settings icon
share icon
Tanong

Ano ang layunin ng pagkakaroon ng mga gantimpala sa langit?

Sagot


Binabanggit ng maraming beses sa Bibliya ang mga gantimpala sa langit (Mateo 5:12; Lukas 6:23, 35; 1 Corinto 3:14; 9:18). Ngunit bakit kinakailangan ang gantimpala sa langit? Hindi ba't sapat na na makasama natin ang Diyos sa langit? Ang pakikisama sa Kanya sa Kanyang kaluwalhatian, at sa mga kagalakan ng Langit ay magiging kahanga-hanga, at mahirap na maunawaan kung bakit kinakailangan pa ang ekstrang gantimpala doon. Gayundin naman, dahil ang ating pananampalataya ay nakalagak sa katuwiran ni Kristo sa halip na sa atin (Roma 3:21–26), tila nakapagtataka na ang ating mga gawa ay gagantimpalaan pa sa langit.

Mamimigay ng gantimpala ang Diyos sa langit para sa mga mananampalataya sa hukuman ni Kristo ayon sa kanilang katapatan ng paglilingkod sa Kanya (2 Corinto 5:10). Ipapakita ng mga gantimpala ang katotohanan ng ating pagiging anak ng Diyos (Galacia 4:7) at ang hustisya ng Diyos (Hebreo 6:10). Magbibigay ang Diyos ng gantimpala sa langit upang maganap ang batas ng pagtatanim at pagaani (Galacia 6:7–9) at upang tuparin ang Kanyang pangako na hindi masasayang ang lahat ng ating mga pagpapagal para sa Panginoon (1 Corinto 15:58).

Ang isang dahilan sa pagbibigay ng gantimpala sa langit ay ang katotohanan na ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang gantimpala para sa atin. Sinabi nI Pablo, "hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin" (Galacia 2:20). Ang ating buhay ay "natatagong kasama ni Kristo," na nakaupo sa kanan ng Diyos (Colosas 3:1–4). Namamatay tayong kasama NIya at nabubuhay na kasama NIya at kabahagi Niya sa Kanyang kagalakan (Roma 6:8; Mateo 25:21). Makakasama natin si Kristo sa langit (Juan 14:1–3). Ang ating mga buhay ay nakaugnay kay Kristo. Ang mga gantimpalang Kanyang tinanggap ay Kanyang ibinabahagi sa ating lahat: "At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya" (Roma 8:17).

Ang ating mga gantimpala sa langit ay nakasalalay sa kabutihan at kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, nagkaroon tayo ng mana sa langit; sinusubok ang ating pananampalataya dito sa lupa at nagbubunga ito sa kapurihan, kaluwalhatian, at karangalan sa araw ng pagpapakita ng ating Panginoong Hesu Kristo (1 Pedro 1:3–9). Ang mga ginagawa natin dito sa lupa ay panandalian lamang, (ngunit madadalang kasama natin sa langit) kung nakatatag ang mga iyon sa pundasyon na walang iba kundi si Kristo (1 Corinto 3:11–15).

Ang mga gantimpalang ating makakamtan sa langit ay hindi gaya ng mga gantimpala na ating nakakamtan dito sa lupa. May panganib na mag-isip tayo ng mga materyal na gantimpala sa langit— gaya ng mansyon, mga mamahaling bato at iba pa. Ngunit ang mga bagay na ito ay representasyon lamang ng tunay na gantimpala na makakamtan natin sa kalangitan. Pinahahalagahang lubos ng isang kabataang nanalo sa isang paligsahan ang kanyang tropeo hindi dahil sa mismong tropeo kundi dahil sa ibig sabihin ng tropeong iyon. Gayundin naman, ang anumang gantimpala o karangalan na ating makakamit sa langit ay magiging napakahalaga dahil nangangahulugan iyon ng uri ng ating relasyon sa Diyos—at magpapakita ang mga iyon ng Kanyang ginawa sa pamamagitan natin dito sa mundo.

Sa ganitong paraan, makaluluwalhati sa Diyos ang pagbibigay Niya ng gantimpala sa mga mananampalataya sa langit at mararanasan natin ang kagalakan, kapayapaan at pagkamangha kung isasaalang-alang natin ang Kanyang gawain sa atin at sa pamamagitan natin. Mas malapit tayo sa Diyos sa buhay natin dito sa lupa, mas nakasentro tayo sa Kanya. Mas nauunawaan natin Siya, mas lalo tayong nagiging depende sa Kanya. Mas lalo tayong naghahangad ng Kanyang kahabagan, mas lalo tayong dapat magdiwang. Katulad tayo ng mga tauhan sa isang kuwento na dumaranas ng pagdududa, kawalan at takot at nagtatanong kung talaga bang makakamtan natin ang nasa ng ating mga puso. Kung makuha na natin ang ating ninanasa, makukumpleto na ang kuwento. Hindi makakapagbigay ng kasiyahan ang isang kuwento kung wala ang masayang pagtatapos. Ang mga gantimpala sa langit ang pagtatapos ng ating kuwento at ang mga gantimpalang ating matatanggap ay ating magiging kagalakan at kasiyahan sa buong walang hanggan (Awit 16:11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang layunin ng pagkakaroon ng mga gantimpala sa langit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries