Tanong
Ano ang mga arkanghel?
Sagot
Ang salitang "arkanghel" ay makikita lamang sa dalawang talata sa Bibliya. Sinasabi sa 1 Tesalonica 4:16, "Sa araw na yaon, kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trompeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo." Sinasabi sa talata 9 ng aklat ni Judas, "Kahit ang Arkanghel Miguel, nang makipagtalo sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas humatol nang may panlalait." Ang salitang "arkanghel" ay nagmula sa salitang Griego na nangangahulugang "pangunahing anghel." Ito ay tumutukoy sa isang anghel na pinuno ng ibang mga anghel.
Sa Judas 1:9, ginamit ang salitang “ang arkanghel Miguel,” na isang indikasyon na si Miguel lamang ang nagiisang arkanghel. Gayunman, inilarawan si Miguel sa Daniel 10:13 bilang "isa sa mga pangunahing prinsipe." Maaaring indikasyon ito na mayroong higit sa isang arkanghel dahil inihahanay si Miguel kapantay ng ibang “mga pangunahing prinsipe.” Kaya habang posible na maraming mga arkanghel, higit na makabubuti na huwag tayong magsapantaha na ang ibang anghel ay mga arkanghel din naman. Inilalarawan si Miguel sa Daniel 10:21 bilang "ang iyong pinsipe," at sa Daniel 12:1 naman, siya ay inilarawan bilang "dakilang prinsipe na tagapagingat." Kahit na maaaring marami ang mga arkanghel, masasabing si Miguel ang pinakapangunahin sa kanila.
English
Ano ang mga arkanghel?