settings icon
share icon
Tanong

Ano ang nangyari sa bawat araw ng paglikha?

Sagot


Ang tala tungkol sa paglikha ay matatagpuan sa Genesis 1–2. Malinaw na ipinakikita sa tala ng paglikha sa Genesis na ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos mula sa wala sa loob ng literal na anim (6) na sunod sunod na araw na may tig- 24 oras bawat isa. Ito ay makatotohanan dahil ang konteksto ay literal na 24 oras o isang araw. Inilalarawan ang mga pangyayari sa isang paraan na normal, at mauunawaan gamit ang sintido komon na ang araw sa salaysay ay literal na isang araw: “Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga---iyon ang unang araw” (Genesis 1:5). Sa karagdagan, ang bawat pangungusap sa orihinal na wikang Hebreo ay naguumpisa sa salitang “at.” Ito ay isang magandang kaayusan sa gramatiko ng wikang Hebreo at nagpapahiwatig na ang bawat pangungusap ay nakakonekta sa sinundang pangungusap at malinaw na ang tinutukoy na anim (6) na araw ay ang mismong mga araw kung kailan lumikha ang Diyos at hindi sila magkakahiwalay na araw. Ipinakikita ng salaysay ng paglikha sa aklat ng Genesis na ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihan at kapamahalaan. Ang karamihan sa paraan ng paglikha ng Diyos ay ginawa sa pamamagitan lamang ng pagsasalita, isa pang indikasyon ng kapangyarihan at kapamahalaan ng Kanyang salita. Tingnan natin kung ano ang mga kaganapan sa bawat araw ng paglikha ng Diyos:

Unang araw ng paglikha (Genesis 1:1-5)
Nilikha ng Diyos ang langit at lupa. Ang “mga langit” ay tumutukoy sa lahat ng nasa kalawakan. Ang lupa ay ginawa ngunit hindi hinugis sa anumang partikular na paraan bagama’t ang tubig ay sumasaibabaw nito. Pagkatapos, nilikha ng Diyos ang liwanag sa pamamagitan ng Kanyang salita. Pagkatapos, pinagbukod Niya ang liwanag at dilim at tinawag na “araw” ang liwanag at “gabi” naman ang kadiliman. Ang malikhaing gawang ito ng Diyos ay naganap mula gabi hanggang umaga – ang unang araw.

Ikalawang araw ng paglikha (Genesis 1:6-8)
Nilikha ng Diyos ang himpapawid. Pinaghiwalay Niya ang tubig sa ibaba at tubig sa itaas upang magsilbing kulandong sa mundo. Sa puntong ito, nagkaroon ng atmospera ang mundo. Ang malikhaing gawang ito ng Diyos ay Kanyang ginawa sa ikalawang araw.

Ikatlong araw ng paglikha (Genesis 1:9-13)
Nilikha ng Diyos ang tuyong lupa at pinalitaw ang mga isla at kontinente sa ibabaw ng tubig. Ang malaking bahagi ng tubig ay tinawag Niyang ‘dagat’ at ang tuyong lupa naman ay tinawag Niyang ‘kalupaan.’ Idineklara ng Diyos ang lahat ng Kanyang nilikha na mabuti.

Pinatubo ng Diyos ang lahat ng uri ng halaman sa lupa, malaki o maliit. Nilikha Niya ang mga ito na may kakayahang magparami. Ang mga halaman ay nilikha ayon sa kanya kanyang uri. Ang mundo ay naging luntian at napuno ng halaman. Tinawag ng Diyos ang Kanyang mga ginawang ito na ‘mabuti.’ Ang malikhaing gawang ito ng Diyos ay naganap sa ikatlong araw.

Ikaapat na araw ng paglikha (Genesis 1:14-19)
Nilikha ng Diyos ang mga bituin at lahat ng bagay sa kalawakan.Ginawa Niya ang dalawang bagay sa kalawakan na may kaugnayan sa mundo. Ang galaw ng mga ito ay tutulong sa tao upang malaman ang ang oras at panahon. Ang una ay ang araw at siyang pangunahing pinanggagalingan ng liwanag at ang buwan na nagbibigay ng liwanag sa gabi. Ang galaw ng mga ito ang magbubukod sa gabi at araw. Ang gawang ito ng Diyos ay Kanya ring tinawag na mabuti. Ang malikhaing gawang ito ng Diyos ay naganap sa loob ng ikaapat na araw.

Ikalimang araw ng paglikha (Genesis 1:20-23)
Nilikha ng Diyos ang lahat ng may buhay sa tubig. Nilikha din Niya ang lahat ng ibon sa himpapawid ayon sa kanya kanyang uri. Ang salitang ginamit sa wikang Hebreo ay nagpapahiwatig na ito ang araw kung kalian Niya ginawa ang lahat ng mga lumilipad na insekto (kung hindi man sa araw na ito ay sa ikaanim na araw). Ang lahat na mga nilalang na ito ay nilikha na may kakayahang magparami. Ang mga may buhay na nilikha sa ikalimang araw ay ang mga unang nilikha na pinagpala ng Diyos. Idineklara ng Diyos ang gawang ito na mabuti at naganap ang lahat ng ito sa ikalimang araw.

Ikaanim na araw ng paglikha (Genesis 1:24-31)
Nilikha ng Diyos ang lahat ng nilalang na nabubuhay sa tuyong lupa ayon sa kanya kanyang laki at uri. Kasama dito ang mga uri ng nilalang na hindi nilikha sa mga nakaraang araw at ang mismong tao. Idineklara ng Diyos ang mga gawang ito na mabuti.

Pagkatapos sinabi ng Diyos, “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit” (Genesis 1:26). Hindi ito isang malinaw na kapahayagan ng Trinidad ngunit maaaring gamiting pangsuporta sa katuruang ito dahil inihayag ng Diyos na may kasama Siya na kapantay Niya ng sabihin Niya ang salitang ‘natin.’ Nilikha ng Diyos ang tao (si Adan) ayon sa Kanyang wangis (ang lalaki at babae ay parehong nagtataglay ng wangis na ito) at ginawa siyang espesyal at pinakamataas sa lahat ng nilikha. Upang bigyang diin ang katotohanang ito, ibinigay ng Diyos kay Adan ang kapamahalaan sa buong lupa at sa lahat ng mga nilalang. Pinagpala ng Diyos ang tao at inutusan na magparami at punuin ang mundo at pamahalaan ito (pangalagaan ito ayon sa kapahintulutan ng Diyos). Inihayag ng Diyos sa tao at sa iba pang mga hayop na ang kanila lamang kakainin ay mga halaman. Ihahayag ng Diyos ang pagbabago sa pagkain ng tao sa Genesis 9:3-4.

Nakumpleto ang malikhaing gawa ng Diyos sa katapusan ng ikaanim na araw. Ang buong sansinukob at ang kagandahan at kaganapan nito ay natapos sa loob ng magkakasunod na literal na anim na araw na may tig-24 oras. Nang matapos ang Kanyang paglikha, sinabi ng Diyos na ito ay ‘napakabuti.’

Ikapitong araw ng paglikha (Genesis 2:1-3)
Namahinga ang Diyos. Hindi ito nangangahulugan sa anumang paraan na napagod ang Diyos dahil sa Kanyang paglikha, sa halip, nangangahulugan ito na kumpleto na at tapos na ang Kanyang paglikha. Gayundin naman, itinatag ng Diyos ang modelo ng pamamahinga ng isang araw sa loob ng isang linggo. Ang pamamahinga ng isang araw sa loob ng isang linggo, sa huli, ang siyang pagkakakilanlan sa Kanyang bayang hinirang (Exodo 20:8-11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang nangyari sa bawat araw ng paglikha?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries