Tanong
Ano ang mga sangkap ng mensahe ng Ebanghelyo?
Sagot
Ang salitang "Ebanghelyo" ay nangangahulugan na "Mabuting Balita" o ang mensahe ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesu Kristo. Ito ang plano ng pagliligtas ng Diyos sa mga magtitiwala sa Kanyang bugtong na Anak upang ipakipagkasundo sila sa makatarungan at banal na Diyos. Ang nilalalaman ng mensaheng ito ng pagliligtas ng Diyos ay malinaw na inilatag sa Bibliya.
Sa unang sulat ni Pablo sa mga taga Corinto, inilatag niya ang nilalaman ng mensahe ng Ebanghelyo, "At ngayo'y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang ebanghelyo na inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito'y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo---liban na nga lamang kung kayo'y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan. Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan" (1 Corinto 15:1-4).
Sa talatang ito, makikita natin ang tatlong esensyal na sangkap ng mensahe ng Ebanghelyo. Una, ang salitang "namatay para sa ating mga kasalanan" ay napakahalaga. Gaya ng sinasabi sa Roma 3:23, "Sapagkat lahat ay nagkasala at walang sinuman ang karapatdapat sa paningin ng Dios." Ang katotohanan na ang tao ay makasalanan at walang magagawa upang iligtas ang kanyang sarili ay dapat na kilalanin ng lahat ng lumalapit sa trono ng Diyos para sa kanilang kaligtasan. Kailangang kilalanin ng isang makasalanan ang kanyang kawalang pag-asa sa harapan ng Diyos at aang Kanyang kawalang kakayahan upang mapatawad ng Diyos, at dapat din niyang maunawaan na ang "kabayaran ng kasalanan ay kamatayan" (Roma 6:23). Kung wala ang pundasyon ng katotohanang ito, hindi kumpleto ang presentasyon ng Ebanghelyo.
Ikalawa, ang persona at gawain ni Hesu Kristo ay isa ring napakahalagang sangkap ng Ebanghelyo. Si Hesus ay totoong Diyos (Colosas 2:9) at totoong tao din naman (Juan 1:14). Nabuhay si Hesus ng isang banal at walang dungis na buhay na hindi natin kayang ipamuhay sa ganang ating sarili (1 Pedro 2:22) at Siya lamang maaaring mamatay upang maging kahalili ng mga makasalanan. Ang kasalanan laban sa isang walang hanggang Diyos ay nangangailangan ng isang walang hanggang handog. Kaya nga, alinman sa dalawa: kailangang bayaran ng tao ang walang hanggang kabayaran ng kanyang mga kasalanan sa walang hanggang impiyerno, o bayaran ng walang hanggang Diyos na naging tao ang ating mga kasalanan ng minsan magpakailanman. Ipinako si Kristo sa krus upang bayaran ang ating mga kasalanan sa Diyos. Siya ang handog para sa ating mga kasalanan at ang lahat ng pinaghandugan ng Kanyang buhay ay magmamana ng kaharian ng Diyos bilang mga anak ng Hari ng mga Hari (Juan 112).
Ikatlo, ang pagkabuhay ni Kristo ay ang isa pang napakahalagang sangkap ng Ebanghelyo. Ang pagkabuhay na muli ang nagpapatunay ng ganap na kapangyarihan ng Diyos. Siya lamang na lumikha ng buhay ang kayang buhayin ang Kanyang sarili pagkatapos ng kamatayan at Siya ang tanging makapagaalis ng kamandag ng kamatayan at makagagapi sa libingan (1 Corinto 15:54-55). Gayundin naman, hindi gaya ng ibang relihiyon, ang Kristiyano lamang ang may isang tagapagtatag na gumapi sa kamatayan at nangangako na bubuhaying muli ang Kanyang mga tagasunod. Ang lahat ng ibang relihiyon ay itinatag lamang ng tao at ng mga bulaang propeta na kamatayan ang naging huling hantungan at hindi nabuhay na mag-uli.
Sa huli, ibinibigay ni Hesus ang kaligtasan bilang isang walang bayad na kaloob (Roma 5:15; 6:23) na makakamit sa pamamagitan lamang ng pananampalataya na hiwalay sa anumang gawa (Efeso 2:8-9). Gaya ng sinabi ni Apostol Pablo, "Hindi ko ikinahihiya ang Mabuting Balita tungkol kay Cristo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat nananampalataya---una'y sa mga Judio at gayon din sa mga Griego" (Roma 1:16). Ang parehong manunulat na kinasihan ng Espiritu ang nagsabi sa atin, "Kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka" (Roma 10:9).
Ito ang mga esensyal na sangkap ng Ebanghelyo: Ang pagkakasala ng buong sangkatauhan, ang kamatayan ni Kristo sa krus at ang muling pagkabuhay ni Kristo upang ipagkaloob ang buhay na walang hanggan bilang isang walang bayad na kaloob sa lahat ng sasampalataya sa Kanya.
English
Ano ang mga sangkap ng mensahe ng Ebanghelyo?