settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na magkakaroon ng mga bulaang cristo sa mga huling panahon?

Sagot


Ang isang bulaang cristo o bulaang mesiyas ay isang taong nagpapanggap na siya ang isinugo ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Sa Mateo 24:23–24, sinabi ni Jesus, “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala… magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos.” Ito ay bahagi ng isang mas mahabang pagtuturo tungkol sa mga magaganap sa mga huling panahon. Sa Mateo 24, inulit ni Jesus ang katuruang ito at idinagdag, “Kaya't kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran” (talata 26–27).

May ilang pakahulugan ang Bibliya sa “mga huling panahon.” Ayon sa Hebreo 1:2, ang “mga huling araw” ay ang panahon ng Bagong Tipan na nagsimula sa unang pagparito ni Cristo. Ito rin ang pakahulugan sa Gawa 2:16–17, 1 Juan 2:18, at 1 Pedro 1:20. Sa pakahulugang ito, nabubuhay na tayo sa “mga huling panahon”; na ang ibig sabihin ay nasa huling bahagi na tayo ng panahon bago ang muling pagparito ng Panginoong Jesu Cristo. Sa Mateo 13:49, ang “wakas ng panahon” ay tumutukoy sa panahon ng paghuhukom sa muling pagparito ng Panginoon. Ang muling pagparito ng Panginoon at ang mga huling pangyayari na magtatapos sa panahong iyon (tingnan ang Pahayag 6-16) ay karaniwang tinatawag na “mga huling panahon.” Bagama’t ang “mga huling panahon” ay maaaring nagsimula na 2,000 taon na ang nakakalipas, magkakaroon ng mabilis na pagdami ng mga tanda na ibinigay ni Jesus habang nalalapit na ang panahon ng Kanyang muling pagparito. Naniniwala kami na ang “mga huling panahon” sa karaniwang pangunawa, ay maguumpisa sa pagdagit sa iglesya.

Marami ng nabuhay at namatay na mga bulaang cristo mula pa noong unang siglo (Markos 13:22; 2 Pedro 2:1). Lumalabas sila sa tuwing may isang tao na nagaangkin na siya ang mesiyas o kung ang isang sekta ng Kristiyanismo ay lumayo sa malinaw na katuruan ng Salita ng Diyos at sumubok na ipakilala si Jesus ng hindi ayon sa itinuturo ng Bibliya. Hinarap ng mga apostol ang maling doktrinang ito sa marami sa kanilang mga sulat sa mga iglesya na binabalaan ang mga mananampalataya tungkol sa mga bulaang cristo at mga bulaang propeta sa kanilang kalagitnaan (2 Corinto 11:13). Ibinigay ni Juan ang isang malinaw na pakahulugan sa tamang pangunawa kay Cristo (Kristolohiya): “Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na” (I Juan 4:2–3).

Patuloy ang paglabas ng mga bulaang cristo. Kahit na sa nagdaang huling siglo, may ilang lalaki gaya ni Jim Jones, Sun Myung Moon, David Koresh, (at Apollo Quiboloy sa Pilipinas) ang nakilala sa pamamagitan ng pagpapanggap na sila ang Diyos o kanang kamay ng Diyos. Karaniwan silang nagsisimula sa Bibliya at pagkatapos ay gumagamit ng isang talata o ideya at itinatatag ang kanilang sariling teolohiya mula doon at ginagawang kulto ang kanilang grupo. Karaniwang naeengganyo ng mga lider ng mga kulto ang kanilang mga biktima sa pagpapakilala sa kanilang sarili bilang mga Kristiyanong naniniwala sa Bibliya. Ang mga grupong gaya ng Mormons, Church of Christ Scientist, at ang Saksi ni Jehovah ay nagaangkin na sila ay mga Kristiyano pero tinatanggihan nilang lahat ang pagkadiyos at gawain ni Cristo, ang Anak ng Diyos ang tanging daan sa kapatawaran at buhay na walang hanggan (tingnan ang Juan 14:6).

Mas malapit sa iyong tahanan, maraming bulaang cristo ang lumalabas sa hindi inaasahang lugar: sa mga pulpito ng mga iglesyang Kristiyano. Kung binabago ng isang katuruan si Jesus sa paraang salungat o hindi naaayon sa pagpapakilala ng kasulatan o intensyonal na minamaliit ang halaga ng mas mahihirap na katotohanan ng Kanyang ebanghelyo, ipinapakilala nito ang isang bulaang Cristo. Halimbawa, ang pagsikat ng katuruan ng hyper-grace at ang pagtutuon ng pansin sa pamumuhay sa makamundong kalayawan at kasaganaan na pinapababa ang kaluwalhatian ni Cristo dahil sa paghahangad na masunod ang sariling kagustuhan. Sa ganitong mga kaso, kung binabanggit man si Jesus, lagi Siyang ipinapakilala na tulad sa isang pases para makatanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Sa henerasyong ito ng kawalan ng kaalaman sa itinuturo ng Bibliya, maraming tagapakinig ang napakabilis na tinatanggap ang mga katuruan ng cristong ginawa ng tao at hindi inuusisa ang pinanggalingan ng baluktot na katuruang ito. Kahit na nabigyan pa ang mga tao ng pagkakataon na “gumawa ng desisyon” para kay Jesus, ang tanong: “Kaninong Cristo sila nagtatalaga ng kanilang sarili?”

Binalaan tayo sa 1 Timoteo 4:3–4 na darating ang panahon na hindi na makikinig ang mga tao sa tamang katuruan. Habang dumidilim ang mga araw at dumarami ang kasalanan, nagiging kaakit-akit sa panlasa ang isang cristo para sa mga taong “iniibig ang kadiliman kaysa sa liwanag” (Juan 3:19). Ipinapaliwanag sa 2 Tesalonica 2:11–12 kung bakit marami ang naaakit sa mga bulaang cristo. Sinasabi sa talata 10, “Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila.” Sa tuwing tinatanggihan ng mga tao ang katotohanan, ang tunay na Jesus, o banal na Salita ng Diyos, hinahayaan sila ng Diyos sa kanilang sariling mga ideya at sa kanilang mga bulaang cristo na hindi makakapagligtas (Roma 1:21–23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na magkakaroon ng mga bulaang cristo sa mga huling panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries