settings icon
share icon
Tanong

Ano ang dapat na maging reaksyon ng isang Kristiyano sa lahat ng mga hula tungkol sa pagkagunaw sa mundo?

Sagot


Noong 1950s, natakot ang lahat na ang mundo ay magugunaw dahil sa mga sandatang nukleyar. Sa pagtatapos ng siglo, may mga espekulasyon tungkol sa Y2K at sa posibleng katapusan ng sibilisadong mundo. Naguluhan naman ang makabagong kultura tungkol sa pagtatapos ng kalendaryo ng mga Mayan noong 2012. Pagkatapos, nagkaroon ng diskusyon sa mga grupong Kristiyano tungkol sa paglabas ng pulang buwan na inaakalang isa ring tanda ng mga mangyayaring kaguluhan at pagkawasak ng mundo. Paano ngayon tutugon ang isang Kristyano tungkol sa mga hula sa pagkagunaw ng mundo at sa mga bali-balitang kaugnay nito?

Mula sa isang Kristiyanong pananaw, ang ating unang reaksyon ay dapat na paghinga ng malalim at pagkalma. Sa isang yugto ng panahon, ang mundong ito ay tiyak na magtatapos (2 Pedro 3:10). Muling paparito si Cristo (Pahayag 19:11–13) sa Kanyang itinakdang panahon (1 Corinto 15:51–52). Ngunit sa mga oras ding ito, ang bawat tao sa mundo ay isang kisap-mata lamang ang layo sa isang personal na katapusan (Awit 39:5). Ang sakit sa puso, mga digmaan, mga aksidente at mga kagaya nito ay maaaring magdala sa atin ng harapan sa ating Manlilikha sa halip na ang isang sakuna na pangbuong mundo (Santiago 4:13–15). Kung nalalapit man o matagal pa ang pagtatapos ng panahon, tinawag tayo ng Diyos para maghanda (2 Corinto 6:2) hindi para mataranta.

Ang karamihan ng mga hula tungkol sa pagkagunaw ng mundo ay mga purong haka-haka, alamat, o bunga ng walang muwang na pagkatakot. Hindi inisip kahit ng mga Mayan na ang kanilang kalendaryo ang magtatakda ng katapusan ng mundo. Hindi rin ang mga eksperto sa kompyuter ang nagtulak sa kaguluhang sanhi ng Y2K. At walang kahit isang totoong edukadong Kristiyanong teologo ang nagisip na ang paglitaw ng pulang buwan ay isang pangunahing tanda ng anumang partikular na kaganapan sa mundo. Gaya ng iba pang mga nauso at kinahumalingang usapin, ang mga diskusyon ay resulta at itinutulak ng mababaw na pangangatwiran o maging ng mga walang katotohanang sabi-sabi.

Maaaring mapalagay ang loob ng isang Kristiyano sa kanyang kaligtasan at magtiwala sa Diyos para din sa lahat ng mga bagay (Mateo 6:25–34). Sinabihan tayo na posibleng malaman ang mga tanda ng mga panahon (Mateo 16:3) pero imposible din para sa sinumang tao na malaman ng tiyak kung kailan eksaktong magaganap ang pagwawakas ng lahat ng bagay (Mateo 24:36). Sa halip na ituon ang ating pansin sa mga petsa, pagtatalo-talo, at sabi-sabi o mga tsismis, dapat nating ibahagi ang Ebanghelyo sa mas maraming bilang ng tao ayon sa abot ng ating makakaya. Lumulubog na ang barko, pero bago tayo magalala kung paano at kailan darating ang wakas, dapat muna nating bigyan ng bangkang masasakyan at timbulan ang nakakaraming tao!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang dapat na maging reaksyon ng isang Kristiyano sa lahat ng mga hula tungkol sa pagkagunaw sa mundo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries