Tanong
Ano ang ibig sabihin na magkakaroon ng mga digmaan at mga balita ng digmaan sa mga huling panahon?
Sagot
Nagtanong kay Jesus ang Kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?” (Mateo 24:3). Sumagot si Jesus, “Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako” (Mateo 24:6). Dahil sa mga pananalita ni Jesus sa talatang ito, saanman may mga nagaganap na digmaan lalo na kung malapit sa Israel, maraming tao ang nagiisip kung ang bagong digmaang iyon ay isang tanda ng pagwawakas ng panahon. Kung itutuloy lamang ng mga tao ang pagbabasa sa natitira sa Mateo 24:6 ay ganito ang kanilang mababasa, “. . . Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo” (idinagdag ang diin).
Ang pagpapakahulugan sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa mga “digmaan at mga balita ng digmaan” na ang ito ay isang tanda ng pagwawakas ng panahon ay eksaktong kasalungat ng nais na ipahayag ni Jesus. Tinuturuan tayo ni Jesus na huwag mabahala sa mga digmaan at mga balita ng digmaan dahil “hindi pa iyon ang katapusan.” Gayundin, tinalakay ni Jesus ang pagdating ng mga bulaang Cristo (Mateo 24:5), mga tag-gutom at mga paglindol (Mateo 24:7), at nagbabala na “ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak” (Mateo 24:8).
Nakakalungkot na ang lahat ng itinuro ni Jesus na mga pangyayari na hindi tanda sa pagtatapos ng mga panahon ay ang mga iyon pa mismo ang hinahanap na tanda ng mga tao para sa pagtatapos ng mga panahon. Ngayon, hindi ito nangangahulugan na ang mga digmaan at mga balita ng digmaan ay ganap na walang kaugnayan sa pagtatapos ng mga panahon. Sa tuwing binabanggit sa Bibliya ang pagtatapos ng mga panahon, inilalarawan nito ang malalaki at napakatinding digmaan. Pero ang pinupunto ni Jesus ay tila laging may digmaan at hangga’t hindi naitatatag ang kapayapaan sa panahon ng isanlibong taon ng Kanyang paghahari, laging magkakaroon ng mga digmaan. Kaya nga, ang mga digmaan at mga balita ng digmaan ay hindi mapagkakatiwalaang mga tanda sa pagwawakas ng mga panahon.
Kung ito man ay isang digmaang sibil sa Africa, digmaan sa pagitan ng Israel at mga karatig bansa, o digmaan kontra sa terorismo, walang digmaan sa kasalukuyan ang masasabing isang tanda na nalalapit na ang pagwawakas ng mundo. Gaano man karami ang mga digmaang nagaganap sa ating paligid, pareho pa rin ang ating misyon at ang misyong ito mismo ang mas mapagkakatiwalaang tanda sa pagwawakas ng mundo, “Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas” (Mateo 24:14, idinagdag ang diin).
English
Ano ang ibig sabihin na magkakaroon ng mga digmaan at mga balita ng digmaan sa mga huling panahon?