settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga artikulo ng pananampalataya?

Sagot


Ang artikulo ng pananampalataya ay ang buod na pahayag ng pundasyon ng pinaniniwalaan ng isang tao, iglesya, at ministeryo. Nakasaad dito ang mga mahahalagang katotohanan na siyang gabay nila sa kanilang pananampalataya at mga ginagawa. Minsan, ang artikulo ng pananampalataya ay tinatawag ding kapahayagan ng doktrina, pahayag ng pananampalataya at pahayag ng paniniwala. Sa paglipas ng mga panahon ay gumagawa ng mga ganitong pahayag ang mga mananampalataya na kanilang sinasaulo at ginawang isang kredo. Ang isa sa sinaunang pahayag ng pananampalataya ay mababasa sa Deuteronomio 6:4-7: “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh. Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. Ang mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga.” Tinawag itong “shema” ng mga Judio, at ito ang naging pundasyon ng lahat ng kautusan ng Diyos. Pinagtitibay din nito ang kaisahan ng Diyos, ang kanyang pangingibabaw sa lahat at ang pangunahin na paglingkuran Siya. Kalakip nito, ang Sampung Utos ay bahagi rin ng sinaunang artikulo ng pananampalataya. Matututunan din natin na ang unang kredong Kristiyano ay mababasa sa 1 Corinto 15:1-4 na nagsasaad ng ganito: “Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naliligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; maliban na lamang kung walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya. Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan.” Ipinapahayag ng artikulong ito ang hayag na kahalagahan ng pananampalataya kay Cristo upang maligtas. at dahil sa ganitong pahayag ay nakakabuo ang mga tao ng isang sentrong batayan upang sila ay magsama-sama at magkaisa sa pananampalataya (1 Corinto 1:10).

Ang pagkakaroon o pagunlad ng kredo at artikulo ng pananampalataya sa mga naunang iglesya ay karaniwang sanhi ng pagusbong ng mga bulaang mangangaral. Sapagkat kapag kulang o hindi detalyado ang simpleng pahayag ng pananampalataya, ito ay nagdudulot ng malawak at iba't-ibang paraan ng paglalapat. Kaya't kapag nakita nila na kahina-hinala ang isang katuruan, ang mga lider ng iglesya ay nagsasama-sama upang saliksikin at pagaralan ang Banal na Kasulatan ng sa ganun ay makapagtakda sila ng totoo o ortodoksiyang dapat paniwalaan ng iglesya. Makikita ang prosesong ito sa Gawa 15:1-29, kung saan ang mga Hentil ay inuutusan ng ilang tagapagturo na magpatuli upang maligtas. Dahil sa usaping iyon, ang mga matatanda at apostol ng iglesya sa Jerusalem ay nagpulong upang talakayin ang naturang isyu at sumulat sila sa mga iglesya upang ipabatid sa lahat na hindi na kailangang sundin pa ang kautusan ni Moises upang maligtas. Ganitong prinsipyo din ang nakasaad sa Kredo ng mga Apostol, kredo ng Nicene at iba pa upang tugunin ang kaparehong pagsubok sa ortodoksiyang pananampalataya.

Kaugnay ng lahat ng ito, karamihan sa mga artikulo ng pananampalataya ngayon ay isinaayos sa topikal na paraan. Itinatala nila ang pangunahing bahagi ng doktrina kasama ang mga kaukulang detalye sa ibaba. At ang ilan sa mga susing paksa na karaniwang kabilang sa artikulo ng pananampalatayang Kristiyano ay ang: Bibliolohiya - doktrina ng Bibliya; Teolohiya - Doktrina tungkol sa Diyos; Antropolohiya - Doktrina ng Tao; Hamarteolohiya - Doktrina ng Kasalanan; Cristolohiya - Doktrina tungkol kay Cristo; Soteriolohiya - Doktrina ng Kaligtasan; Pneumatolohiya - Doktrina ng Espiritu Santo; Ekklesiolohiya - Doktrina ng Iglesya; Eskatolohiya - Doktrina ng hinaharap o huling panahon. Nakapaloob sa mga kategoryang ito ang mga sub kategoryang nagpapakita ng pagkakaiba ng mga iglesya sa kanilang paniniwala sa iba't-ibang aspeto. Minsan ay isinusulat sa simpleng anyo ang mga artikulo ng pananampalataya na nagiging sanhi ng malawak na saklaw ng isang paniniwala, at minsan naman ay may mga pagkakataon na ito ay detalyado kaya't maliit lamang ang saklaw ng tinatanggap na paniniwala at mga gawi.

Gayunman, matututuhan natin sa kasaysayan ng iglesya na ang masyadong bukas at hindi detalyadong artikulo ng pananampalataya ay karaniwang nagiging tuntungan o pinagmumulan ng hidwang katuruan. Itinuturo din sa atin ng kasaysayan ng iglesya na ang isang artikulo ng pananampalataya kahit ano pa ang nakasaad dito ay walang kabuluhan, kung hindi naman ito sinusunod at kinikilala ng iglesya at ng bawat tao. Sapagkat karaniwaan na sa mga mananampalataya noon ang magsaulo ng mga katekismo at kredo na nagbibigay sa kanila ng matibay na pundasyon upang pag aralan ang mga bagong ideya. Ngunit sa ngayon ay nakakalungkot na ang umiiral ay ang pagiging bukas at kawalan ng alam sa doktrina. Ibig sabihin, maraming Kristiyano ang nahihirapang magpaliwanag ng kanilang pananampalataya sa malalim na paraan, kaya't ang resulta ay halu-halong paniniwala na minsan ay magkakasalungat. Kaya nga sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na, “Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti” (1 Tesalonica 5:21). Ito ay nangangahulugang kailangan nating subukin ang lahat ng bagay kung ito ay tama, upang matanto natin kung ito ba ay dapat tanggapin o hindi. Ito ang nagbunsod upang makabuo ng mga dakilang kredo at artikulo ng pananampalataya noon, at ito rin ang tumutulong sa atin ngayon upang malaman natin kung ano ang ating pinaniniwalaan at kung bakit natin ito pinaniniwalaan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga artikulo ng pananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries