settings icon
share icon
Tanong

Lahat ba ng tao ay mga anak ng Diyos o ang mga Kristiyano lamang?

Sagot


Malinaw na sinasabi sa Bibliya na ang lahat ng tao ay nilalang ng Diyos (Colosas 1:16), at iniibig ng Diyos ang buong sanlibutan (Juan 3:16), ngunit yaon lamang mga isinilang na muli ang mga anak ng Diyos (Juan 1:12; 11:52; Roma 8:16; 1 Juan 3:1-10).

Sa Kasulatan, ang mga hindi mananampalataya ay hindi kailanman ipinakilala bilang mga anak ng Diyos. Sinasabi sa atin sa Efeso 2:3 na bago tayo naligtas, tayo ay "katutubong mga anak ng kapootan" (Efeso 2:1-3). Sinasabi sa Roma 9:8, "hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi." Sa halip na ipanganak bilang mga anak ng Diyos, tayo ay ipinanganak sa kasalanan na siyang naghiwalay sa atin mula sa Diyos at dahilan ng pagkabilang natin sa kaharian ni Satanas at pagiging mga kaaway ng Diyos (Santiago 4:4, 1 Juan 3:8). Sinabi ni Hesus, "Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako." At ilang mga talata pagkatapos ng Juan 8:44, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo, "Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama." Ang katotohanan na ang mga hindi ligtas ay hindi anak ng Diyos ay makikita rin sa 1 Juan 3:10, "Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, pati ang hindi umiibig sa kanyang kapatid."

Naging anak tayo ng Diyos at naligtas dahil tayo ay inampon sa pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng ating relasyon sa Panginoong Hesu Kristo (Galacia 4:5-6; Efeso 1:5). Malinaw itong makikita sa mga talata gaya ng Roma 8:14-17: "Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, "Abba! Ama!" Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos. At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya." Ang mga ligtas ay mga anak ng Diyos, "Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya" (Galacia 3:6) dahil "tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban" (Efeso 1:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Lahat ba ng tao ay mga anak ng Diyos o ang mga Kristiyano lamang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries