isanlibong taon. Pagkatapos ng isanlibong taon, pakakawalan si Satanas at pangungunahan niya ang mga natirang hindi sumampalataya kay Kristo sa isang pagaalsa laban sa Diyos. Ngunit tatalunin siya sa isang iglap at itatapon din kasama ang kanyang mga demonyo sa lawa ng apoy, Pagkatapos, magaganap ang huling paghuhukom, ang paghatol sa mga hindi mananampalataya, at sila rin naman ay itatapon sa lawang apoy at parurusahan doon magpakailanman.
Ang kabanata 21 at 22 ay naglalarawan sa walang hanggang kalagayan ng mga mananampalataya. Sa mga kabanatang ito, sinasabi sa atin ng Diyos kung ano ang mangyayari sa atin sa walang hanggan. Kayang maunawaan ang aklat ng Pahayag. Hindi ito ibibigay sa atin ng Diyos kung ang lahat dito ay misteryo sa kabuuan. Ang susi sa pagunawa sa Aklat ng Pahayag ay ang unawain ito sa literal na paraan habang possible. "Sinasabi nito kung ano ang kanyang kahulugan at ipinapaliwanag nito ang kanyang sinasabi."
English
Ano ang pitong tatak, ang pitong trumpeta at pitong mangkok sa aklat ng Pahayag?