settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga gawa ng diyablo sa 1 Juan 3:8?

Sagot


Sinasabi sa 1 Juan 3:8 ang pangunahing dahilan ng pagparito ni Jesus sa sanlibutan: “Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo”. Si Satanas ay abala sa kanyang gawain sa mundong ito, at nang magpakita ang Anak ng Diyos ay pinabilis niya ang kanyang aktibidad (tingnan sa Mateo 4:1–11; Lucas 4:41). Ang mabuting balita ay ang kapangyarihan at presensya ni Jesus ang nagwawasak sa gawain ng diyablo.

Sa pahayag ng “mga gawa ng diyablo” sa konteksto, dapat nating basahin kung ano ang ibig sabihin nito: “Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo” (1 Juan 3:7–8). Ang tinutukoy ni apostol Juan ay ang personal na kabanalan. Ang anak ng Diyos ay nabubuhay sa katuwiran. Ang mga nabubuhay sa kawalan ng pagsisisi, at nagpapatuloy sa kasalanan ay nagpapatunay na sila’y mga anak ng diyablo dahil sila ay nagpapakita ng kalikasan ng diyablo. Ang isang taong pinananahanan ni Kristo ay hindi magpapatuloy sa pagkakasala sapagkat si Kristo ay naparito upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang mga gawaing iyon ni Satanas ay wala ng kapahayagan sa puso ng mananampalataya. Si Kristo ay naparito upang wasakin ang mga gawa ng diyablo at ginagarantiyahan ang ating pagpapaging banal.

Ano nga ba ang mga gawa ng diyablo? Sinasagot ng ilang mga talata sa Bibliya ang tanong na ito ngunit nagbigay si Jesus ng malinaw at maiksing sagot sa Juan 8.44. Sa pagharap sa mapagkunwaring lider ng relihiyon sa Israel, sinabi ni Jesus, “Ang diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan.” Ayon kay Hesus, ilan sa mga gawa ng diyablo ay ang pagpatay at pagsisinungaling. Ang dalawang kasalanang ito ay nagbubuod sa katangian ng diyablo at sa kanyang mga layunin. Siya ay gumagawa upang makita na ang mga tao ay mawasak at pumunta sa impiyerno (iyan ay pagpatay), at siya ay nagnanais na linlangin sila sa pagkawasak na iyon (iyan ay pagsisinungaling).

Ang mga gawa ng diyablo ay makikita sa Halamanan ng Eden, kung saan nilinlang ni Satanas si Eva at tinukso siya na sumuway (Genesis 3:1–6). Bilang resulta, nagkasala rin si Adan at nahulog ang buong sangkatauhan sa pagkaalipin sa kasalanan (Roma 5:12). Nagsinungaling si Satanas kay Eva na may layuning patayin siya (iyon ay, ihiwalay siya sa Diyos); gusto niyang mamatay ang sangkatauhan.

Bago tayo naligtas, tayo ay nasa ilalim ng ganap na epekto ng mga gawa ng diyablo. Sa katunayan, “Noong una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. 2 Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos” (Efeso 2:1–2). Ang mga gawa ng diyablo sa ating buhay ang naging dahilan upang tayo ay “dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip” (talata 3). Sa pamamagitan lamang ng pag-ibig, awa, at biyaya ng Diyos kaya tayo ay nailigtas mula sa mga gawa ng diyablo (mga talata 4–5).

Ang mga gawa ng diyablo ay nakakaapekto sa sangkatauhan sa moral, pisikal, intelektwal, at espiritwal. Sa moralidad, hinihikayat ng diyablo ang mga tao na magkasala, na ginagawang parang kaakit-akit ang kasamaan upang piliin ng mga tao ang masama kaysa sa pagsunod sa Diyos (Santiago 1:14). Sa pisikal, ang diyablo ay maaaring magdulot ng sakit at gumamit ng mga pisikal na pagsubok para sumpain ng mga tao ang Diyos (Job 2:4–5; Lucas 13:11). Sa intelektwal na paraan, ang diyablo ay hinihikayat ang mga tao sa mali, at makinig sa mga nagtuturo ng mga maling doktrina (1 Timoteo 4:1). Pinagdududa at binubulag niya ang isipan ng mga hindi mananampalataya sa mga espiritwal na katotohanan at sa ebanghelyo (2 Corinto 4:3–4). Ginagambala niya at nagsusulong siya ng kalituhan para kumilos ang mga tao ng mabilisan ng walang katalinuhan at ng may kahangalan. Sa Espiritwal, sinasamantala niya ang bawat pagkakataon upang agawin ang Salita ng Diyos na inihasik sa puso ng isang tao (Mateo 13:19).

Ninanais din ng diyablo na subukin ang mga mananampalataya (Lucas 22:31–32). Sinisikap niyang tuksuhin sila na huwag sumunod kay Kristo upang ilayo sila sa kanilang pangunahing layunin na luwalhatiin ang Diyos sa pagsusulong ng Kanyang mga layunin at plano. Si Satanas ay maaaring maging dahilan upang lumamig ang ating pag-ibig kay Kristo (Pahayag 2:4) o maging dahilan upang tayo ay huminto sa pagmamahalan sa isa't isa (Juan 13:34–35), kung gayon marurumihan ang ating patotoo sa harap ng mundo at hindi mabibigyan ng kaluguran ang ating Ama sa langit. Kung maaakit tayo ni Satanas sa mga adiksyon tulad ng pag-aaliw, pakikipagtalik, o pornograpiya, kung gayon ay binibihag niya tayo para maalipin ng kasalanan ng sa gayon ay hindi tayo makapagtagumpay para sa Diyos.

Sa pagbubuod, ang mga gawa ng diyablo ay kontrahin ang gawain ng Diyos. Bilang isang mamamatay-tao, si Satanas ay gumagawa laban sa Diyos, na siyang Buhay. Bilang isang sinungaling, si Satanas ay gumagawa laban sa Diyos, na siyang Katotohanan. Sa buhay ng mga di-mananampalataya, ang gawain ng mga diyablo ay pigilan sila sa paglapit ng may nagliligtas na pananampalataya kay Kristo na siyang dahilan upang maranasan nila ang ikalawang kamatayan (Pahayag 20:14–15). Sa buhay ng mga mananampalataya, ang gawain ng diyablo ay tuksuhin sila na magkasala at sa gayon ay maapektuhan ang kanilang pagiging mabuting patotoo para kay Kristo at sa mundong ito.

Sa kabutihang palad para sa atin, si Jesucristo ay dumating upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Nang malapit na ang panahon ng pagdakip at pagpapako sa Kanya sa krus, sinabi ni Jesus, “Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito” (Juan 12:31). Sa krus, ginawa ni Hesus ang maraming kamangha-manghang bagay. Tinanggap Niya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan at ibinigay sa atin ang Kanyang katuwiran. Samakatuwid, ang diyablo ay walang kapangyarihan sa walang hanggang hantungan ng mga mananampalataya kay Kristo. Hindi dahil hindi kayang tuksuhin ng diyablo ang isang Kristiyano na magkasala—at magtagumpay kung minsan—kundi ang kamatayan ni Jesus ay nagdala ng lahat ng galit ng Diyos laban sa kasalanang iyon, at hindi na hahatulan pa ng Diyos ang kasalanan ng mga mananampalataya (Roma 8: 1).

Hindi lamang winasak ng kamatayan ni Jesus ang mga gawa ng diyablo na may kaugnayan sa ating walang hanggang hantungan, kundi nagdulot ito sa atin ng personal na pagpapaging banal. Ang mga mananampalataya ay may kaloob ng Banal na Espiritu na nananahan sa kanila at umaakay sa kanila sa pagiging katulad ni Kristo. Tinatakan ng Espiritu ang mga nananampalataya kay Kristo, at hindi sila maaalis ng diyablo sa Kanyang mga pangako (Efeso 4:30).

Sa Kanyang kabutihan, binigyan din tayo ng Panginoon ng espiritwal na sandata upang makipaglaban sa diyablo (Efeso 6:10–18). Maaaring dalhin sa atin ng diyablo ang maraming bagay ngunit, kung pananatilihin natin ang ating sarili na suot ang baluti ng Diyos, ang labanan ay magiging mas madali. Dapat nating kilalanin ang ating kaaway at alamin na kapag siya ay lumalapit: “hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan” (2 Corinto 2:11). Higit sa lahat, dapat nating malaman kung saan nakasalalay ang ating lakas at depensa at tiwala “ang nagpapaging ganap ng pananampalataya” (Hebreo 12:2). Si Jesus ang tanging tunay na makakawasak sa mga gawa ng diyablo.



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga gawa ng diyablo sa 1 Juan 3:8?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries