settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba tayong magbasa ng ibang aklat o Bibliya lamang?

Sagot


Itinuturo ng Bibliya na dapat nating pagnilayan ang Salita ng Diyos (Awit 1:2–4). Itinuturo din nito na “lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan” (Filipos 4:8). Sa ibang salita, ang mga aklat na hinihimok tayo na mabuhay ng banal ay maaaring makatulong sa ating paglakad kay Cristo. Ang mga komentaryo, mga pagaaral sa Bibliya, literaturang pang debosyon— at marami pang ibang aklat ay maaring magpalalim sa ating pangunawa sa Kasulatan.

Gayundin, ang ibang mga aklat ay kagamit-gamit para sa maraming praktikal na aspeto ng ating buhay. Mula sa mga impormasyon sa medisina hanggang sa pagkukumpuni ng kotse, mga impormasyon na ating kailangan para sa ating pangaraw-araw na buhay ay matatagpuan sa mga aklat na ito.

Ikatlo, maaari ding makatulong ang ilang kathang isip na aklat para sa pagkatuto at pagsasaya. Hangga’t pinararangalan ng aklat ang Panginoon, maaaring magpahayag ang isang nobela ng katotohanan, gaya ng ginawa ng Panginoong Jesus sa mga talinghaga. Itinuturo sa 1 Corinto 10:31, “Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.” Ito ang pamantayan para sa mga mananampalataya. Kung ang isang partikular na aklat ay binabasa para sa kaluwalhatian ng Diyos, may lehitimong dahilan sa pagbabasa nito.

Ikaapat, may ilang aklat na makatutulong sa atin para mas maunawaan at maabot ang mga taong hindi pa nakakakilala kay Cristo. Malinaw ang katuruan ng Bibliya na tinawag tayo para gawing alagad ang lahat ng bansa (Mateo 28:18-20). Kabilang sa mga aklat na makakatulong sa pagganap sa utos na ito sa atin ang mga aklat tungkol sa pagaaral ng lengguwahe, pagaaral sa mga kultura, at maging ang mga aklat na sinulat ng ibang relihiyon. Habang kailangan ang ibayong pagiingat sa pagbabasa sa mga aklat na kabilang sa huling kategorya, makakatulong ang pagkakaroon ng pangunawa sa mga literatura ng ibang kultura upang mas epektibong maibahagi ang mga katotohanan ng Bibliya.

Siyempre, may ilang uri ng aklat na hindi dapat basahin ng mga Kristiyano. Ang mga aklat na “tinatawag na masama ang mabuti at tinatawag na mabuti ang masama” (Isaias 5:20) ay dapat iwasan. Gayundin, ang mga aklat na walang pangiming inilalarawan ang imoralidad at karahasan ay hindi nararapat basahin lalo na kung may kasamang malalaswang larawan o pornograpiya. Ang mga ganitong aklat ay “mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti” (Efeso 5:11), na tinatawag ni Pablo na “kahiya-hiya” (Efeso 5:12).

Panghuli, maliwanag na ang Bibliya ang pinakamahalagang aklat na nararapat tumanggap ng pinakamataas na prayoridad ng mga Kristiyano. Maaaring may katotohanan din at pakinabang sa ibang aklat ngunit tanging ang Bibliya lamang ang “hiningahan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16-17). Minsan, binabanggit ni Pablo ang “ibang mga Kasulatan” (Gawa 17) sa kanyang pagbabahagi kay Cristo sa iba, ngunit ang karamihan sa kanyang mga reperensya ay ang mga kinasihang kasulatan ng Lumang Tipan.

Tinawag tayo para pagaralan ang Bibliya: “Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan” (2 Timoteo 2:15). Kinakailangan ang maraming panahon sa pagaaral ng Kasulatan.

Si Jesus mismo ang ating dakilang halimbawa. Ano ang Kanyang sinabi noong Siya ay tuksuhin ng diyablo sa ilang? Tatlong beses na tinukoy Niya ang Salita ng Diyos (Mateo 4:1-11). Maaaring makatulong ang ibang aklat sa ating pamumuhay kasama ang Diyos, ngunit hindi sila dapat makagambala sa ating pagtatalaga sa Salita ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba tayong magbasa ng ibang aklat o Bibliya lamang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries