settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga doktrina ng biyaya?

Sagot


Ang katagang “doktrina ng biyaya” ay ginagamit din bilang alternatibong terminolohiya ng “Calvinismo,” upang ilihis ang atensyon mula kay Calvin at sa halip ay pagtuunan ng pansin kung paano naging tama ang mga partikular na puntos na ito batay sa Bibliya at teolohiya. Ipinapaliwanag ng pariralang “mga doktrina ng biyaya” ang natatanging doktrinang soteriolohikal ng teolohiyang Reporma na maka-Calvinismo. Ang mga doktrinang ito ay binubuod ng: Lubos na Kasamaan, Walang kondisyong pagpili, Limitadong Pagtubos o pagbabayad-sala, Hindi mahadlangang biyaya, Pagtitiyaga ng mga Banal.

Kaugnay nito, naniniwala ang mga Kristiyanong Reporma na ang lahat ng limang puntos ng doktrina ng biyaya ay tuwirang masusumpungan sa Banal na Kasulatan at ipinapahayag nito ng tama ang katuruan ng Bibliya tungkol sa soteriolohiya-ang doktrina ng kaligtasan. Narito ang maikling paglalarawan ng mga doktrinang ito:

Lubos na Kasamaan - Dahil sa bunga ng pagbagsak ni Adan sa kasalanan, naapektuhan ang sangkatauhan; kaya't ang lahat ng kanyang mga inapo ay namatay sa espiritu dahil sa kasalanan (Efeso 2:1, 5). Subalit para sa mga Calvinist, hindi naman ito nangangahulugang napakasama na ng tao. Sa halip ay itinuturo ng doktrinang ito na ang pagbagsak ni Adan sa kasalanan ay nagresulta ng lubhang kasamaan ng tao at naapektuhan ng kasamaang ito ang lahat ng bahagi ng kanyang buhay.

Walang kondisyong Pagpili - Itinuturo ng puntos na ito na, ang tao ay walang kakayahan o hindi sya maaaring tumugon sa tawag ng Diyos sapagkat siya ay makasalanan at patay sa espiritu. Kaya't mula sa walang pasimula, ang Diyos ay buong habag na pumili ng partikular na mga tao upang iligtas (Efeso 1:4-6). Ang mga taong ito ay binubuo ng mga lalaki at mga babae mula sa bawat tribo, lenggwahe, lahi, at mga bansa (Pahayag 5:9). Ibig sabihin, ang pagpili at predestinasyon ay walang kondisyon; hindi ito nakabatay sa pagtugon ng tao sa biyaya ng Diyos (Roma 8:29-30; 9:11; Efeso 1:11-12) sapagkat sa kanyang makasalanang kalagayan, ang tao ay walang kakayahan at hindi siya tutugon ng may pagsang ayon sa kaligtasang iniaalok ni Cristo.

Limitadong Pagtubos o Pagbabayad-sala - Ang layunin ng pantubos na kamatayan ni Cristo ay hindi lamang upang gawing posible ang kaligtasan sa mga tao na nangangahulugang nasa kanila ang pasya kung tutugon sila sa biyaya ng Diyos. Sa halip ay ginawa niya ito upang siguruhin ang katubusan ng partikular na mga tao (Efeso 1:4-6; Juan 17:9). Dahil diyan, lahat ng pinili ng Diyos na siyang paksa ng kamatayan ni Cristo ay maliligtas (Juan 6:37-40, 44). Bilang karagdagan, marami sa mga Repormang Kristiyano ang mas pinipili ang katagang “partikular na pagtubos” sapagkat nararamdaman nila na higit na naipapaliwanag nito ang diwa ng nasabing doktrina na ang ibig sabihin ay hindi ganun ka limitado ang pagbabayad-sala ni Cristo kagaya ng partikular na pagtubos na ukol lamang sa mga partikular na mga tao na pinili ng Diyos.

Hindi mahadlangang Biyaya-Ayon sa doktrinang ito, ang Diyos ay pumili ng partikular na mga tao at sila ang makikinabang sa gawang pantubos ni Cristo. Ang mga taong ito ay ilalapit kay Cristo sa pamamagitan ng hindi matututulang biyaya. Ibig sabihin, sila ay tutugon at lalapit sa oras na tinawag sila ng Panginoon (Juan 6:37, 44; 10:16). Subalit dapat maging malinaw na ang katuruang ito ay hindi nangangahulugang inililgtas ng Diyos ang tao na labag sa kanilang pasya o kalooban. Sa halip ay itinuturo nito na binabago ng Diyos ang mapaghimagsik na puso ng isang hindi mananampalataya upang magkaroon siya ng pagnanais na magsisi at maligtas. Ang mga pinili ay ilalapit ng Diyos sa Kanya sa pamamagitan ng biyaya at ang biyayang iyon ay hindi maaaring labanan o tutulan. Sapagkat ang batong puso ng hindi mananampalataya ay papalitan ng Diyos ng pusong may pakiramdam at marunong sumunod sa Kanya (Ezekiel 36:26). Samakatuwid, ayon sa teolohiyang Reporma ay nauuna ang pagbabagong-loob bago ang pananampalataya

Pagtitiyaga ng mga Banal - Nangangahulugan ito na ang partikular na mga taong pinili ng Diyos at inilapit niya sa Kanya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay magtitiyaga at magtitiis sa pananampalataya. Walang sinuman ang mapapahamak at mawawala sa mga pinili ng Diyos sapagkat sila ay mayroong walang hanggang katiyakan sa Kanya (Juan 10:27-29; Roma 8:29-30; Efeso 1:3-14). Kaugnay nito, pinipili ng ilang teologong Reporma ang katagang “Pag-iingat sa mga Banal” dahil higit na naniniwala sila na ang nasabing kataga ay angkop na naglalarawan kung paanong ang Diyos ay tuwirang may pananagutan sa pag-iingat at pananatili ng mga pinili. Malinaw na nakasaad sa Banal na Kasulatan na si Cristo ay patuloy na nakikialam at namamagitan para sa kanyang mga pinili (Roma 8:34; Hebreo 7:25). At ito ang patuloy na nagbibigay ng katiyakan sa mga mananampalataya na ang sinumang na kay Cristo ay sa Kanya magpakailanman.

Ang lahat ng limang doktrinang ito ang kabuuan ng mga doktrina ng biyaya, sapagkat binubuod nito ang karanasan ng kaligtasan bilang resulta ng biyaya ng Diyos, na gumagawang hiwalay sa kapasyahan ng tao. Walang anumang gawa ng tao ang maaaring idagdag sa biyaya ng Diyos upang magkaroon ng katubusan ng kaluluwa. “Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman” (Efeso 2:8-9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga doktrina ng biyaya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries