settings icon
share icon
Tanong

May pakialam ba ang Diyos sa maliliit na bagay na nangyayari sa atin?

Sagot


Oo naman, Ang Diyos ay may pakialam sa lahat ng maliliit na bagay sa ating buhay, dahil ang lahat ng bagay ay "maliit" lamang kumpara sa Diyos! Sinasabi sa Lucas 12:7 na, "Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya." Iniingatan ng Diyos ang bawat hibla ng ating buhok sa lahat ng oras--Siya ay Diyos ng mga detalye!

Sa lahat ng bahagi ng Kasulatan ay makikita nating interesado ang Diyos hindi lang sa mga mahahalagang bahagi ng ating buhay. Siya ay may pakialam sa lahat ng aspeto ng ating pagkatao dahil tayo ay kanyang nilalang ayon sa kanyang wangis (tingnan ang Genesis 1:27). May pakialam siya sa lahat ng kanyang nilikha, kabilang ang mga halaman, mga hayop, at kapaligiran. Sinasabi sa Mateo 6:26 na, "Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon?" Kung tinutugunan nga ng Diyos ang pangangailangan ng mga ibon na hindi naman nilikha ayon sa kanyang wangis na wala namang kakayahang magpasya upang piliin o tanggihan Siya, gaano pa kaya ang pagpapahalaga Niya sa atin at sa ating lahat ng kailangan? Makakaasa tayo sa Diyos dahil mahalaga tayo sa Kanya: "Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya" (Mateo 6:8).

Sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus dito sa lupa, makikita natin na Siya ay interesado sa bawat bahagi ng buhay ng tao. Higit na interesado Siya sa katangian kaysa sa dami. Si Jesus ay isinugo upang iligtas ang naligaw at upang pagdugtungin ang puwang sa pagitan ng tao at ng Diyos na sanhi ng kasalanan. Ngunit kahit na ganun ay nagbibigay pa rin Siya ng panahon upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga taong nakakasalamuha Niya. Sa Mateo 14:18-21 ay makikita natin ang malinaw na larawan ng pagkahabag ni Jesus sa mga taong nagugutom. Kahit kulang o kaunti ang pagkain para sa napakaraming tao ay makikita pa rin natin sa Kanya ang pagnanasang ipagkaloob ang pagkain mula sa langit para sa mahigit 5000 kalalakihan, kababaihan, at kabataan.

Ang mga bata ay "maliliit" din at maaari nating isipin na sila ay sagabal sa higit na mahalagang bagay. Sa katunayan nga, nang minsang magdala ng maliliit na bata ang mga tao kay Jesus, sinaway sila ng mga alagad at gustong paalisin. "Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos" (Marcos 10:14). Si Jesus ay hindi ganun "kalaki" o kaabala upang pagpalain ang mga bata.

Ang Diyos ay totoong may pakialam kahit sa "maliliit na bagay" at detalye ng ating buhay dahil mahalaga tayo sa Kanya. Kung ihahambing sa Kanya at sa kanyang kaluwalhatian, ang mga buhay natin ay binubuo lamang ng "maliliit na bagay." Ganito ang sinasabi sa Mga Awit 139:17-18, "Tunay, Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip, ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid; Kung ito'y bibilangin, ay sindami ng buhangin, sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

May pakialam ba ang Diyos sa maliliit na bagay na nangyayari sa atin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries