settings icon
share icon
Tanong

Magkakaroon ba ng paghahandog ng mga hayop sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo?

Sagot


May ilang talata sa Lumang Tipan na malinaw na nagpapahiwatig na muling itatatag ang paghahandog ng mga hayop sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo. Binabanggit ito sa ilang mga talata kung saan tinatalakay ang isanlibong taon ng paghahari gaya ng Isaias 56:6-8; Zacarias 14:16; at Jeremias 33:15-18.

Ang mga talata kung saan ibinigay ang malawak at pinakamalinaw na detalye tungkol sa paksang ito ay ang Ezekiel 43:18—46:24. Matatandaan na ito ay bahagi ng isang mas mahabang diskurso kung saan tinatalakay ang isanlibong taon ng paghahari na naguumpisa sa Ezekiel 40. Sa Ezekiel 40, nagumpisa ang Panginoon sa pagbibigay ng detalye sa templo na itatayo sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari, isang templo na higit na malaki kaysa sa ibang mga templong dati ng itinayo, higit pang malaki maging kaysa sa templo ni Herodes na nakatayo noong panahong nangangaral si Cristo sa lupa.

Pagkatapos na ibigay ang mga detalye tungkol sa laki at hitsura ng templo at ng altar, nagsimula ang Panginoon sa pagbibigay ng mga detalyadong instruksyon sa mga handog na hayop na ihahandog doon (Ezekiel 43:18-27). Sa kabanata 44, nagbigay ang Panginoon ng instruksyon kung sino ang magaalay ng mga handog sa Panginoon. Sinasabi ng Panginoon na ang lahat ng mga Levita ay hindi na maghahandog pa ng mga dugo at taba ng hayop dahil sa mga kasalanan sa nakalipas; ang mga Levitang ito ay mula sa angkan ni Zadok (verse 15). Patuloy na binabanggit sa kabanata 45 at 46 ang mga gagawing paghahandog ng mga hayop.

Ang pangunahing pagtutol sa ideya ng paghahandog ng mga hayop sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo sa lupa ay ang katuruan ng Bagong Tipan na dumating na si Cristo at naghandog na ng perpektong handog para sa kasalanan at dahil dito hindi na kailangan pang maghandog ng mga hayop para sa kasalanan. Gayunman, dapat tandaan na ang mga handog na hayop ay hindi kailanman nakapag-alis ng kasalanan na dahilan ng espiritwal na pagkahiwalay ng tao mula sa Panginoon.

Sinasabi sa Hebreo 10:1-4, “Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.”

Maling isipin na ang mga handog na hayop ay nagaalis ng mga kasalanan sa Lumang Tipan, at hindi tamang isipin na ganito rin ang dahilan ng paghahandog ng mga hayop sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo. Ang paghahandog ng mga hayop ay nagsisilbing paalala para sa makasalanan, na ang kasalanan ay isang kasuklam-suklam na gawain laban sa Diyos at ang resulta ng kasalanan ay kamatayan. Sinasabi sa Roma 3:20, “Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay pagbibigay sa tao ng kaalaman na siya'y nagkasala.”

Nakakaraming iskolar na pre-millenial ang sumasang-ayon na ang layunin ng paghahandog ng hayop sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo sa lupa ay bilang pagalaala na kung paanong ang Hapunan ng Panginoon ay isang paalala sa kamatayan ni Cristo sa iglesya sa kasalukuyan, ang paghahandog ng mga hayop ay magiging paalala rin sa ginawang pagtubos ni Cristo. Sa panahong iyon sa hinaharap maghahari ang katuwiran at kabanalan ngunit ang mga taong may makalupang katawan ay mayroon pa ring makasalanang kalikasan at kailangan pa rin silang turuan kung gaano kasama ang kasalanan sa isang banal at makatuwirang Diyos. Ang paghahandog ng mga hayop ay magsisilbing paalala sa kanila ng katotohanang ito, “Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon” (Hebreo 10:3).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Magkakaroon ba ng paghahandog ng mga hayop sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries