settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga pangunahing argumento laban sa limitadong pagtubos (limited atonement)?

Sagot


Ang limitadong pagtubos (Limited atonement) ay isang katuruan na namatay si Jesus para lamang sa mga hinirang. Ito ang isa sa limang puntos ng Calvinismo. Maraming naniniwala sa limitadong pagtubos ang mas ginagamit ang terminolohiyang “partikular na pagtubos,” pero para maiwasan ang kalituhan, gagamitin ng artikulong ito ang limitadong pagtubos (limited atonement).

Ang mga Arminians at ang mga Calvinists na naniniwala sa apat na puntos o tinatawag na Amyraldians, ay naniniwala ayon na ang limitadong pagtubos ay hindi naaayon sa Bibliya. Ang opisyal na paniniwala ng Got Questions Ministries at ang apat na puntos ng Calvinismo bilang suporta sa isang katamtamang anyo ng hindi limitadong pagtubos (unlimited atonement), habang tinatanggihan ang unibersalismo o kaligtasan para sa lahat ng tao. Sa artikulong ito, aming ipapakilala ang ilang argumento laban sa limitadong pagtubos.

Unang Argumento: Ang Limitadong Pagtubos ay hindi kayang suportahan ng Biblikal na Hermeneutiko

May mga talata na laban sa limitadong pagtubos na tila nagtuturo ng pagtubos para sa lahat ng tao, ang kawalan ng mga talata na malinaw na itinuturo na may limitasyon ang pagtubos ni Cristo, mga talata na nagpapahayag ng pangangailangan ng pananampalataya para sa kaligtasan at ilang tipo ni Cristo sa Lumang Tipan na hindi sang-ayon sa katuruan ng limitadong pagtubos.

Mga talata sa Kasulatan na sumusuporta sa pangkalahatang pagtubos

Ang pangkalahatan o walang limitasyong pagtubos ay sinusuportahan sa buong Bagong Tipan. Sinasabi sa Juan 3:16–17 na “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa buong sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak… hindi ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan kundi iligtas ang sanlibutan sa pamamagitan Niya.” Ang salitang Griyegong kosmos na isinalin sa salitang “sanlibutan,” ay sumasakop sa lahat ng mga nananahan sa buong mundo. Kasama sa iba pang mga talata na sumusuporta sa pangkalahatang pagtubos, ang iba pang talata na umaayon sa walang limitasyon pagtubos ay ang Juan 1:29 kung saan sinabi na inaalis ni Jesus ang kasalanan ng buong sanlibutan”; sa Roma 11:32 naman ay mababasa na ang Diyos ay nahahabag sa “lahat” ng masuwayin; at 1 Juan 2:2, na nagsasabing si Jesus ang pantubos na handog para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang ng kasalanan natin kundi pati na rin sa kasalanan ng buong sanlibutan.”

Wala sa alinmang talatang nabanggit ang naglalaman ng anumang uri ng limitasyon, hayag o pahiwatig, tungkol sa paghahandog ni Cristo. Kung sinasabi na ang pantubos na handog ni Cristo para sa lahat ay hindi sapat, espisipikong isinama ni Juan ang griyegong salitang holou na ang ibig sabihin ay “buo, kabuuan, lahat, kumpleto.” Malibang ang limitadong pagtubos ay isang palagay lamang, walang matibay na batayan na may limitasyon ang pagtubos na binabanggit sa 1 Juan 2:2.

Mga talatang nagbabanggit lamang ng Pagtubos sa mga Mananampalataya.

Sa kabilang dako, mayroong mga talata na nagsasabing si Jesus ay namatay para sa mga sumasampalataya lamang. Kabilang sa mga talatang sumusuporta sa limitadong pagtubos ay ang Juan 10:15, kung saan si Jesus ay nagsabing, “Iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa”; at ang isa pa ay sa Pahayag 5:9, na nagpapahayag din na “tinubos ng dugo ni Jesus ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.”

Ang mga talatang ito at iba pa ay tumutukoy sa piling grupo lamang ng tao na siyang pinagtuunan ng pagtubos na gawa ng Diyos. Gayunman, walang isa man sa mga talatang ito ang malinaw na naglilimita sa kaligtasang alok Niya. Sinasabi lamang nito na si Jesus ay namatay para sa mga sumasampalataya, at hindi, Siya ay namatay para sa mga sumasampalataya lamang. Sinabi rin ni Jesus na ibinibigay niya ang kanyang buhay para sa mga tupa pero hindi sinasabi na tanging sa mga tupa lamang, sapagkat may mga malalaking grupo rin na kinabibilangan ng mga tupa.

Pananampalatayang Kinakailangan sa Kaligtasan

Ang “Pangkalahatang Pagtubos” ay hindi katulad ng “Universalism,” na nagsasabing ang lahat ay maliligtas at mapupunta sa langit. Ang limitado o may limitasyong pagtubos ay kumikilala sa realidad na ang pagtubos ni Jesus ay dapat tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya, at alam naman natin na hindi lahat ay sasampalataya. Sinasabi naman ng apat na puntos ng Calvinismo na ang kaligtasan ay matatamo lamang ng mga may pananampalataya; ibig sabihin, ang pananampalataya ang nagdadala ng epekto sa pagtubos upang maligtas ang Kristiyano. Subalit ang mga hindi mananampalataya ay tumatanggi sa alok ng Diyos na regalong kaligtasan sa pamamagitan ng pagtubos ni Cristo. Ang ilang mga talata na nagpapahayag ng pangangailangan ng pananampalataya upang maligtas ay ang Lucas 8:12; Juan 20:31; Gawa 16:31; Roma 1:16; 10:9; Efeso 2:8.

Ang Anyo ni Cristo sa Lumang Tipan

Ang paulit-ulit na anyo ng Cristo na inilalarawan ng isang kordero. Ang sistemang paghahandog sa Lumang Tipan at ang pagdiriwang ng Paskuwa ay malinaw na nagpapakita ng kabayaran ng kasalanan at pangangailangan natin ng inosenteng kapalit upang takpan ang ating mga kasalanan (tingnan ang 1 Corinto 5:7). Sa panahon ng unang paskuwa, lahat ng Israelita ay may pagkakataong maghandog ng kordero at ipahid ang dugo nito sa hamba ng kanilang mga pintuan. sa panahon ding iyon, ang bawat pamilya ay dapat magpakita ng pananampalataya sa Diyos. Ang paskuwa ay pangkalahatan sapagkat ito ay inaalok sa lahat, subalit ang pagtubos ay kailangan pa ring ilapat sa bawat indibidwal, sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang isa pang anyo ni Cristo sa Lumang Tipan ay ang ahas na tanso sa dulo ng kahoy (Mga Bilang 21:5-9). At makikita natin sa Juan 3:14 na iniugnay ni Jesus ang bagay na ito sa kanyang sarili at sinasabi niyang “dapat Siyang maitaas” mula sa daigdig. Nang magkaroon ng salot ng “mababangis na ahas” noong panahon ni Moises, bawat taong tumitingala sa ahas na tanso at naniniwalang nagpapagaling ang Diyos ay gumagaling. Ipinapakita ng mga pangyayaring ito na ang kapangyarihan ng pagpapagaling ay pangkalahatan sapagkat ito ay pwedeng makamtan ng lahat ng Israelita, ngunit nakabatay pa rin sa kanilang kagustuhang sumunod. Inihambing ni Jesus sa kanyang kamatayan sa krus ang pangyayaring ito at ang kagalingang espirituwal na ibinibigay Niya.

Ikalawang Argumento: Ang Tradisyong Kristiyano ay Salungat sa Limitadong Pagtubos (Limited Atonement)

Noon pa man ay kontrobersyal na ang Limitadong pagtubos. Noong 1619 ay nagisyu ang Synod of Dort ng mga puntos ng doktrina na ngayon ay kilala sa tawag na limang puntos ng Calvinismo; Gayunman, ilang teologo ng synod ang tumangging tanggapin ang limitadong pagtubos habang ang ibang apat na puntos ng Calvinismo ay kanila namang tinanggap.

Matagal nang panahon bago pa man ang mga Protestanteng pagpapahayag (confession) at mga synod, kahit ang unang ama ng simbahan na si Athanasius ay nagpapahayag ng pangkalahatang pagtubos (universal atonement). Sa kanyang sinulat na “Sa pagkakatawang-tao ng Salita” (2.9), sinabi ni Athanasius na “ang kamatayan ni Jesus ay panghalili para sa buhay ng lahat” at dahil sa kanyang paghahandog ay nawalan ng kapangyarihan ang kasalanang naghahatid sa kamatayan.” Bigyang pansin ang salitang lahat. Dito ay nais ipahiwatig ni Athanasius na ang kamatayan ni Jesus ang tumubos sa buong sangkatauhan.

Nakakamangha na hindi gaanong binigyang pansin ni Calvin o pinahalagahan ang ideya ng limitadong pagtubos. Kaugnay ng lahat ng ito, ang limang puntos ng tinatawag na “Calvinismo” ay nagmula sa synod sa Netherlands halos 60 taon pagkatapos na siya’y mamatay. Ganito ang sinabi ni Calvin tungkol sa Juan 3:16: “Ito ay isang kamangha-manghang tagubilin ng pananampalataya, na tayo ay pinalaya mula sa walang hanggang kaparusahan...At inilagay niya ang pangkalahatang terminong sinuman, upang anyayahan ang lahat na makibahagi sa buhay, at upang alisin ang anumang dahilan sa mga hindi sumasampalataya. Halimbawa rin diyan ang katagang sanlibutan. Ipinakita ni Jesus na nakikipagkasundo siya sa sanlibutan, nang anyayahan niya ang lahat ng tao na walang pagtatangi na sumampalataya kay Cristo, sapagkat ito lamang ang tanging daan patungo sa buhay” (Komentaryo ng Juan, Vol. 1).

Ikatlong Argumento: Imposibleng tunay na makapagalok ng kaligtasan para sa Lahat ang Limitadong Pagtubos (Limited atonement).

Nakakaapekto ang Limitadong pagtubos sa paniniwala ng isang tao tungkol sa ebanghelismo at sa alok ng kaligtasan. Ang totoo, kung ang mga maliligtas (pinili) lamang ang tinubos, wala ng pagtubos na maiaalok sa kahit sinuman. Dahil diyan, ang mga pinili lamang ang pwedeng alukin ng kaligtasan kung ganun. Ngunit kahit ang pahapyaw na pagtingin sa ministeryo ni Jesus ay nagpapakitang ipinaaabot niya ang alok ng kaligtasan kahit sa mga taong alam niya na may bahagi sa pagpapako sa kanya (tingnan ang Lucas 13:34). Mababasa rin natin sa aklat ng Gawa na si Pablo ay nangaral sa malalaking bahagi ng buong bayan. Ganun din si Pedro na libu-libo ang tinuturuan. Kaya nga, dahil dito ay masasabi nating ang kaligtasan ay iniaalok para sa lahat ng walang pagtatangi. At ang pagsisisi at pananampalataya naman ang hinihinging katugunan (tingnan ang Mateo 21:32). Kung ang kamatayan ni Cristo ay hindi nagbigay ng katubusan para sa lahat, ang ibig sabihin pala niyan ay nagaalok si Jesus at kanyang mga apostol ng isang bagay na hindi naman makakamtan ng karamihan sa kanyang mga tagapakinig.

Konklusyon:

Ang Limitadong pagtubos ay puntos ng tradisyonal na Calvinismo na nagiging sanhi ng pagkabalisa sa mga teologong naniniwala sa Bibliya. Ang mga pinili lamang ba ang maliligtas? Oo. Gayunman, sapat ang paghahandog na ginawa ni Cristo para mabayaran ang lahat ng kasalanan, at ang alok ng kaligtasan ay pangkalahatan. Ang ating alok ng kaligtasan sa iba ay kailangang kahalintulad sa panawagan ng Espiritu sa Pahayag 22:17 na: “Halikayo!”Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!”Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga pangunahing argumento laban sa limitadong pagtubos (limited atonement)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries