settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na may mga manunuya sa huling mga araw?

Sagot


Dalawang sitas sa Bibliya ang nagsasabi na sa mga huling araw “magkakaroon ng mga manunuya.” Parehong ipinaliwanag sa 2 Pedro 3:3 at Judas 1:18 kung ano ang kahulugan niyon. Ang isang “manunuya” sa konteksto ay isang taong tinutuya si Cristo at pinagtatawanan ang mga bagay ng Diyos at nilalabanan ang Ebanghelyo. Parehong sumulat sina Pedro at Judas laban sa mga bulaang mangangaral na ang layunin ay iligaw ang iba. Ang salitang manunuya ay tumutukoy sa isang taong tinatanggihan ang mga katotohanan ng Kasulatan at inaakit ang iba na samahan siya sa kanyang kamalian.

Lagi ng may manunuya simula pa sa hardin ng Eden. Ang unang tukso ni Satanas sa tao ay sa anyo ng pagtuya sa utos ng Diyos: “Totoo bang sinabi ng Diyos—?” (Genesis 3:1). Ang mga manunuya ang nanaig noong panahon ni Noe (Genesis 6:5–8; Hebreo 11:7), na siyang dahilan para sila pataying lahat ng Diyos at muling magsimula kay Noe, ang tanging matuwid na tao sa mundo. Tumatanggi ang mga manunuya na maniwala sa salita ng Panginoon at gumagawa sila ng kanilang sariling mga diyos (2 Cronica 36:16). Nagbabala ang mangaawit laban sa pagkikibit-balikat na nagbubunga sa kaswal na pakikisama sa masasamang tao na nauupo sa “upuan ng mga manunuya” (Awit 1:1), na niyayakap ang kanilang pananaw sa mundo—at nakikibahagi sa kanilang kasasapitan.

Bagama’t laging bahagi ang mga manunuya ng makasalanang mundong ito, tila ipinapahiwatig ng Kasulatan na habang lumalapit ang Araw ng Panginoon, mas darami pa ang manunuya. Inilarawan ni Pedro ang mga manunuyang ito bilang mga taong “sinusunod ang kanilang sariling masamang pagnanasa” (2 Pedro 3:3) at pinagdududahan ang ikalawang pagparito ng Panginoong Jesus (2 Pedro 3:4). Libu-libong taon na ang lumipas mula ng umakyat si Jesus sa langit na nangakong magbabalik para sa mga tapat na naghihintay sa Kanya (Juan 14:1–4; Pahayag 22:12). Pinagdududahan ng mga manunuya ang Kanyang pagbabalik dahil sa napakatagal na diumano ng pangakong ito at tinutuya ang mga naghihintay pa rin at umaasa sa Kanyang pagpapakita (2 Timoteo 4:8; 2 Tesalonica 1:7).

Inilarawan ni Judas ang mga manunuya sa mga huling araw bilang mga taong sinusunod ang kanilang masamang pagnanasa at lumilikha ng pagkakampi-kampi sa iglesya (Judas 1:18). Maaari nilang ipakilala ang kanilang sarili bilang mga lider ng iglesya ngunit “hindi sila nagtataglay ng Espiritu” (Judas 1:19). Idinetalye ni Pablo ang sitwasyon ng mundo bago muling pumarito si Jesus: “Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao” (2 Timoteo 3:1–5). Ang mga manunuya ay kabilang sa ganitong mga tao.

Nakikita na natin ang pagdami ng mga manunuya sa ating mundo ngayon at may ilang dahilan sa ganitong pagdami. Ang palagiang paggamit ng internet, social media at iba pang anyo ng teknolohiya ang nagbibigay ng bukas na plataporma para sa sinumang may opinyon. Ang panunuya sa lahat ng bagay ay normal na lamang na paboritong pampalipas oras. Pinalalakas ang loob ng mga manunuya ng mga taong sumasang-ayon sa kanila. Maraming kasanayan ngayon para magkakaron ang tao ng maraming impormasyon at edukasyon na lagpas sa kanyang karunungan at ang bagong mundong ito na walang galang sa moralidad ay siyang dahilan sa paglabas ng mga manunuya sa halip ng mga taong nagiisip. Marami ang sinusubukang gumamit ng pagsasanay sa siyensya para pabulaanan ang realidad ng Diyos na Manlilikha at sinasabing walang Diyos dahil hindi ito kayang patunayan ng pangunawa ng tao. Sa pagtanggi sa Kasulatan, nawalan ng direksyon ang moralidad ng sangkatauhan, at nawalan tayo ng sukatan para malaman kung ano ang tama o mali, mabuti o masama, at kung ano ang katotohanan at kasinungalingan. Sa ganitong kalagayan, sinumang nagaangkin na nakakaalam ng katotohanan ay nagiging target ng mga manunuya.

Ang pagmamataas ay nagbubunsod sa panunuya, gaya ng nangyari sa Tore ng Babel (Genesis 11:1–4). Kapag ipinagyabang ng tao ang kanyang sariling kahalagahan, maguumpisa siyang hamunin ang lahat ng bagay na nagbabanta sa kanyang mataas na pagtingin sa sarili. Sa oras na alisin natin ang ideya ng Diyos sa pagpipilian, maaari na nating gawin ang anumang ating maibigan. Sinusubukang ibahin ng mga manunuya ang kahulugan ng pagaasawa, binubura ang linya sa kasarian, at lumilikha ng isang mundo ng pantasya kung saan ang realidad ay kung ano ang maganda sa kanilang pakiramdam. Kailan lamang, ang may ganitong pananaw ay itinuturing na baliw. Ngayon ay sinasabi sa atin kung ano ang ultimong karunungan. Ang Roma 1:21–22 ay totoong totoo sa panahon ngayon: “Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal.”

Ang pagdami ng mga manunuya ay isang tanda sa mga huling araw. “Wala namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili (Awit 14:1). Anuman ang piliing paniwalaan ng sinuman tungkol sa eskatolohiya, maaari nating sang-ayunang lahat na mabilis na dumadami ang mga manunuya at mga mandaraya gaya ng babala sa atin ng Kasulatan (2 Juan 1:7). Napakahalaga na seryosohin ng bawat Kristiyano ang utos na pag-aralan at pagbulay-bulayan ang Salita ng Diyos (2 Timoteo 2:15; Josue 1:8) upang hindi tayo mailigaw ng mga mapagmataas na ideya na iniaalok sa atin ng mga manunuya (2 Corinto 10:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na may mga manunuya sa huling mga araw?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries