Tanong
Anu-ano ang mga aklat ng Bibliya? Ano ang ibig sabihin na ang Bibliya ay binubuo ng iba’t ibang aklat?
Sagot
Ang Bibliya ay isang antolohiya ng mga Kasulatan na kinapapalooban ng 66 na mga aklat. Binubuo ang Bibliya ng dalawang bahagi, ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay binubuo ng tatlumput siyam (39) na aklat habang ang Bagong Tipan naman ay binubuo ng dalawampu’t pitong (27) aklat.
May apat na pangunahing dibisyon o pagkakahati ang Lumang Tipan. Ang unang dibisyon ay ang Pentateuch o unang limang aklat ng Lumang Tipan na sinulat ni Moises, ang aklat ng Genesis Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio.
Ang ikalawang dibisyon ay tinatawag na mga aklat ng kasaysayan at kinabibilangan ng labindalawang (12) aklat: Josue, mga Hukom, Ruth, 1 at 2 Samuel, 1 at mga Hari, 1 at 2 mga Cronica, Ezra, Nehemias, at Ester.
Ang ikatlong dibisyon ay tinatawag na mga aklat ng tula (o mga aklat ng karunungan) at kinabibilangan ng aklat ng Job, mga Awit, mga Kawikaan, Mangangaral, at Awit ni Solomon (o Awit ng mga Awit).
Ang ikaapat na dibisyon ay tinatawag na mga aklat ng hula at ang mga ito ay ang limang (5) mahahabang aklat ng mga hula (Isaias, Jeremias, Panaghoy, Ezekiel, at Daniel) at labindalawang (12) maiiksing aklat ng mga hula (Oseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Sofonias, Ageo, Zacarias, at Malakias).
Mayroon ding apat (4)na dibisyon ang Bagong Tipan. Ang unang dibisyon ay ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Markos, Lukas at Juan.
Ang ikalawang dibisyon ay ang aklat ng kasaysayan, ang aklat ng mga Gawa.
Ang Ikatlong dibisyon ay ang mga sulat ng mga apostol. Kinabibilangan ito ng labintatlong (13) sulat ni Pablo (Roma, 1 at 2 Corinto, Galacia, Efeso, Filipos, Colosas, 1 at 2 Tesalonica, 1 at 2 Timoteo, Tito, at Filemon) at walong (8) pangkalahatang sulat (Hebreo, Santiago, 1 at 2 Pedro, 1, 2, at 3 Juan, at Judas).
Ang ikaapat na dibisyon ay ang aklat ng hula, ang aklat ng Pahayag.
Ang animnapu’t anim (66) na mga aklat na ito ay isinulat sa loob ng humigit kumulang sa isanlibo at apat na raang taon (1,400) ng may apatnapung (40) manunulat sa wikang Hebreo, Aramaiko, at Griyego. Ang mga Kasulatang ito ay pinagtibay ng mga pinuno ng unang Iglesya (mga pinunong Hudyo para sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan). Ang animnapu’t anim (66) na aklat ng Bibliya ay ang kinasihang Salita ng Diyos na ginagamit sa paggawa ng mga alagad (Mateo 28:18–20) at sa pagpapatatag ng mga mananampalataya (2 Timoteo 3:16–17). Hindi nilikha ang Bibliya sa pamamagitan lamang ng karunungan ng tao kundi ito ang kinasihang Salita ng Diyos (2 Pedro 1:20–21) na mamamalagi magpakailanman (Mateo 23:35).
Habang tinatalakay ng Bibliya ang maraming paksa, ang sentrong mensahe nito ay si Kristo, ang Tagapagligtas na galing sa mga Hudyo na dumating sa mundo upang magkaloob ng daan ng Kaligtasan sa lahat ng tao (Juan 3:16). Tanging sa pamamagitan lamang ni Kristo ng Bibliya maliligtas ang tao (Juan 14:16; Gawa 4:12). “Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (Roma 10:17). English
Anu-ano ang mga aklat ng Bibliya? Ano ang ibig sabihin na ang Bibliya ay binubuo ng iba’t ibang aklat?